ulat nina Mae Toledo, Kei Asagi, at Mistral Reyes
TUNTUNGIN-PUTHO, LOS BAÑOS—Ginanap ang isang forum-workshop na may temang “Pinoy na Kabataan, Isinusulong Sustainable Development” noong Pebrero 24 sa covered court ng Paciano Rizal Elementary School.
Ang nasabing programa ay parte ng “Building Coalition with the Youth for Sustainable Development on Agriculture and Fishery.” Ito ay isang proyekto ng Yakap Kalikasan, isang Non-Government Organization (NGO) kasama ng United Nations Food and Agriculture Organization (UN-FAO).
Sa nakaraang apat na buwan, nakilahok ang tatlong grupo ng mga kabataan sa organic farming . Sila ay ang mga estudyante mula sa Paciano Rizal Elementary School, Kapayapaan Integrated School, at mga kabataan mula sa Gawad-Kalinga ng Putho-Tuntungin.
Nagkaroon din ng diskurso ang mga kabataan na kasama sa proyekto at mga eksperto na may kaalaman tungkol sa organic farming. Nagsisilbing pang enganyo ito sa mga kabataan para mas sumali pa sa mga proyektong katulad nito.
Nilalayon ng proyektong na turuan ang mga kabataan ng organic farming para sa isang sustainable na agrikultura.
Para naman kay Roberto Mursigna, 16 taong gulang ng Barangay Tuntungin-Putho at miyembro ng Gawad Kalinga sa Tuntungin-Putho, ang kanilang layunin ay magkaroon ng maginhawang ani at ng sariling pangkabuhayan. Kwento niya, ang gulay na kanilang tinanim ay nakakatulong sa kalusugan ng katawan at nakakatulong din sa kanilang pinansyal na pangangailangan dahil nabebenta nila ang kanilang ani.
“Bukod sa nagbibigay siya ng pang araw-araw na pangangailangan namin, [nakatutulong sya] sa halip na bibilhin mo pwede mo naman siyang kunin dyan,” aniya ni July Bautista, 42 taong gulang ng Barangay Tuntungin-Putho.
Kasisimula palang ni Bautista sa programang ipinakilala ng Yakap Kalikasan, siya ay lubos na nasisiyahan na sa nadudulot ng kanilang pananim, “Yung halaman maganda na lalo sa umaga kasi masaya ako kapag nakikita kong malaki sila, [tsaka] nakaka[sigurado din] ako na walang fertilizer.”
Mensahe naman ni Ginang Janet Martires, IEC at Project Development Specialist ng Yakap-Kalikasan, sa mga nagbabalak magsimula ng organic farming sakanilang mga tahanan, “Hindi kami naniniwala na walang espasyo, bintana lamang ay pwede nating gamitin.” Ito ay pinatunayan ng maga kabataan sa Gawad-Kalingaa nang gamitin nila ang mga sirang sapatos, pantalon, at electric fan upang mapagtaniman.
Aniya ni Martires, “kabataan ang pag-asa ng bayan,” kung kaya’t hinihikayat niya pa ang mga kabataan na subukan ang organic farming at makisali sa mga similar na proyekto para sa kinabukasan ng ating bayan.
Para sa karagdagang impormasyon, makipagugnayan lamang sa kanilang email address: [email protected], o kaya bumisita sa kanilang opisina sa Brgy. Maahas, Los Baños.