Ulat nila Jade Ysabel Lauta at Norelle Andrea Paguirigan
Ngayong Sabado (Pebrero 17) ay magpupulong ang 118 na opisyales ng Koalisyon ng mga Samahan sa Riles Katagalugan (KOSARIKA) sa munisipyo ng Los Baños tungkol sa kanilang bersiyon ng Resettlement Action Plan (RAP) na tinatawag nilang People’s Plan.
Ang nasabing plano ay ukol sa isinasagawang North-South Railway Project (NSRP) South Commuter Line ng Department of Transportation (DOTr) at Philippine National Railways (PNR) Los Baños.
Ang pagpupulong sa Sabado ay gaganapin bago ang ikalawang Resettlement Action Plan (RAP) Stakeholder Consultation Meeting sa Marso. Dadaluhan ang nasabing konsultasyon ng KOSARIKA, ng Municipal Urban Development and Housing Office (MUDHO) ng Los Baños, ng DOTr, at ng Japan International Cooperation Agency (JICA).
Tatalakayin sa konsultasyon ang legal framework o ang legal na pundasyon ng proyekto at ang mga batas na nakapaloob dito. Ibabahagi rin ang resulta ng naisagawang senus (Census and Socio-Economic Survey) para sa hustong sukat ng mga maaapektuhang ari-arian ng mga mamamayan at ang mga lugar na nais nilang paglipatan.
People’s Plan
Bago ang konsultasyon sa Marso, ang People’s Plan na ay binuo ng KOSARIKA na isang alyansa ng lahat ng mga samahan sa kahabaan ng riles ng Los Baños. Ayon sa pangulo ng KOSARIKA na si Donato Catipon, ang People’s Plan ay isang alternatibong pamamaraan kung saan ang mga mamamayang maaapektuhan ng NSRP South Commuter Line ay kinokonsulta at isinasama sa pagoorganisa mula sa pagpaplano hanggang sa implementasyon ng proyekto.
“Ipinaramdam namin sa tao na mayroon silang karapatan dito sa People’s Plan”, binigyang-diin ni Catipon.
Nakasaad din sa People’s Plan ang pagkakaroon ng maayos na pabahay mula sa gobyerno na naka-angkla sa General Comment No. 4: The Right to Adequate Housing ng United Nations Economic, Social, and Cultural Rights (UNESCR) at sa Article V, Section 21 ng Republic Act 7279 o ang Urban Development Housing Act (UDHA) of 1992.
Nakapaloob sa Right to Adequate Housing ng UNESCR ang karapatan ng bawat tao sa maayos na pabahay para sa isang maayos at istandardisado na pamumuhay para sa kaniya at sa kaniyang pamilya. Samantala, ang Article V, Section 21 ng UDHA ay tumatalakay sa pangunahing serbisyo ng mga pabahay ng gobyerno tulad ng maiinom na tubig, elektrisidad, maayos na mga kalsada, atbp.
Epekto ng pagsasaayos ng NSRP South Commuter Line
Nitong Pebrero lang ay ginanap ang pagmamarka ng mga istruktura o tagging sa mga kabahayan na katabi ng riles. Walo sa labing-apat na barangay ng Los Baños ang maaapektuhan ng NSRP, ito ay ang mga sumusunod na barangay:
- Bambang
- Batong Malake
- Baybayin
- Lalakay
- Malinta
- Mayondon
- San Antonio,
- Tadlak
Mayroong 2,194 na istraktura na maapektuhan sa proyekto. Karamihan sa mga istrakturang ito ay mga bahay ng mga residente. Lubos na maaapektuhan ng pagsasaayos ng PNR Los Banos ang tatlong aspeto ang tirahan, kabuhayan, at edukasyon ng mga residente.
Ayon kay Cecilia Barcena, 45, residente ng Brgy. Bambang, sana ay malapit lang ang magiging lokasyon ng paglilipatan sa kanila. Dagdag pa niya, nandito na sa Los Baños ang kanilang kabuhayan at mga kamag-anak pati ang eskwelahan ng kanilang mga anak. Kung sila ay mapapalayo, mahihirapan silang maisaayos kaagad ang kanilang pamumuhay.
Sinabi naman ni Concepcion Bernardo Amparo, residente rin ng Brgy. Bambang, magiging malaking ang epekto ng pagpapalipat sakanila sa kanilang hanapbuhay at sa kanilang mga anak na nag-aaral sa mga malalapit na eskwelahan.
Ayon sa kaniya, ang pagsasaayos ng PNR ay matagal nang na-iplano noon pang administrasyon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ngunit hanggang ngayon, hindi ito naitutuloy. Nagkaroon na raw ng mga tagging noon kaya’t matuloy man o hindi ang pagsasaayos ng riles, matagal na silang handa kung sila man ay palipatin ng tirahan.
Nabanggit pa ni Amparo na malaki na rin ang utang na loob sa pagtira sa may riles nang mahabang panahon dahil doon na nabuo ang kanilang buhay.
Ayon kay Catipon ng KOSARIKA, ang kinakailangan na lupain na paglilipatan mga residente ay mula 24 – 26 na hektarya. Mungkahi nila na kung palilipatin ang mga residente ay sa malalapit na lugar lamang tulad ng Brgy. Lalakay, Anos, Putho-Tuntungin, o Mayondon. Inaabangan na lang din nila ang resulta ng sensus mula sa DOTr upang malaman nila kung paano hahatiin ang mga pamilya sa mga paglilipatang lugar.
North-South Railway Project (NSRP) South Commuter Line
Napagtibay ang PNR, o Manila Railroad Company noon, sa pamamagitan ng Republic Act 4156 noong 1960s na siyang naglalaman ng kapangyarihan, karapatan, tungkulin, at badyet para sa PNR.
Ngunit noong 1990s, naisantabi ang pagpapagawa ng mga riles at tren nang magsimulang umusbong ang mga paggamit ng bus, trak, at eroplano. Bukod sa hindi na ito nabigyan ng pansin ng pamahalaan, sunud-sunod ang mga kalamidad na dumating sa Pilipinas na nagdulot ng malalaking pinsala sa mga riles.
Unang naminsala ang super typhoon Rosing na bumagsak noong 1995 sa may Lucena at Naga. Sumunod ang bagyong Milenyo na sumira sa ilang imprastraktura ng PNR bandang Quezon at Camarines Sur. Dumating din ang bagyong Reming na siyang puminsala sa karamihan ng imprastraktura ng PNR.
Dahil sa mga pinsalang natamo ng PNR mula sa mga bagyo, ipinasara ni dating Pangulong Corazon Aquino ang North Main Line. Sumunod naman na ipinasara ang South Rail dahil sa pagputok ng Bulkang Mayon.
Noong umupo sa pwesto si dating Pangulong Gloria-Macapagal Arroyo, nagkaroon ng pagpaplano para sa pagsasaayos ng mga nasirang imprastraktura at riles. Kauna-unahang isinagawa ang pagpapaalis sa mga mamamayan na naninirahan sa may riles ng tren. Napadpad sila sa mga malalayong lugar kung saan hirap makakuha ng magandang trabaho at pangangailangan na siyang ikinagalit ng mga tao.
Ngayon sa administrasyong Duterte, isinasagawa na uli ang ilang mga proseso sa mga rehiyon, kabilang ang Rehiyong IV-A kung nasaan ang Los Baños, upang maituloy na ang naudlot na pagsasaayos ng PNR. Handa na rin naman ang mga mamamayan ng Los Baños, pati na ang pinuno ng KOSARIKA na si Donato Catipon sa mga susunod na hakbang na iaatas ng PNR Los Baños at DOTr para sa kanilang proyekto.