nina Angelyka Babaran at Danna Madrelejos
TUNTUNGIN-PUTHO – Isang libreng anti-rabies vaccination ang ginanap sa Brgy. Tuntungin-Putho Covered Court ngayong araw, hatid ng UPLB College of Veterinary Medicine (CVM), sa pakikipagtulungan ng Global Alliance for Rabies Control (GARC) at Bureau of Animal Industry (BAI).
Ito ay pinangunahan ng NSTP 2 – Civic Welfare Training Service (CWTS) ng CVM, sa ilalim ng pangangasiwa ni Dr. Maria Catalina T. De Luna, college secretary ng kolehiyo. Kasama dito ang ilang boluntaryong estudyante mula sa CVM.
Ang bakuna ay libre para sa unang 300 na aso at pusa. Bago mabakunahan, dapat ay hindi bababa sa tatlong buwan ang edad, walang sakit, hindi buntis, at hindi nagpapagatas. Dagdag pa rito, nagpamigay din sila ng mga brochures na naglalaman ng infographics tungkol sa rabies.
Maliban sa anti–rabies vaccination, nagsagawa rin sila ng mga aktibidad para sa rabies awareness sa mga batang may edad na 18 pababa. Dito ay nagpamigay sila ng mga komiks mula sa GARC upang mas mapalawak pa ang kaalaman ng mga bata tungkol sa rabies.
Ayon kay Dr. De Luna, nais nilang makipagtulungan sa layunin ng gobyernong mapuksa ang rabies sa taong 2020. Ang anti-rabies vaccination ay idinaraos taon-taon sa mga barangay na nais lumahok dito.