Ulat ni Andrea Mhae H. Tomas
Tinatayang 1,800 iskolar mula sa Los Baños, Bay at Cabuyao ang dumagsa sa Calamba Elementary School noong Enero 19 upang mag-proseso ng pagpapanibago o renewal ng aplikasyon para sa Iskolar ng Laguna ngayong ikalawang semestre.
Bitbit ang pasensiya at pangarap, maagang pumila ang mga kabataan at ang kanilang mga magulang sa LLC Auditorum sa pag-asang sila ay mapapabilang muli sa nasabing proyektong panlalawigan.
Bukod pa riyan, mayroon ding mga estudyante mula sa unang distrito at Calamba City na dumalo upang mag-sumite ng kanilang mga application form at iba pang mga requirements.
Kwento ni Anna Sta. Maria, iskolar mula sa Biñan City, “Naging malaking tulong ang programang ito dahil hindi na kami gaano namomroblema sa pang-enroll ko for second sem.” Nakaramdam umano siya ng kasiguraduhan sa kanyang pag-aaral.
Ayon naman kay Nicole Villanueva, isa ding iskolar ng Laguna, “Nakatulong ito sa pambili ng aking mga libro na magagamit ko ngayong sem.”
“Isang pag-asa ang programang ito para sa mga higit na nangangailangan na estudyante na gustong makapagtapos ng pag-aaral,” dagdag ni Sta. Maria.
Ang Iskolar ng Laguna ay isang scholarship program na inilaan para sa mga kabataan ng Laguna na nag-aaral sa kolehiyo. Upang mapabilang dito, kailangang makapasa ang aplikante sa isang pagsusulit.
Ang aplikasyon para sa Iskolar ng Laguna ngayong semestre ay nagsimula noong Enero 12 para sa mga mamamayan ng Biñan City, Sta. Rosa City at San Pedro. Sumunod dito ay Enero 13 para sa mga taga-Calamba City. Ang ikatlong schedule ay ginanap noong Enero 20 na nakalaan para sa ikatlong distrito. At ang huli ay noong Enero 26 para naman sa mga naninirahan sa ikaapat na distrito ng lalawigan.
Ang pagbabahagi ng allowance ay inaasahang magaganap sa Marso ng kasalukuyang taon. Bukod sa matrikula, maaari din gamitin ang ‘allowance’ mula sa programa para sa iba pang pangangailangan sa pag-aaral.
Samantala, sa mga tutuntong sa kolehiyo sa susunod na academic year, manatiling nakaantabay para sa anunsiyo tungkol sa araw ng eksaminasyon upang maging parte ng Iskolar ng Laguna. Maaari ding makipag-ugnayan sa Provincial Administrator’s Office sa numerong (049) 501-1137/101 para sa iba pang mga impormasyon.