nina Krizza Bautro at Robi Kate Miranda
Ngayong araw, isinagawa ang briefing para sa electoral boards at staff para sa Barangay Timugan at Tadlac sa pangunguna ni Ginoong Randy P. Banzuela, election officer ng Los Baños Laguna.
Ginanap ito sa multi-purpose hall ng munisipyo ng Los Baños at dinaluhan ng mahigit 40 guro at staff na naitalang magiging tagapangasiwa ng bawat presinto sa darating na halalan. Ang bawat electoral board ay binubuo ng isang chairperson, poll clerk, at third member.
Tinalakay dito ni Ginoong Banzuela ang iba’t-ibang panuntunan para sa darating na Barangay at SK elections. Ilan dito ang kanilang mga tungkulin at responsibilidad, mga kailangan at bawal gawin sa araw ng halalan, mga panuntunan sa pagbabantay, at mga dapat gawin sa bawat sitwasyong maaaring mangyari.
Ayon kay Ginoong Banzuela, kadalasang problema ng mga electoral boards ang mga botanteng hindi sumusunod sa mga patakaran ng eleksyon at ang agarang pagbibilang ng boto matapos ang botohan. Dagdag pa niya, mahalagang isinasagawa ang mga briefing at training upang maging standardized ang pagbabasa ng boto o appreciation of votes ng mga tagabilang.
Ngayong darating na eleksyon, manwal na botohan ang gagamitin ng bawat barangay. Ito ay magsisimula ng 7:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon sa Mayo 14, 2018.
Ang susunod na briefing ay magaganap sa Mayo 6 para sa barangay Bambang, Malinta, at San Antonio. Ito ay magtutuloy hanggang Mayo 10 para sa iba pang mga barangay.