Kabataan ng Brgy. San Antonio nagsanay sa Disaster Preparedness

Ulat ni Elrey Minella E. Bagsik

Ginanap ang kauna-unahang Disaster Preparedness Training para sa mga kabataan ng Brgy. San Antonio, Los Baños noong Marso 30. Ang isang araw na pagsasanay ay bilang tugon sa layunin ng Sangguniang Kabataan (SK) ng San Antonio na magkaroon ng isang rescue team para sa kanilang baranggay.

Itinuro sa mga kabataan ang balangkas ng Republic Act 10121  o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010. Sinanay din sila sa first aid management o pagbibigay ng paunang lunas at sa pagpigil ng apoy.

Mga kabataan ng Brgy. San Antonio, aktibong nakikilahok sa pagsasanay ng first aid management. (Photo courtesy: Armando Esteban)

Sina Cynthia Quintans, Officer-In-Charge ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at Ron Bago, officer ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga nagsilbing tagapagsanay.

Ayon kay SK Chairman Mark Ramos, “mahalaga ang disaster preparedness training sa Brgy. San Antonio dahil [may mga] squatter area [dito].”

Aniya, karamihan sa mga bahay ay dikit-dikit at malapit sa tabi ng riles kung saan madaling makaka-apekto sa mga kabahayan kung magkaroon ng sakuna, gaya ng sunog. Bukod pa rito ay binanggit din ni Ramos na problema rin ang mga pagbaha dahil sa mababang lokasyon ng Brgy. San Antonio.

Ipinapakita ni MDRRMO-OIC Cynthia Quintans kung paano magsagawa ng unang palunas. (Photo courtesy: Armando Esteban)

Ayon naman kay Quintans, hindi lamang ang SK ang dapat umako ng responsibilidad. Sinabi niya na dapat makapagsanay din sa bawat purok ng isang komunidad upang ang lahat ay maging handa.

Matapos ang pagsasanay, ibinigay ng mga kabataan ang kani-kanilang contact number bilang pagpapakita ng kanilang positibong pagtugon para sa pag-boboluntaryo para sa rescue team.

“Kailangan nilang maging empowered,” ani Ramos. Binanggit niya ang kahalagahan ng edukasyon upang malaman ng mga kabataan na may kakayahan sila para makatulong sa pagresponde sa mga sakuna.

Sa kasalukuyan ay mayroon nang 13 miyembro ang rescue team ng Brgy. San Antonio pero nais pa din nilang madagdagan ang kanilang bilang.

Upang mas marami pang masanay para maging skilled rescuer, pina-planong magkaroon muli ng Disaster Preparedness Training sa darating na Hulyo. Ito ay bilang paghahanda para sa mga bagyo na kadalasang dumadating sa mga nasabing buwan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.