ni Armando Esteban
Ika-27 ng Oktubre 2016 nang tinanggap ng Los Baños ang prestihiyosong karangalan na mapabilang sa 212 na munisipalidad sa buong Pilipinas at tumanggap ng Seal of Good Local Governance (SGLG) 2016 mula sa Department of Interior Local Government (DILG) o Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal.
Kasama ng Los Baños ang 9 pang munisipalidad, 4 lungsod, at 3 probinsiya mula sa Region IV-A (CALABARZON) na tumanggap ng karangalan.
Sa buong Laguna, tanging ang Los Baños ang munisipalidad na naparangalan ng SGLG samantalang sa kategorya ng mga lungsod ay naparangalan naman ang San Pedro City.
Ginanap ang nasabing paggagawad ng parangal sa Sofitel Hotel sa Metro Manila na pinangunahan ng butihing kalihim ng ng DILG na si Sec. Ismael “Mike” Sueno. Ang parangal para sa Los Baños ay malugod na tinanggap ni Mayor Caesar P. Perez kasama ang iba pang na opisyal ng Los Baños.
Ang SGLG ay mayroong anim na kategorya na kinabibilangan ng sumusunod:
- good financial keeping,
- disaster preparedness,
- social protection,
- business friendliness and competitiveness,
- environment management, at
- peace and order.
Ang SGLG 2016 ay ang mas pinalawak at mas pinahigpit na proseso kumpara sa dating Seal of Good Housekeeping na nauna nang naiparangal sa Los Baños noong taong 2011. Ang SGH ay sumusukat sa kakayahan at kahandaan ng isang lokal na pamahalaan. Nakapagtala ng 84% na pagsunod mula sa kabuuan ng mga lokal na pamahalaan sa bansa ngunit laganap pa rin ang kurapsyon sa bansa.
Dahil dito, binuo ang SGLG na naglalayong lalong palakasin ang tiwala ng mga mamamayan sa kani-kanilang mga lokal na pamahalaan. Kinakailangang maipasa ng isang lokal na pamahalaan ang unang tatlong kategorya at kahit na isa man lang sa tatlong sumusunod pa upang karapat dapat na makatanggap ng nasabing parangal.