PESO nagsagawa ng job fair sa Brgy. Maahas

Ni Noli A. Magsambol III at Christine Mae B. Santos

Dinagsa ng 209 residente ng Los Baños ang Public Employment Service Office (PESO) Job Fair na inorganisa ng konseho ng Brgy. Maahas sa pakikipagtulungan ng probinsyal na pamahalaan ng Laguna noong ika-27 ng Pebrero sa Brgy. Maahas Covered Court.

Nasa 69 na aplikante ang agad na natanggap noong ika-27 ng Pebrero sa job fair na ginanap sa covered court ng Brgy. Maahas.

Ang nasabing job fair ay nagsimula ng alas otso ng umaga  hanggang alas dose ng tanghali. Ayon kay Kapitan Ferdinand Vargas ng Brgy. Maahas, ang nasabing job fair ay una na niyang hiniling kay Governor ER Ejercito para mabigyan ng trabaho ang mga kabarangay. “Noong una talaga ay exclusive ito para dito sa mga taga Maahas ngunit noong nakapulong ko ang Laguna PESO ay minungkahi na ni Gobernor ER na gawing Los Baños-wide ito dahil na rin sa maraming kompanya ang nakipag ugnayan sa kanilang tanggapan,” ani Kapitan Vargas.

Dalawampu’t anim (26) na kumpanya at ahensiya ang nagbigay ng oportunidad sa mga taga-Los Baños na magkaroon ng trabaho. Ang ilan sa mga ito ay ang Coca Cola Bottlers, Philippines; CDO Food Sphere, Inc.; Goodwill; Global Expertise; SPI Corporation; East and West; Max’s Monte Vista; at Powerlane Resources, Inc.

Ang mga posisyon ng driver, sales agent, at factory worker ang kalimitang hinahanap ng mga kumpanya. Mayroon ding mga ahensiya na nangailangan ng mga manggagawa para sa mga kumpanya sa ibang bansa.

Ayon kay Mary Jane Corcuera ng PESO, ang nasabing job fair ay isa sa mga inisyatibo ng pamahalaang lalawigan upang mabigyan ng trabaho ang mga tao at maabot ang zero unemployment rate.

Si Jeff Escobin, residente ng Brgy. Mayondon at fresh graduate ng BS Education, ay isa sa mga nag-apply ng trabaho. Aniya, maaaring makatulong ang job fair sa kanya habang inaantay niya ang kaniyang pagdedemo sa pampublikong paaralan. “Target ko ‘yung pagiging sales agent kasi sa June pa naman ‘yung inaantay kong trabaho,” dagdag pa niya.

Para kay Girlie Pamulaklakin mula Brgy. Maahas na kumukuha ng kursong BS Tourism, ang job fair ay malaking oportunidad ang job fair para magkaroon muli ng hanapbuhay. “Kakatapos lang kasi ng kontrata ko sa inalisan kong trabaho at kailangan kong makakuhang muli para masustentuhan ko ang aking anak,” ani ni Girlie.

Ayon kay Kapitan Vargas, ang pagkakaroon ng trabaho ng kanyang mga residente ay makatutulong upang magkaroon ng sariling pagkakakitaan ang mga tao. Maaari na rin na maiwasan ang mga krimen tulad ng nakawan. “Mababawasan na rin ang mga taong umaasa sa tulong ng pinansyal ng barangay at para na rin magkaroon sila ng sariling sikap,” dagdag pa niya.

Para sa iba pang detalye ng PESO Job Fair, maaaring makipag-ugnayan sa kanilang opisina sa numerong (049) 501-4177.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *