Sexual Abuse Prevention Seminar, ginanap sa Brgy. Bambang

ulat at larawan ni Nur Lemuel Castillo

Ginanap sa Brgy. Bambang Multipurpose Hall ang buwanang Family Development Session para sa mga anak ng 4Ps beneficiaries patungkol sa Child Sexual Abuse Prevention noong ika-17 ng Abril, 2018.

Ang nasabing seminar ay pinangunahan ng Regional Social Welfare and Development Office (RSWD) ng CALABARZON na naglalayong bigyang kaalaman ang mga batang apat na taon hanggang 17 taon gulang.hinggil sa iba’t ibang uri ng pang aabusong sekswal.

“Tinatalakay po natin dito kung paano tutukuyin ng mga bata ang mga bagay na maituturing na sexual abuse nang sa gayon ay maiwasan na sila ay maging biktima at tinuturuan din natin sila kung paano at kanino dapat magsumbong sakaling makaranas sila ng ganito,” sabi ni G. Dwayne Sandicho, CALABARZON RSWD Worker.

Ayon kay G. Sandicho, bukod sa nabanggit ay binibigyang diin din sa seminar ang kahalagahan at tungkulin ng mga magulang sa pag-titiyak at pangagalaga sa kanilang mga anak laban sa anumang uri ng pang aabusong sekswal.

Dinaluhan ang nasabing seminar ng mahigit sa labinlimang mga bata kung saan sila ay nabigyan ng pagkakataon na makapanood ng mga videos at maiiksing pelikula patungkol sa pag-sasadula ng mga naging karanasan ng ilang mga bata na naging biktima ng sexual abuse.

PAGMULAT. Pinapanood sa mga kabataan ang isang video tungkol sa mga karanasan ng mga naging biktima ng sexual abuse. (Kuha ni Nur Lemuel Castillo)

Namahagi din ng mga flyers si G. Sandicho sa mga bata na naglalaman ng mga impormasyon kung paano dumulog sa mga kawani ng lokal na pamahalaan. Ito ay magagamit nila kung nais nilang magsumbong lalo na sa mga MSWD Offices at Women’s desk ng mga barangay.

Ang Family Development Session ay isang programang inilunsad ng DSWD noong 2017, kung saan inatasan ang mga lokal na pamahalaan na mag-imbita ng mga eksperto sa Parenthood at Family Planning upang magturo sa mga 4Ps beneficiaries.

Ito ay nagsilbi rin bilang isa sa mga manadatory requirement para sa mga 4Ps beneficiaries, dahil kung sila ay hindi dadalo at makikibahagi sa buwanang seminar ay maaari silang tanggalan ng mga benepisyo na nakapaloob sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.