Ika-14 ng Mayo, 2018 – Bumisita ang UP Grand Order of the EAGLES Fraternity (UPGOEF) sa Tahanan ng Ama Retreat House sa Barangay Tuntungin-Putho, Los Banos upang magsagawa ng isang outreach program para sa mga batang scholars ng nasabing tahanan.
Ang UPGOEF ay isang organisasyon o fraternity na nakabase sa University of the Philippines Los Baños.
Ayon sa activity head ng programa na si Ranier Lim, miyembro ng nasabing fraternity, layon ng naturang outreach na makatulong sa pag-aaral ng scholars ng tahanan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng basic school supplies sa kanila. “Among doon sa mga pwedeng pag-ganapan namin ng outreach program, ‘yun ‘yung napili namin dahil gusto namin makatulong sa mga batang nagaaral; para sa edukasyon nila,” pahayag ni Lim.
Bukod sa pagbibigay ng school supplies, nagbigay-saya rin ang naturang organisasyon sa pamamagitan ng pagkukuwento ng istoryang may mabuting aral at pagpapalaro ng charades at stop-dance sa mga scholars sa Tahanan ng Ama. Ang outreach program ay nagtapos sa kantang inihandog ng mga scholars para sa mga miyembro ng UPGOEF.
Ang mga kinikilalang scholars ng Tahanan ng Ama Retreat House ay ang mga bata mula Pre-elementary hanggang Grade 7 na nanggagaling sa pamilyang residente ng Brgy. Tuntungin-Putho na kulang ang pantustos para sa kanilang pag-aaral.
“We have a program na Adopt a Child and Save a Hungry Mind Program,” ayon kay Sister Laura Pineda Chavez na kasalukuyang nagma-manage ng retreat house. “Bawat isang bata ay hinahanapan (namin) ng isang sponsor na family who will give 300 (pesos) per month para sa kanilang food and education.” Hindi lamang para sa mga bata ang programa ng Tahanan ng Ama, ngunit para rin sa mga pamilya ng mga ito.
Ang Tahanan ng Ama Retreat House ay miyembro ng Lay-Contemplative Missionary of the Sacred Heart of Jesus and Immaculate Heart of Mary. Misyon nilang gumawa ng mga programang may kinalaman sa edukasyon, evangelization, empowerment, at environment, o ang tinatawag na 4-E, at ang programa nilang nakalaan sa edukasyon ay ang Adopt a Child and Save a Hungry Mind Program.
Taos pusong nagpasalamat si Sister Laura sa mga tao at organisasyon tulad ng UPGOEF na patuloy na sumusuporta sa Tahanan ng Ama sa ngalan ng Lay-Contemplative Missionaries. “Sa lahat ng mga organizations sa UP na hindi nakakalimot gamitin ang Tahanan ng Ama for their venue and dwelling place, maraming salamat sa palagiang pagtulong niyo,” pasasalamat niya.
Ilan pa sa mga regular na programang ipinapatupad ng UPGOEF ay mga feeding programs at medical missions. Layunin nilang makatulong at patuloy na tuparin ang kanilang motto na “Ten fingers for a million souls.”