‘Expanding Breastfeeding: Nourish a Child. Nourish the Mind’ symposium, ginanap sa UPLB

Ulat at kuha nina Malaya Ampon at Loren May De Guzman

UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES LOS BAÑOS – Idinaos ang ‘Expanding Breastfeeding: Nourish a Child. Nourish the Mind’ symposium noong ika-23 ng Abril 2018 sa CEAT B-100 mula alas-otso ng umaga hanggang alas-dose ng tanghali.

Isinagawa ng Philippine Association of Nutrition Alpha Omega Chapter (PAN-AO), sa pakikipagtulungan ng Department of Health (DOH) at World Vision Development Foundation Inc. (WVDF, Inc.) ang nasabing symposium na dinaluhan ng mga estudyante ng UPLB, mga miyembro ng health organizations at offices mula sa rehiyon ng CALABARZON, at ilang residente ng Laguna.

Sa unang bahagi, tinalakay ang mga benepisyo ng breastfeeding sa bata at sa ina. Nabanggit din ang kasaysayan, kultura ng breastfeeding at ang mga panganib ng infant formula o human milk substitutes.

BREASTMILK. Tinatalakay ni Aiza Kris M.Bernardo, RND, ang ilan sa mga nilalaman ng gatas ng ina. (kuha ni Malaya Ampon)

Sunod namang napag-usapan ang Executive Order 51 o Philippine Milk Code of 1986 na ibinahagi ni Evelyn Dela Torre, Nurse V ng DOH – CALABARZON. Layunin ng Milk Code na magbigay ng sapat at ligtas na nutrisyon sa mga bata sa pamamagitan ng pagsulong sa breastfeeding at sa pagregulate ng mga breastmilk substitutes, supplements, at iba pang katulad na produkto.

Ikatlong tinalakay ang RA 10028 o Expanded Breastfeeding Promotion Act of 2009 na naglalayong protektahan, isulong, at suportahan ang pagpapasuso ng mga ina kahit na sila ay nasa trabaho. Nakasaad sa batas na ito ang paglalagay ng maayos na lactation stations sa mga kumpanya (pribado man o pampubliko).

LACTATION STATION. Pinapakita ni Suzette Espallardo, RND I ng DOH-CALABARZON, ang itsura at nilalaman ng isang maayos na lactation station. (kuha ni Malaya Ampon)

Sa huling bahagi ng symposium, inilahad ni Carleneth San Valentin, Health and Nutrition Technical Manager ng WVDF, Inc. ang kanilang Mother-Baby Friendly Philippines Project (MBFPH) na nag-umpisa noong 2016 sa Malabon, Quezon City, at Manila. Layunin ng proyekto na tulungan ang DOH na ipatupad ang mga batas tungkol sa breastfeeding. Nagtaguyod sila ng website (mbfp.doh.gov.ph), mobile application (MBFPH), at text hotline (29290-6237) bilang mga reporting channels sa mga lumalabag sa Milk Code.

Ayon kay San Valentin, “ang pagpapasuso ay karapatan ng mga kababaihan. Every time that we don’t implement the IYCF (Infant and Young Children Feeding)-related laws, we are impinging on the rights of women to breastfeed.” Dagdag pa niya na bilang mga pangkaraniwang tao, responsibilidad natin ang maprotektahan, mapalaganap, at masuportahan ang breastfeeding sa abot ng ating makakaya.

“I am proud for having breastfed all my children,” ani ni Maria Critina Morioka, isang small business owner at may limang anak. Isa rin sa mga dumalo sa symposium si Jennet Razo, isang educator, at napagtanto niya na malaki talaga ang pasasalamat niya sa kanyang mga magulang, lalo na sa kanyang ina, dahil siya ay breastfed sa kanyang unang limang taon.

Sa ngayon, wala pang mga susunod na proyekto/programa ang WVDF, Inc. tungkol sa breastfeeding dito sa Los Baños. Sa Agosto ipinagdiriwang ang World Breastfeeding Month.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.