Sipag, Dangal, at Dedikasyon: Ang Bantay-Kalikasan na si Mang Pepe

ulat nina Ma. Katrina Tungol at Bernice Gonzales

datos mula kay William Eslit at Matthew Delminguez

Ito ay pang-apat sa limang feature stories na itinatampok ang ilang mga manggagawa mula sa Brgy. San Antonio, Los Banos, Laguna.

Noong ika-lima ng Mayo, sama-samang inalala si Mang Pepe ng kaniyang mga mga mahal sa buhay sa kanyang ika-pitumpung kaarawan. (Kuha ni: EJ Pine)

Suot-suot ang kulay abo na jacket na may tatak na “IRRI” sa kaliwang dibdib, kadalasang nakikita si Mang Pepe malapit sa ilog sa dulong bahagi ng riles sa Purok 5, Brgy. San Antonio. Tuwing umaga, pinapanatili niya itong malinis at ligtas para sa mga residente ng naturang barangay. Sa ganitong karaniwang gawain umikot ang pang-araw-araw na buhay ni Mang Pepe noong siya ay nabubuhay pa, at ito rin ang alaala ni Mang Pepe na tumatak sa puso at isip ng marami.

Si Jose Mundin Aquino, o mas nakilala bilang Mang Pepe, ay nagsilbi bilang isang Bantay-Kalikasan sa Brgy. San Antonio, Los Baños sa loob ng pitong taon bago siya binawian ng buhay noong Enero sa edad na animnapu’t siyam. Bagama’t di inaasahan, naging makulay at makahulugan ang pananatili ni Mang Pepe sa mundong ibabaw, bilang isang manggagawa, isang ka-trabaho, isang kaibigan, at higit sa lahat, isang ama.

Ito ang kanyang kwento.

Haligi ng tahanan

Tubong San Antonio si Mang Pepe. Siya ay lumaki sa Purok 5, ilang eskinita lamang mula sa riles ng tren, na kung saan na rin niya pinalaki ang kaniyang siyam na mga anak. Karamihan sa mga ito ay naninirahan pa rin sa nasabing lugar kasama ang mga sari-sarili nilang mga pamilya. Sa bahaging ito ng barangay, magkakakapitbahay lamang ang mga anak ni Mang Pepe at ang iba pa nilang mga kamag-anak.

Noong ika-lima ng Mayo, sama-samang ipinagdiwang ng ilan sa mga anak at mga apo ni Mang Pepe ang kanyang ika-pitumpung kaarawan. Kasabay ng salu-salo ay masayang inilahad ng kaniyang mga anak, mga apo, at apo sa tuhod kung ano si Mang Pepe, hindi lamang bilang dakilang manggagawa, kundi lalo’t higit bilang isang magulang at lolo.

Bilang ama sa kaniyang siyam na anak, hindi nagkulang si Mang Pepe sa pagsuporta sa mga pangangailangan ng mga ito. Matiyagang bumabangon nang maaga si Mang Pepe upang magbanat ng buto para kumita para sa kaniyang pamilya.

“Masipag kasi ‘yun si tatay eh… hindi napipirmi sa bahay,” kwento ni Kristoper, isa sa kaniyang mga anak na lalaki, habang inaalala ang mga sakripisyong ginawa ng kanilang tatay para sa kanila.

Bago pa man raw sumikat ang araw, bumabangon na si Mang Pepe para magtrabaho. Sa katunayan, umuuwi-uwi lang raw ito sa bahay nila tuwing alas nuebe ng umaga at ala una ng tanghali para kumain at magkape. Sa hilig magkape ni Mang Pepe ay halos nakakawalong tasa siya ng black coffee sa isang araw.

“Dito siya lagi nakapwesto [sa may bintana], nagkakape,” paglalarawan ni Lai, nobya ni Kristoper, patungkol sa kung paano pumosisyon ang kanilang ama kapag ito’y umuuwi para magkape.

Kwento naman ni Nicolas, ang pangatlong anak ni Mang Pepe, bukod sa pagiging masipag at masikap ni Mang Pepe ay maaruga rin ang kanilang ama sa kanila. “Halimbawa, ang isang magulang kung aalis at aalis lang din ‘yun, hindi pwedeng walang pagkain ang mga anak, mga ganun. Hindi iiwanan ang anak na magugutom.” sabi ni Nicolas sa paggunita niya sa mga turo ni Mang Pepe sa kanila.

“Lahat ng pwedeng ibenta ‘nun, ibebenta; kamote, saging, para magkapera.”

Ngunit gaya ng karamihan sa mga ama, bahagi ng pagiging maaruga ni Mang Pepe sa kaniyang mga anak ang pagbibigay ng leksyon sa mga ito kung kinakailangan. “Si Tatay, panay sermon ‘yan. Walang araw na hindi nagsesermon!” pabirong sabi ni Kristopher, sabay tawa naman ng kanyang mga kapamilya at kamag-anak na nakarinig sa kaniya.

“Matiisin ‘yun. Kahit minsan e nagagalit na sa anak,” kwento ni Nicolas. Aniya ay inaantay pa raw sila ng kanilang tatay kapag sumisilip na ang buwan sa kanila, at kung minsan nga raw ay lumalabas at hinahanap pa nito silang mga anak niya sa kanilang purok.

Kahit abala sa pagtratrabaho, sinubukan pa rin raw noon ni Mang Pepe na makasama ang mga anak. Ang mga kadalasang libangan raw nila ay ang panonoood ng telebisyon, pagbibiruan, at pagkukwentuhan. Ayon kay Neil, isa sa mga apo ni Mang Pepe, noong mga bubwit pa raw silang mga apo nito, tuwing panahon ng tag-bunga ng rambutan ay isinasama sila nito sa bukid kung saan siya nagtatanim para mamitas at kumain ng rambutan.

Ang walang tigil na pagbabanat ni Mang Pepe ng buto ay hindi lamang para sa kaniyang mga anak at apo. Mayroong labindalawang kapatid si Mang Pepe, at ang ilan sa mga ito ay kaniyang tinutulungan hanggang sa abot ng kaniyang makakaya.

Dedikasyon sa trabaho

Nagsimula si Mang Pepe na magtrabaho bilang isang birdboy o taga-taboy ng ibon palayo sa mga malalawak na palayan ng International Rice Research Institute (IRRI), na di nalalayo mula sa kanilang tirahan. Makalipas ang ilang taon ay napalipat naman siya sa rat control department ng nasabing organisasyon.

Kasama ang kaniyang mga kaibigang nagtatrabaho sa iba pang mga departamento ng IRRI, si Mang Pepe ay gumigising nang maaga upang lakarin ang daan sa tabi ng riles ng San Antonio patungong IRRI, binabagtas ang mga ilang metrong lakaring puno ng alikabok at ungol ng mga nagigising na mga aso.

“Pareho kaming nagtrabaho diyan sa IRRI. Pero ngayon, nitong huli na, pareho na kaming retirado, siya ‘yun, nakapagtrabaho pa rin, nakapasok pa rin sa barangay,” ayon kay Mang Roger Ativo, habang masayang ginugunita ang kanyang mga alaala kay Mang Pepe bilang katrabaho sa IRRI.

Taong 1995 nang natapos ang kaniyang trabaho sa IRRI, at nagsimulang pumasok bilang isang construction worker. Ayon kay Nicolas, kasama si Mang Pepe sa mga construction workers na bumuo sa ilang malalaking impastruktura sa paligid ng San Antonio, kagaya na lamang ng ospital ng HealthServ na matatagpuan sa Junction.

Noong 2010, matapos ang ilang taong pagtratrabaho bilang pintor, electrician, at construction worker, nagsimula naman si Mang Pepe na magtrabaho bilang Bantay-Kalikasan ng Barangay, na kung saan si Mang Pepe ang naatasan na magpanatili ng kalinisan sa ilog ng San Antonio.

Bantay ng kalikasan

Bilang isang Bantay-Kalikasan, bukod sa paglilinis ng ilog, si Mang Pepe rin ang nagsilbing guide ng mga taong bumibisita. Dahil madulas at matarik ang daan pababa ng ilog, siya ang umaalalay sa mga bisita pababa rito. Noong nakaraang taon, ilan sa mga nakasama ni Mang Pepe ay ang mga BS Devcom na mag-aaral mula sa UPLB na nagsagawa ng Riverskwela, isang learning program ukol sa pangangalaga sa ilog.

“Si Mang Pepe kasi siya yung punong-abala pag nagpupunta kami sa fieldwork; siya yung nag-gaguide sa’min pababa doon sa ilog … siya yung nagtatabas ng mga damo doon and siya ‘yung nagsasabi sa amin kung sino ‘yung mga dapat puntahan na tao,” ayon kay Emil Palileo, isa sa mga estudyanteng nagsagawa ng Riverskwela, habang inaalala ang mga panahong nakasama pa niya at ng kaniyang mga kaklase si Mang Pepe sa kanilang mga fieldwork.

Kasabay ng pagiging Bantay-Kalikasan, araw-araw, si Mang Pepe ay abalang-abala sa pagtatanim sa isang munting bukid sa Sta. Fe Subdivision, sa Brgy. Batong Malake na karatig-barangay ng Brgy. San Antonio. Bagama’t hindi pag-aari ni Mang Pepe ang lupaing iyon, pinagkatiwalaan siya ng may-ari na magtanim dito dahil wala namang ibang gumagamit. Iba’t-ibang mga prutas at gulay ang itinatanim ni Mang Pepe sa nasabing bukid. Ilan na rito ay saging, lansones, rambutan, mangga, sitaw, at talong.

“Halos lahat ng pwedeng itanim! Bahay kubo; nando’n na nga lahat, linga lang wala,” biro nga ni Kristoper, ngumingisi habang isinasalarawan ang nasabing bukid. Ang mga naaaning mga bunga ng tanim ni Mang Pepe ay ibinebenta niya sa kanilang komunidad, pero kadalasan kapag may sapat na siyang kinita ay ipinamimigay na lamang niya ang mga ito.

Pagkakatapos ng isang araw na puno ng pagpapanatiling malinis ng kapaligiran, pagtatanim at pagaani, sa hapon, ang madalas na libangan ni Mang Pepe ay manood ng TV habang nagkakape. Pero kung hindi dumidiretso agad sa bahay ay dumadaan muna si Mang Pepe sa kaniyang mga kaibigan para makipagkwentuhan.

Tapat na kaibigan

“Si Pepe, ‘pag nakisama ‘yan ay tapat na kaibigan,” mariing banggit ni Lazaro Villareal o Mang Zaro, ang pinakamalapit na kaibigan ni Mang Pepe noong siya’y nabubuhay pa, nang matanong siya kung paano si Mang Pepe bilang isang kaibigan. Mas bata ng walong taon si Mang Zaro kay Mang Pepe, ngunit ayon sa kaniya, simula pa lang ay malapit na loob nila na parang kapatid na ang turing sa isa’t-isa.

“Bata pa ako kilala ko na ‘yan, hanggang sa nagtrabaho kami sa IRRI, hanggang sa pare-parehong inabot ng early retire[ment], hanggang sa bandang huli, hanggang sa kamatayan, kami’y magkasama pa rin,” nakangiting ipinagmalaki ni Mang Zaro.

Kung susukatin ay halos buong buhay silang nagkasama ni Mang Pepe, kaya hindi maikakailang bakas sa mukha ni Mang Zaro ang tuwa habang nagkukwento ng mga karanasan niya kasama si Mang Pepe. Pareho silang mahilig magtanim, kaya matapos ang mga gawain ni Mang Pepe sa ilog ay bumibisita lagi ito sa munting taniman ni Mang Zaro upang makipagkwentuhan sa kanyang matalik na kaibigan.

“Pag may problema ako lalapitan ko lang yan, tapat at maasahang kaibigan ‘yang si Pepe” masayang banggit ni Mang Zaro sa dulo ng kanyang panayam.

Jose Mundin Aquino (1948-2018)

Huwaran

Hindi raw mahilig magpakuha ng litrato si Mang Pepe at swerte na lamang kung matyempuhan na nakangiti ito. Kwento ng mga anak at apo ni Mang Pepe, pahirapan daw talaga ang paghanap ng litrato niya.

Ngunit hindi man palangiti sa iilan lamang na litrato si Mang Pepe, hindi maikakaila ang mga ngiting naidulot niya sa mga taong kaniyang nakasama sa buhay. Kahit pa madalas na nasa trabaho at hindi nakakasama nang matagal si Mang Pepe, tinitingala at inirerespeto siya ng kaniyang mga anak at apo kahit sa kanyang pagpanaw. Sabi nga ni Nicolas, kapag nabigyan ng pagkakataon ay gusto niyang pumasok bilang Bantay-Kalikasan ng Barangay gaya ng kaniyang tatay.

Tunay na kahanga-hanga ang kasipagan at dedikasyon sa trabaho ni Mang Pepe; dagdag pa ang umaapaw na pagpupursigi at pagmamahal niya para sa kaniyang pamilya. Bagama’t pumanaw na siya, ang tulong, ngiti, at inspirasyon na iniwan niya sa kaniyang pamilya, mga kaibigan, at mga katrabaho ay hindi kailanman malilimutan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.