ni Kathleen Mae Idnani at Easter Paz Issa Paulmanal kasama ang mga ulat at larawan mula kay Ruth Anne Ruelos
Mga lapis, crayola, at pambura, kwentong pambata, at masasayang kanta – ito ang mga binabalikan ng mga bata sa eskwela. Ngunit hindi magiging kumpleto ang silid-aralan kung wala ang magiting na guro na siyang gagabay sa kanilang pag-alam sa mga bagay-bagay.
Teacher Ayleen kung siya ay tawagin. Isa siya sa mga day care workers ng Los Baños. Higit 12 taon na mula nang magsimulang maglaan ng panahon sa pagtuturo sa mga maliliit na bata si Ginang Ayleen Palanginan. Walong taon na ang nakalipas mula nang siya ay mapunta sa Brgy. Anos at magsilbi bilang guro ng mga bata. Nagkaroon na rin siya ng pagkakataong maibahagi ang kanyang kaalaman sa mga bata sa Brgy. Bambang at Brgy. Putho-Tuntungin.
Hindi man nagtapos sa kursong Education si Teacher Ayleen, hindi naman ito naging hadlang upang magampanan niya ang kanyang tungkulin bilang guro. Sa halip, ang kurso niyang BA Communication Arts ay nakatulong rin sa kanya upang mas maging epektibong gabay sa mga batang kanyang tinuturuan. Bagamat nahirapan siya sa mga unang araw ng kanyang pagtuturo, agad rin naman niyang natutunan kung paano makisalamuha sa mga bata at maging sa mga magulang.
Hindi tulad ng ibang day care workers, si Teacher Ayleen ay nagtuturo sa apat na klase. Araw-araw niyang nakakasalamuha ang higit isang daang mag-aaral mula sa Makiling Subdivision at Brgy. Anos. Sa dami ng kanyang tinuturuan, hindi maiiwasang magkaroon ng problema sa loob ng silid-aralan. Isa na dito ang pakikisama sa mga batang may Attention Deficit/Hyperactivity Disorder (ADHD) at autism. Hindi kasi hiwalay ang mga batang may ADHD at autism sa ibang mga mag-aaral. Bilang tugon sa hamong ito, ang mga day care workers ay sumailalim sa mga pagsasanay kung paano ang tamang pakikipagsalamuha sa mga may ADHD at autism.
Upang mapanatili ang atensyon ng mga bata sa pag-aaral, gumagamit si Teacher Ayleen ng mga makukulay na visual aids at iba pang kagamitan sa pagtuturo. Paminsan-minsan naman ay gumagamit siya ng ilang mga educational videos na kanyang pinapanood sa mga mag-aaral upang mas mapadali ang pagbahagi ng ilang kaalaman sa kanyang mga mag-aaral.
Nabanggit ni Teacher Ayleen na katuwang ng day care centers ang lokal na pamahalaan upang mas mapaayos at mapaganda ang kalidad ng edukasyon na kanilang ibinabahagi sa mga bata. Dahil hindi naman obligadong magbayad ang mga magulang para sa pag-aaral ng kanilang mga anak, tanging tulong lamang mula sa ilan sa kanila at sa barangay ang pinagkukunan para sa ilang mga pangangailangan ng day care center.
Maituturing na isang volunteer work ang pagiging isang day care worker. Hindi biro ang trabaho at oras na kailangang ilaan ngunit hindi naman kalakihan ang natatanggap na allowance. Kung susumahin, tumatanggap lamang siya ng P 1,360 sa isang buwan. Bukod dito ay nakakatanggap din sila ng subsidy mula sa pamahalaang probinsyal ng Laguna. Mayroong inilalaan ang pamahalaang panlalawigan ng Laguna na P1,500 minsan sa tatlong buwan para sa mga day care worker tulad ni Teacher Ayleen. Maliit kung tutuusin ngunit nabanggit ni Teacher Ayleen na sapat na para sa kanya ang kanyang natatanggap. Ito ay sa dahilang itinuturing niyang tulong sa mga mamayan ng Brgy. Anos ang kanyang serbisyo.
Hangga’t may mga gurong katulad ni Teacher Ayleen na handang magbigay serbisyo, tiyak na magiging kumpleto ang karanasan ng mga batang nais matuto sa apat na sulok ng silid-aralan.