nina Marisha Beloro at Miguel Carlos Dario
“When I saw these kids who are already 16, 17, and 19… I saw that they could not really handle the academic materials that the regular kids are using,” pagbabahagi ni Ginoong Raphy Quintana, founder-director ng Jeremiah House Learning Center (JHLC). Nakita niyang hindi angkop ang sinusunod na kurikulum ng mga estudyante. Dahil dito, sinimulan niyang gumawa ng hiwalay na programang makakalinang sa mga estudyante. Ito ang kanyang adbokasiya—ang mabigyan ang mga estudyanteng ito ng patas na oportunidad.
Matatagpuan sa Unit A 2608, Ilang-Ilang Street, Carbern Village, Anos, Los Baños, Laguna, ang JHLC ay isang paaralan na tumutugon sa mga pangangailangan ng mga espesyal na kabataang may edad 13 pataas. Hango ang pangalan ng Center sa paboritong berso sa bibliya ni Ginoong Raphy, ang Jeremiah 29:11, “For I know the plans I have for you. Plans to prosper you and arm you. Plans to give you hope for the future.” Ayon sa kanya, naisip niya ang pangalang ito dahil ito mismo ang gustong gawin ng JHLC para sa kanilang mga estudyante: “to equip them, to empower them, to give them a brighter future.”
Pagsisimula ng JHLC
Nagmula ang ideya sa pagbuo ng JHLC sa paaralaang The Learning Place (TLP) na pinangangasiwaan ni Ginang Violeta Quintana, ina ni Ginoong Raphy. Dito niya nakilala ang kanyang mga magiging unang estudyante sa JHLC na sina Maui, Dave, at Ace.
“…Parang nagiging tutorial … ihahandle sila, magtuturo, magba-basketball, pero wala talagang format,” pagbabahagi ni Ginoong Quintana ukol sa mga naobserbahan niyang pagtuturo sa mga estudyanteng may mga espesyal na pangangailangan. Nagsimula ang JHLC bilang Pathfinders section noong 2010, at naging Jeremiah Life Skills Center noong 2011. “The first few years it was really twitching and tweaking, touch and go, trial and error… Titignan kung alin yung pwede, alin yung dapat tanggalin,” dagdag ni Ginoong Quintana. Mula sa mga lumitaw na pangangailangan, mga bahagi ng kurikulum na nakitaan pa ng kakulangan, at mga pag-uusap kasama ang mga magulang, nabuo ang kasalukuyang kurikulum ng JHLC.
“We don’t just take students just because they have conditions. There has to be a progression. There has to be an improvement,” paglilinaw ni Ginoong Raphy ukol sa kahalagahan ng akmang uri ng edukasyon para sa mga estudyante.
Ito ang naging inspirasyon ng pagkakatatag ng dalawang uri ng programa ng JHLC – ang MABP at LSP. Ang MABP o Mainstream Academic Bridge Program, ang programang para sa mga estudyanteng may learning difficulty lamang at maaaring ipasok sa regular na klase. Hinahati ang oras ng mga estudyante ng MABP sa ilang mga asignatura na kaya nila mula sa regular na kurikulum ng TLP gaya ng Mathematics at sa mga gawaing kapupulutan ng aral mula naman sa kurikulum ng JHLC tulad ng Arts & Crafts at Cooking.
Ang Life Skills Program naman o LSP ang nilalahukan ng mga estudyanteng may learning at behavioral difficulty. Lahat ng gawain at asignatura ng programang ito ay alinsunod sa kurikulum ng JHLC.
Anim na Domain
“Exploring Potentials, Fulfilling Possibilities” ang slogan ng JHLC. “The emphasis of Jeremiah House Learning Center is to prepare special needs learners in the transition age, from the teen age to the adult age; to prepare them for adult life,” wika ni Ginoong Quintana. Dito nakaangkla ang anim na domains na nasasakop ng kurikulum ng JHLC.
Una rito ang Personal-Social Skills Domain, natututunan ng mga estudyante ang pakikipagkapwa sa mga taong nakakakasalamuha nila araw-araw. Ang Community Participation Domain naman ang siyang nagtuturo sa mga estudyante na sila rin ay may tungkulin na tumulong sa komunidad. Dito ay lumalahok ang mga estudyante o nag-oorganisa ng mga programa tulad ng feeding program para sa mga kalapit komunidad. Ang mga pangangailangang pisyolohikal at pagpapanatili ng malusog na pangangatawan naman sa pamamagitan ng mga ehersisyo at mga laro na ginagawa ng mga estudyante ay napapaloob naman sa Sports at Recreation Domain,
Ang mga gawaing-bahay tulad ng pagluluto, paglalaba, at paglilinis sa Center ay itinuturo naman sa ilalim ng Household Management Domain. Tinitiyak ng JHLC na ang Center ay may mga pasilidad na katulad ng isang karaniwang tahanan upang makatulong sa mas mabilis na pagkatuto ng mga estudyante. Mayroon ding Independent Mobility Domain kung saan itinuturo ang iba’t ibang kakayanan para makapamuhay nang mag-isa tulad ng pagko-commute.
Ang panghuli ay ang Vocational Domain, kung saan ang mga estudyanteng nagpapakita ng kahandaan sa loob ng Center ay pumapasok sa aktwal na pagtatrabaho. Noong 2011, sa ilalim ng domain na ito ay nagsimulang sumailalim sa Skills Immersion Program o SIP ang mga piling estudyante. Ito ay maihahalintulad sa OJT ng isang pangkaraniwang paaralan. Kasalukuyan, katuwang nila ang 7-Eleven convenience store sa Los Baños Junction, Herb Republic sa Lopez Avenue, at School of Environmental Science and Management (SESAM) Library sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) sa pagbibigay ng natatanging karanasan na ito para sa mga natatanging estudyante.
Tungo sa hinaharap
Sa pangunguna ni Ginoong Quintana at ng mga magulang ng kanyang mga estudyante, nagtatayo na ang JHLC ng mas bago at mas magtatagal na uri ng paaralan habang pinapanatili ang kasalukuyang kurikulum. Ang bagong paaralang ito ay pinangalanang Mirasol Farms na nagsusulong sa “Sunflower farming with a heart” kung saan ang kanilang estudyante at (Special Needs Person) SNPs mula sa Los Banos Federation of PWDs ang mga mangangasiwa. Matatagpuan ang farm school sa Brgy. Masaya, Bay, Laguna malapit sa UP Rural High School at nakatakdang magbukas Hulyo ngayong taon.
Sa inilatag na mungkahi ni Ginoong Raphy, lahat ay magtatrabaho, may pagmamay-ari sa farm, at may kikitain. “May mga needs, may mga pamilyang sinusuportahan. May mga aspirations sila for sure. So, why not give life to those aspirations? Let’s use this venture for that.”
Ayon kay Ginoong Raphy, ang mga SNPs ay hindi nangangailangan ng awa o simpatya. Nararapat silang bigyan ng pagmamahal, pag-aaruga, at pagtanggap ngunit hindi dapat sila tignan bilang mas mahihinang tao. Pagtatapos niya, “I would like to see a world where people, regular people, are working hand-in-hand with special needs persons or PWDs and giving them a chance–an equal chance.”
Kung nais niyong tulungan ang JHLC sa pagsusulong ng kanilang adbokasiya, maaaring kontakin si Ginoong Raphy Quintana sa 0917-200-7223 (Globe) at 0908-167-1788 (Smart). Maaari ring mag-iwan ng mensahe sa kanilang Facebook Account – Jeremiah House Los Baños para sa mga karagdagang katanungan.