ulat nina Maryam Tubio at Samantha Mayoralgo
Humigit-kumulang 60 na bata ang dumalo sa ongoing feeding program na pinapangunahan ng Kiwanis Club of Los Baños, alas-diyes hanggang alas-onse ng umaga sa barangay hall ng Timugan kahapon. Ito ay naglalayong solusyonan ang malnutrisyon sa barangay at isulong ang masustansiyang pagpapakain sa mga batang hanggang limang taong gulang.
Nagsimulang ilunsad ang feeding program noong ika-17 ng Pebrero ngayong taon, tuwing Lunes, Huwebes, at Biyernes kada linggo. Ito rin ay inaasahang magtatapos ngayong buwan ng Mayo.
Gamit ang mga mobile vehicles ng Kiwanis, sinusundo ang mga bata sa kani-kanilang mga bahay upang makadalo dito. Ang pinapakain sa nasabing programa ay Manapa, isang uri ng bigas na kadalasang hinahaluan ng soybeans at iba pang pampalasa.
Ayon kay Mary Jean Aquino, Barangay Nutrition Scholar (BNS) ng Barangay Timugan, napili ng Kiwanis Club of Los Baños ang kanilang barangay dahil sa dami ng ng mga batang stunted o bansot, isang kondisyon kung saan hindi naaayon ang laki ng bata sa kanilang edad.
“Mahalaga ang nutrisyon sa tao kasi dapat bata pa lang ay inaalagaan na ang kanilang kalusugan. Kapag mahina kasi ang katawan ay kadalasang mahina rin ang utak ng bata,” ani ni Aquino.
Sa kabilang dako, tinutulungan din ng Kiwanis Club at mga BNS ang siyam na estudyanteng mula sa Laguna State Polytechnic University (LSPU) na nag-aaral ng kursong Nutrisyon. Sila ay tumutulong magtimbang ng mga bata bilang parte ng kanilang on-the-job training (OJT).
Ayon kay Joey Carag, isang estudyanteng volunteer, maswerte ang barangay Timugan dahil ito ang napili ng Kiwanis. Hiling din niya na maglunsad ang mismong gobyerno ng nasabing programa para sa mga karatig-bayan.
Ang Kiwanis Club of Los Baños ay nasa ilalim ng Kiwanis International na may layuning “Serving Children of the World”. Kasama ng Kiwanis ang Municipal Nutrition Action Office o MNAO sa pagpili ng barangay na maaaring paglunsaran ng programa.