ulat nina Akira Gomez at Angel Mendez
Mayroong 36 na kalahok edad 18 hanggang 65 mula sa iba’t ibang barangay ng Los Baños ang dumalo sa Rainbow Zumba Party sa Bambang Elementary School Covered Court kahapon, ika-28 ng Abril, mula alas-kwatro hanggang alas-sais ng hapon.
Ito ay inorganisa ng Cray Pen Drive sa tulong ng Timog Greens and Grill Bar and Restaurant, Generika Drugstore, at ilang konsehal ng bayan. Layunin ng nasabing programa ang makapagbigay ng mga krayola at lapis sa 150 hanggang 200 na Day Care students ng Barangay Bambang.
Ito ang kauna-unahang Zumba Party na inorganisa ng Cray and Pen Drive. Ang Cray Pen Drive ay isang organisasyon na binubuo ng isang batch ng mga dating mag-aaral ng Bambang Elementary School.
Ayon kay Rizalyn Oboza Zulueta, pinuno ng organisasyon, “Gusto namin [na makapagbigay sa mas maraming estudyante] pero, kumbaga, small steps muna.”
Ibinahagi rin niya ang kagustuhan ng organisasyon na ipagpatuloy pa ang ganitong klase ng aktibidad upang itaguyod din ang kalusugan ng mga kalahok. Sa huli, apat (4) sa mga kalahok ang nag-uwi ng mga special awards.
Si Rhonila Cachuela ay nanalo ng Rainbow Energy Queen award; si Lisa Trapago ay tinaguriang Rainbow Smile Diva; Precy Rombano, Most Groovy Senior; at, Perly Fortuna para sa Best in Rainbow Attire.