Ulat at larawan ni Derrick Ordoñez
Nagumpisa na kahapon, ika-14 ng Abril, ang filing ng Certificate of Candidacy (COC) para sa mga nagnanais tumakbo sa darating na Barangay at SK Elections na gaganapin sa ika-14 ng Mayo, 2018.
Ayon kay Election Assistant Elino T. Batalon, inaasahan na muling dadagsain ang kanilang mga opisina ng mga nais tumakbo o magpaparehistro para sa darating na eleksyon. Dagdag pa nito na ngayo’y downloadable na sa internet ang COC, kaya mas nailapit pa ng Commission on Elections (COMELEC) sa masa ang proseso ng eleksyon.
Patuloy ang paghahanda ng COMELEC sa darating na eleksyon. Kahit ilang beses pa itong nasuspinde, hindi sila tumigil upang maisayos ang mga kailangan para sa eleksyon.
“Ngayon ay hinahanda namin ang Board of Election Tellers (BET) pati na rin ang Election Day Computerized Voters List (EDCVL). Kasi baka marami sa atin ay nakalimutang bumoto dahil nga ilang beses na itong na-move,” aniya ni Batalon.
Sa mga nakaraang eleksyon sa Los Baños, nasa 82% ang naging voter’s turnout para sa 2016 national elections at tinatayang nasa 67% naman ang sa huling barangay/SK elections.
“Nawa ay sumunod ang mga kakandidato sa mga patakaran ng COMELEC. Yung mga bawal paglagyan ng poster, sana ay ‘wag na lang. 2×3 feet ang maximum kaya sana huwag nang lalaki doon,” wika ni Batalon.
Ngayong araw din ang simula ng gun ban sa buong bansa na siyang tatagal hanggang sa ika-21 ng Mayo, 2018. Ang pangangampanya naman ay magsisimula ng ika-4 hanggang sa ika-12 ng Mayo, 2018.
Maaari namang magpasa ng COC hanggang sa ika-20 ng Abril. Kailangan lamang sagutan ang lahat ng hinihinging impormasyon, magdala ng limang notaryadong kopya nito, at passport-size na larawan.
Para sa mga karagdagang impormasyon, bisitahin ang opisina ng COMELEC sa munisipyo ng Los Baños.