Ulat ni Von Henzley Consigna, Owen John de Leon, at Dhan Michael dela Peña
BATONG MALAKE — Mahigit limandaang mag-aaral mula sa labing-anim na day care centers (DCCs) ng Los Baños ang dumalo sa sportsfest na inorganisa ng Municipality Social Welfare and Development Office (MSWDO) nitong ikalawa ng Marso, taong 2018, sa Brgy. Batong Malake Covered Court, Los Baños, Laguna.
Nagsimula ang palaro nang ika-walo ng umaga, sa pangunguna ni Hanna Erika O. Laviña, Officer-in-Charge ng MSWDO, kasama ang 17 na day care workers mula sa iba’t-ibang barangay. Hinati ang 16 na DCCs sa apat na cluster: Mayondon, Maahas, Tuntungin-Putho, at Bayog (Cluster 1); Bagong Silang, San Antonio, Sitio Sampaguita, at Tadlac (Cluster 2); Lalakay, CSAP-Maahas, Malinta, at Batong Malake (Cluster 3); at Baybayin, Timugan, Anos, at Bambang (Cluster 4).
Nagsipagtagisan ang mga mag-aaral sa apat na istasyon: (1) Maria Went to Market, (2) Obstacle, (3) Relay, at (4) Sack Race. Naiuwi ng San Antonio DCC ang kampyonato sa palaro; sinundan sila ng Bayog DCC sa ikalawang puwesto at ng Batong Malake DCC sa ikatlong pwesto. Ang mga nagsipagwagi ay nakatanggap ng tropeyo mula sa MSWDO.
Ayon kay Ayleen Palanginan, day care worker ng Brgy. Anos, ang layunin ng aktibidad ay para ipakilala ang palakasan at maisulong ang sportsmanship sa mga bata.
“Para sakin, ‘yung mga ganitong palaro ay mahalaga kasi nakakapag-ehersisyo [ang mga bata] at nakakahalubilo nila yung ibang bata”, ani Shiela Andrade, mula sa Malinta, ina ng isa sa mga mag-aaral.
Ang Los Baños DCC Sportsfest ay isang taunang palaro para sa mga mag-aaral ng LB-DCCs, at ang palaro ngayong 2018 ay ang unang inorganisa ng MSWDO.