ni Jeanette Talag, Los Baños Times Collaborator at Presidente ng Los Baños Federation of Persons with Disabilities (LBFPWD) Inc.
Isang pagpupulong ng mga may kapansanan noong Enero 9 ang tumalakay sa partisipasyon ng mga Persons with Disabilities (PWDs) sa darating na halalan.
Pinamagatang Region 4A PWD Leaders Meeting, ang aktibidad ay inorganisa ng Ang May Kapansanang Bayani Movement (MABINI Movement-CALABARZON) at ginanap sa Andrea’s Hidden Villas Resort sa Tagaytay City.
Dumalo ang mga miyembro ng mga organisasyong pang-PWD sa mga bayan ng Rehiyon 4A. Kabilang dito ang tatlong miyembro ng Los Baños Federation of Persons with Disabilities (LBFPWD), Inc. na sina Jeanette Talag, presidente ng samahan, Lorelie Liwanag, focal person, at Lenie Bonapos.
Tinalakay sa pagpupulong ang pakikiisa sa eleksyon ng mga PWD sang-ayon sa Republic Act 10366 na kumikilala sa pangangailangan ng mga may kapansanan ng angkop na kagamitan at suporta sa pagboto. Mas kilala ang batas bilang Act Authorizing the Commission on Elections to Establish Precincts Assigned to Accessible Polling Places Exclusively for Persons with Disabilities and Senior Citizens.
Isa sa mga tagapagsalita ay si Dr. Jeana Manalaysay, isang dentista. Ayon kay Dr. Manalaysay, mahalaga rin ang magkaroon ng party list ang mga may kapansanan. Makakatulong itong palakasin ang boses ng mga PWDs sa Kapulungan ng mga Kintawan sa pamamagitan ng paglikha ng mga batas na nagsusulong sa mga karapatan at oportunidad ng mga PWDs.
Dumalo rin bilang tagapagsalita si Ronnel del Rio, isang tagapagsulong ng karapatan ng PWDs ng United Nations-Economic and Social Commission in the Asia Pacific. Katuwang niya sa diskusyon si Edwin de Villa, presidente ng Spinal Cord Injury Foundation. Tinalakay nila ang tamang pagtrato sa mga may kapansanan bilang parte ng lipunan. Pinag-usapan rin ang mga posibleng pagkukunan ng alternatibong pondo para sa mga programang makakatulong sa mga PWD.
Nagkaroon rin ng pagsasanay sa paggamit ng braille at software na nagbabasa ng mga salita sa computer screen para sa mga bulag. Napapadali nito ang komunikasyon ng mga visually impaired at tumutulong itong makasabay ang mga bulag sa lipunan sa pamamagitan ng makabagong tekbolohiya. Ito ay pinangunahan ni Arthur Letim, bise president sa Luzon ng Philippine Blind Union, Inc.
Hangad ng LBFPWD ang mas mataas na pagkilala sa mga PWDs sa bayan. Para sa mga katanungan at impormasyon, makipag-ugnayan lamang kay Jeanette Talag sa 0936-3471973.