nina Francesca Cabugoy at Danna Madrelejos
Ang Philippine Philharmonic Orchestra (PPO) Sunsets at Makiling, isang libreng pagtatanghal dala ng pinakatanyag na orchestra sa bansa, ay ginanap noong ika-5 ng Mayo sa Tanghalang Maria Makiling, National Arts Center. Sa kasalukuyan, panglimang taon na itong isinasagawa ng Cultural Center of the Philippines (CCP) sa pakikipagtulungan kasama ang Philippine High School for the Arts (PHSA).
Kasabay ng paglubog ng araw, nagpamalas ng talento sa musika ang Philippine Philharmonic Orchestra sa ilalim ng baton ni Maestro Herminigildo Ranera kasama sina Madeline Jane Banta, Rhoxene Octaviano, at Nikki Zen Obmasca. Si Banta ay isang tanyag na harpist sa bansa, samantala ang trumpet player na si Octaviano at bandurria player na si Obmasca ay mga mag-aaral ng PHSA.
Ang ilan sa mga klasikong musikang itinanghal ng PPO sa konsiyerto ay ang Poet at Peasant Overture ni Franz von Suppe, Symphony No. 40 in G Minor, KV550 Molto allegro ni Wolfgang Amadeus Mozart, at Carnival of Venice ni Jean Baptiste Arban. Dagdag pa rito, itinugtog ni Banta ang Dalagang Pilipina ni Jose Santos na areglo ni Ryan Cayabyab. Moto Perpetuo ni Nicollo Paganini at Concerto in B flat, Op. 4 No. 6, HWV 294 Andante-Allegro ni George Frederic Handel naman ang itinugtog nina Octaviano at Obmasca. Sa bandang dulo ng konsiyerto, nasurpresa ang mga manonood nang tugtugin ng PPO ang ilan sa mga popular na kanta tulad ng Havana at Despacito.
“Namumulat yung mga young generations, yung mga bata to take music. Music is very important sa atin, we need that,” ani ni Ranera tungkol sa isa sa mga layunin ng PPO Sunsets at Makiling para sa mga tao, lalo na sa mga kabataan. Ayon sa kanya, siya na mismo ang maglalapit ng musika sa mga tao sa pamamagitan ng PPO Sunsets dahil hindi lahat ng tao ay may pagkakataong makapunta ng Maynila sa CCP upang mapanood sila.
Para naman kay Banta, ang musika ay isang “expression and community building.” Siya ay naniniwala na may espesyal na tungkulin ang musika sa mga tao, tulad na nga lang ng pagtulong nito sa mga taong may depresyon upang magbigay ng kakalmahan para sa lahat ng may kailangan nito. Dagdag pa ni Banta, ang musika ay isang bagay na nakadisenyo para ibahagi sa kapwa. Sa pagpapalaganap naman ng musika, ika niya, “I want also to learn a lot of harp pieces para mapalaganap yung [musika], maappreciate yung [musika].”
Universal language naman ang turing ni Octaviano sa musika dahil ani niya, kapag nawala ito, marami ang maaapektuhan. Samantala, ang pagiging bahagi ng musika sa ating bawat kultura simula pa noong unang panahon ang pinakaimportanteng kahalagahan nito, ayon kay Obmasca.
Upang mas maengganyo ang mga kabataan na dumalo sa mga pagtatanghal ng PPO, nirekomenda ni Octaviano na mag-areglo ng mga kantang alam ng mga kabataan kagaya ng ginawa noong konsiyerto.
Ang PPO Sunsets at Makiling ay isang outreach program ng Cultural Center of the Philippines. Layunin nito na ibahagi ang kagandahan ng sining, partikular na ang musika, sa mga mamamayan ng Los Baños at mga karatig lugar sa Laguna. Ito ay ginaganap taun-taon at bukas para sa publiko.