nina Krizza Bautro at Robi Kate Miranda
Matapos ang dalawang taong pagkakaantala, halos apat na buwang paghahanda, sampung araw ng kampanya, at 24 oras na bilangan, naibahagi ni Ginoong Randy Banzuela, Elections Officer ng Los Banos COMELEC Office, na matagumpay na naisagawa sa bayan ng Los Baños ang synchronized Barangay at SK Elections noong ika-14 ng Mayo ngayong taon.
Ayon sa kanya, nakiisa ang 65-70% ng registered voters na may bilang na 61, 458 sa buong 14 na barangay. Nagsimula ang botohan ng ika-7 ng umaga at natapos ng ika-3 ng hapon sa mahigit 400 na presinto ng Los Baños. Pinangasiwaan ito ng mga gurong nagsilbing electoral boards ng isang buong araw upang panatilihin ang kaayusan at sistema ng eleksyon.
“Mahaba yung naging briefing namin para sa mga guro, mga electoral boards. Halos isang linggo ang inilaan namin para maihanda sila.” ani ni Ginoong Banzuela, ukol sa kanilang mga paghahanda ilang buwan bago ang eleksyon. Nagdaos sila ng briefing at training na nagsimula noong Mayo 4 hanggang Mayo 10.
Dagdag pa niya, sa pangkalahatan ay maayos ang naging takbo ng eleksyon kumpara sa mga nakaraang Barangay at SK Elections na kanyang pinangasiwaan. Bago ito, nagsimula ang paghahanda ng Los Baños Commission on Elections (COMELEC) Office noong Enero ng kasalukuyang taon bilang paghahanda sa election period mula ika-14 ng Abril hanggang ika-21 ng Mayo.
Gayunpaman, may mga problema pa ring kinaharap nitong nakaraang eleksyon para sa pinakamababang sangay ng pamahalaan. Ilan rito ang ilang reklamo ukol sa kaso ng vote-buying, di sistematikong pagkukumpol ng mga supporters sa mismong eleksyon, at mga problema sa paghahanap ng mga botante sa kanilang pangalan.
“Yung iba, may naghahanap, tapos kapag hindi nakikita rito, sa list namin, nagagalit, which is, hindi naman pala sila talaga dito, dun sila sa next precinct,” ani Ginang Nesa Magsipoc, Elections Chairman ng Brgy. Timugan.
Ayon naman kay Ginoong Elino Batalon, 24 taon nang election assistant ng Los Baños COMELEC office, “Pinakamahirap na problema ang mapagbantaan ng mga politiko na gumagamit-nagpapagamit, mahirap pero wala naman silang proof, pero napag-iinitan.” Sa kabilang dako, aniya, mas tahimik ang eleksyon ngayon kaysa noon dahil naging madalang lang ang pagtawag sa kanya para sa mga reklamo sa mga polling precincts.
Isang punong barangay, isang SK Chairman, at tig-pitong Barangay at SK Kagawad ang mga nahalal ngayon sa bawat barangay. Lahat sila at lahat ng mga tumakbo, natalo man o nanalo, ay kailangang magpasa ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) o ang mga natanggap at ginastos na halaga ng mga kumandidato sa eleksyon. Ayon sa Section 14 ng Republic Act 7166, ang mga hindi magpapasa nito hanggang Hunyo 13 ng kasalukuyang taon ay hindi maaaring opisyal na maupo sa pwesto.
Dagdag pa rito, ang mga bagong halal na SK ay kailangang sumailalim sa mandatory training ng National Youth Commission (NYC) upang mas mapalawak ang kanilang kaalaman sa pamamalakad bago sila umupo sa pwesto. Ang lahat din ng chairperson at konsehal sa Sangguniang Kabataan ay magkakaroon ng 10% mula sa budget ng kanilang barangay. Magkakaroon ng Local Youth Development Council (LYDC) na kinabibilangan ng iba’t ibang youth organizations sa isang bayan.
Ayon kay Ginoong Batalon, ang susunod na registration naman para sa susunod na pampanguluhang eleksyon ang aasikasuhin ng kanilang opisina. Ibinahagi niya ang kaniyang mithiin na maging maayos o mas maayos pa sana ang mga susunod na eleksyon.