nina Julia Beatriz Iglesias at John Timothy Valenzuela
TUNTUNGIN PUTHO – Bilang bahagi ng pasko ng pagkabuhay, ipinagdiwang ng Barangay Tuntungin-Putho ang kanilang taunang Pista ng Santo ng Nuestra Señora nitong linggo, April 1.
Sa pangunguna ng Task Force on Youth Development, Youth Volunteers, at Sangguniang Barangay ng Tuntungin-Putho, iba’t ibang programa ang isinagawa at sama-samang pinuntahan ng mga residente.
Pinasimulan ang pagdiriwang noong ika-28 ng Marso sa pamamagitan ng iba’t ibang palarong pinoy na nilahukan ng mga residente ng barangay. Kabilang sa palarong ito ay ang palo sebo, pakwan eating contest, at calamansi relay. Nagkaroon din ng singing contest na pinamagatang: “The Voice of Tuntungin”, dance competition na may temang: “Beat the Heat”, at People’s night na nagbigay aliw at saya sa mga mamamayan.
Samantala, sinalubong naman ng mga residente ang pasko ng pagkabuhay sa pamamagitan ng pagpaparada ng poon ng Nuestra Señora. Kinagabihan naman ay nagtipon-tipon ang mga residente sa Tuntungin-Putho Sports Complex upang saksihan ang coronation night ng Mr. and Ms. Tuntungin-Putho, na nilahukan ng iba’t ibang purok ng nasabing barangay. Itinampok sa Mr. and Ms. Tuntungin-Putho hindi lamang ang kanilang angking ganda at talento, kundi maging ang kanilang mga adbokasiya tulad ng environmentalism, equality, anti-drug campaign.
“Syempre gusto naming magbigay ng kasiyahan sa mga mamamayan ng Tuntungin-Putho,” ayon kay John Harvey Jucoy, miyembro ng Task Force on Youth Development.
Dagdag pa rito, binigyang-diin ni Jucoy na kanilang nakita ang pagkakaisa ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagtulong sa mga preparasyong kinakailangan para sa pagdiriwang ng pista at mga aktibidad na kabilang dito.