Ulat nina John Warren Tamor at Elijah Espiritu
Upang himukin ang mga pet owners na iparehistro ang kanilang mga alaga, nagdaos ng isang ‘Dogs and Cats Show’ ang tanggapan ng Municipal Agriculturist nitong ika-20 ng Marso, ganap na ikawalo ng umaga sa bagong Munisipyo.
“Isa po ito sa advocacy campaign natin kung saan ang pamalahaang bayan…ay nakikiisa sa kampanya ng ating pamahalaan na by 2020 ang Philippines ay rabies-free,” ani Municipal Agriculturist Cheryll Laviña-Gonzales.
Dinaluhan ang programang ito ng iba’t ibang pet owners sa Los Baños kasama ang kanilang mga bihis at talentadong mga aso at pusa. Umabot sa hanggang Php 2,000 ang naiuwi ng mga nanalong kalahok.
Isinusulong din ng nasabing tanggapan ang bagong Kautasang Pambayan 2018-1755. Iniuutos nito na kinakailangang iparehistro na ang lahat ng mga aso sa Pamahalaang Bayan sa halagang Php 50 kada taon.
Saklaw rin ng nasabing ordinansa ang ilang paghihigpit ukol sa paghuli ng mga stray dogs at pagpapadumi ng alagang aso sa mga pampublikong lugar. Nasa Php 2,000 naman ang multa para sa mga hindi rehistrado at walang bakuna kontra rabis na aso.
“Para sakin kasi, ang impact nito ay mas magiging responsible ako na alagaan sila,” ayon kay Thea Escandor, isang pet owner. Para sa kanya, napakahalaga na iparehistro ang mga alagang aso dahil ito ay tungkulin ng kanilang mga may-ari, “Family na rin kasi ang pets eh, hindi nalang sila basta pets,” dagdag pa niya.
Itinalaga ng Department of Health (DOH) ang buwan ng Marso bilang “Rabies Awareness Month”. Pinasinayaan ang pagdiriwang na ito gamit ang tema na: “Makiisa sa Baranggayan Kontra Rabies, Maging Responsableng Pet Owner.”
Itinuturing pa rin ang rabis bilang isa sa mga pangunahing problema sa pampublikong
kalusugan. Base nga sa isang pag-aaral na isinigawa ng DOH noong 2018, lumalabas na ang probinsya ng Laguna ay pang-apat sa may matataas na kaso ng reported rabies sa buong bansa.
Bukod sa mga nagwaging alaga sa timpalak, pinangaralan rin sa nasabing programa ang mga nanalong estudyante na nakilahok sa Poster Making at Quiz Contest na una nang idinaos ngayong Marso. Ang mga programang ito ay bahagi lamang ng mga nakahanay na aktibidad na inihanda ng pamahalaang bayan para sa Rabies Awareness Month.