Organic meat, mabibili sa Sierreza

nina Maria Beatrice Cantero at Laura Mae Tenefrancia

Bilang bahagi ng proyektong “Libreng Paaralan para sa mga Dumagat (LiPaD), ng mga Dumagat, para sa lahat”  ay sisimulan ng Sierreza, isang zero-waste store at artisan café. na matatagpuan sa Los Baños, ang pagtitinda ng organic meat sa darating na Abril o Mayo.

Ang ititindang karne ay mula sa mga baboy ramo at manok na kasalukuyang inaalagaan ng mga magsasakang Dumagat sa Daraitan, Rizal at binibigyan ng pagkaing pawang mga organiko lamang.

Ayon sa may-ari ng Sierreza na si Cherrys Abrigo, ang proyektong ito ay magbibigay benepisyo sa mga magsasaka sapagkat ang kikitain mula sa pagbebenta ng karne ay mapupunta rin sa kanila bilang tulong sa kanilang pagsasaka.

NGITING MASAGANA –Msaaya ang pagtatapos ng unang seminar ng proyketong LiPaD para sa 25 magsasakang Dumagat ng Daraitan, Rizal. (Larawan mula kay Cherrys Abrigo ng Sierreza)

Kasama ni Abrigo si Dr. Job Viceral, isang volunteer sa UPLB Pahinungod, na humanap ng mga eksperto hinggil sa usaping agrikultura at paghahayupan.

Noong Enero ay pinangunahan nina Fe Bien R. Garcia at Mat M. San Agustin ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang pagtuturo ukol sa organic swine at poultry production sa 25 magsasakang Dumagat.

Plano ni Abrigo ipagpatuloy ang ganitong seminar sa mga susunod na buwan. Nais niyang makatulong sa simpleng paraan ng pagbibigay ng mapakikinabangang impormasyon sa mga magsasaka.

Isa ang Daraitan sa nasalanta ng Bagyong Ompong noong nakaraang taon. Higit kumulang dalawa hangga’t tatlong buwan ng pagbawi ang kailangan upang makabangon sa sakuna kung kaya’t nakiusap ang mga magsasaka na matuto ukol sa organic livestock production.

Napadpad si Abrigo sa komunidad ng mga Dumagat dahil sa kanyang gawain bilang volunteer, at dito nagsimula ang kaniyang pagkuha ng mga organikong produkto mula sa Daraitan.

“Ang pinaka-mantra namin is we care for the farmers and you, the farmers, care for your environment,” paliwanag ni Abrigo.

Sa paglunsad ng LiPaD, kaniyang isinusulong ang pangmatagalang sagot sa kakulangan ng kaalaman ng mga magsasaka hinggil sa usaping agrikultura. Kasabay nito, kaniyang binigyan-diin ang prioridad ng Sierreza ipanatili ang tiwala ng mga kustomer sa pagkaorganiko ng mga produkto.

Patuloy na pinapatibay ng proyektong LiPaD ang pilosopiya ng Sierreza bilang isang zero-waste store. Higit pa ito sa pagtutuon ng pansin sa pangkalikasang isyu.

Matatagpuan ang Sierreza sa Agapita Road, Los Baños, Laguna malapit sa Lopez Avenue na bumabagtas mula UPLB gate hanggang LB Junction.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.