nina: Justine Alcantara at Joshua De Vera
Nakiisa ang 120 mag-aaral ng Grade 11 sa Liceo de Los Banos sa Disaster Preparedness Training ng Municipal Disaster and Risk Reduction Management (MDRRM) kaagapay ang Bureau of Fire Protection ng Los Baños na ginanap sa Mt. Makiling Jamboree Site noong ika-8 ng Marso.
Ang gawaing ito ay kaugnay sa pagpapaigting ng kampanyang nagpapalawak ng kaalaman sa kahandaan at kooperasyon sa panahon ng tag-init at panahon ng sakuna, alinsunod sa layon ng Republic Act 10871 o ang Basic Life Support Training in Schools Act na gawing alerto at maagap ang mga estudyante pagdating sa usapin ng kaligtasan at kahandaan.
“Kailangan lahat ng estudyante dito sa bayan ng Los Baños , not only here in Los Baños, but in the Philippines, kailangan marunong ng first aid,” pahayag ni Cynthia Quintos, Officer in Charge ng MDRRM.
Dagdag pa niya, hindi lamang sa mga paaralan isinasagawa ang Disaster Preparedness Training, pati na rin sa iba’t ibang barangay ng Los Banos upang maisakatuparan ang layunin ng bayan na zero casualties at protection of investment.
Sinimulan ang naturang aktibidad sa paghahati sa dalawang grupo ng mga mag-aaral: isang grupong nakibahgi sa komprehensibong talakayan na pinangunahan ng mga tagapangasiwa mula sa MDRRM patungkol sa mga paksa ng First Aid at isa naman ay sa paglalapat mismo ng mga prinsipyo ng Water Search and Rescue na akma sa mga sakuna sa panahon ng tag-init.
“Natutunan ko po yung mga paggamit ng triangular bandages at yung iba’t ibang klase ng paglangoy sa pagrescue ng isang nalulunod”, ani Prince Buquid, isa sa mga kalahok.
Ayon pa rin kay Quintans, malaking tulong ito sa kanilang mga ordinaryong tao sa komunidad dahil alam na nila ang gagawin kung sakali man na mangyari ang sakuna.
“Every after activity, nagkakaroon ng evaluation, tanungin mo kung ano yung natutunan and nasasabihin naman nila yung mga natutunan nila so, natutuwa kami kasi bibitawan namin sila, despite the fact na first aid talaga dapat is three to five days and in a half day, mayroon silang nakuha,” aniya.
Binigyang diin niya rin na ang paghubog sa kamalayan ukol sa preparedness at awareness hindi lang ng mga estudyante pati na rin ang mga ordinaryong tao ay hindi lang maisasasakatuparan ng isang araw at nangangailangan ito ng kooperasyon at partipasyon ng lahat ng sektor ng komunidad.
Bukod sa Liceo de Los Baños ay ilang paaralan ang magsasagawa ng ganitong gawain. Nakikipagugnayan ang MDRRM sa school division upang makuha ang mga schedule ng paaralan at minsan ang mga ito na mismo ang pumupunta sa kanilang opisina upang mag request ng disaster preparedness trainng para sa mga mag-aaral.