Ulat nina Andrea Jo Coladilla at Sophia Romilla
Apat na kababaihan ang naimbitahan upang magpahayag ng kanilang mga karanasan sa Titas of Pakikibaka, isang programang tumatalakay sa mga Babae sa Kilusang Paggawa, sa Drilon Hall, SEARCA, UPLB noong Marso 25, 2019, alas-dos hanggang alas-singko ng hapon. Pinangunahan ito ng All UP Academic Employees Union – UP Los Banos (AUPAEU-LB), UPLB Gender Center, at Tanghal Makiling. Ang programa ay ginanap bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pandaigdigang Buwan ng Kababaihan nitong Marso 2019.
Ang unang panayam na nagsalita ay si Mrs. Leona M. Entena, Bise-Presidente ng Luzon, Gabriela Women’s Party. Tinalakay niya kung paano niya napagsasabay ang pag-oorganisa sa mga pagawaan at ang pagpapalaki ng kanyang mga anak. Kinuwento rin niya ang kanyang karanasan sa kanyang paninirahan sa picket lines at kung paano sila pilit na pinaaalis ng mga pulis.
Nagsimula ang pagbuo ng unyon sa loob ng pagawaan upang ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawa. Sabi ni Entena, “Doon ako nagsimulang mamulat kasi kailangan mo ng maraming pag-aaral. Hindi ka naman lumalaban ng wala kang bitbit na kaalaman.”
“Ang laban ng lalake, tapang. Pero ang laban ng babae, wise,” aniya habang isinasalaysay ang mga pangyayari noong rally nila sa laban sa mga Pulis. Sinabi niya na binubuhusan sila ng tubig ng mga pulis pero dahil ang mga babae ay wais, inipon nila ang tubig at tsaka ito pinakuluan bago ito ibuhos pabalik. Dahil rito, napapaatras sa pagsugod ang mga pulis.
Para naman sa ikalawang panayam, si Rep. France Castro, ACT Teachers Partylist, ang nagkwento ng pakikibaka ng isang guro ng Matematika sa pampublikong paaralan na ngayon ay naglilingkod bilang boses ng mga guro sa Kongreso. Inilahad niya ang mga problema na kinakaharap ng mga guro.
“Php 3,102 ang aking panimulang sweldo noon. Struggle pa rin mula nu’ng ako’y magturo ay iyong economic condition ng mga guro na napakaliit talaga ng sweldo. Pangalawang challenge din ay dahil nga nasa public school ka, ang dami ng mga estudyente. Tapos ‘yung mga pasilidad pa ang pinakamahirap. Maliit na nga ‘yung sweldo, kumukuha pa kami ng pang-gastusin sa classroom sa sarili naming pondo,” kwento ni Ma’am.
Sa ikatlong panayam na pinamagatang “Maki-beki, ‘wag mashokot,” isang transwoman, Claire Balabbo, Secretary General ng PAMANTIK-KMU, ang naglahad ng kanyang karanasan bilang miyembro ng LGBT+ community at ang paglaban para sa seguridad ng trabaho. Naikwento niya ang kanyang pakikibaka noong 2015 para ipaglaban ang mga manggagawang kontraktwal.
“Dahil taon na pala ang binilang ko sa pagawaan ng Tanduay, dapat pala ay regular na akong manggagawa. Doon sa pagkamulat ko, ginamit ko ‘yon para ma-organisa ‘yung kapwa kong manggagawa. Pinakita namin ang kahalagahan ng pagkilos.”
Kanya ring diniskurso ang pagiging hindi tanggap sa lipunan at ang mga tuksuan sa isang transwoman. Ngunit hindi siya nagpaapekto sa mga sinasabi ng iba at patuloy na lumaban. Minsan na rin niyang naitanong sa kanyang sarili kung ano nga ba ang kanyang mapapala sa pagrarally.
“Dinisperse kami. Pero dahil mulat kami, kahit iilan lang kami na nasa loob, pinakita namin ‘yung aming pagkakaisa at paglaban para sa regular na hanapbuhay. Ang pagkakaalam kasi ng mga manggagawa, kapag kontraktwal hindi kayang mag-welga, hindi kayang magtayo ng organisasyon,” ani ni Claire.
Naging huling tagapagsalita naman ang “Siyentita ng Bayan”, Rosario Bella Guzman, Executive director ng IBON Foundation. Tinalakay niya ang paghuhugpong ng kasaysayan ng kilusang kababaihan at kilusang paggawa.
“Dati, napaka-gender blind ko. Akala ko lahat ng kahirapan ko ay dahil mahirap ang aking kurso. Bilang babaeng mananaliksik, akala ko dati ang pinaka-challenging na sa akin ay sumakay ng habal-habal ng at least 2 hours. Pero later on, na-realize ko na mismong ‘yung pananaliksik ay isang partriyarkal na gawain at male-dominated siya,” pagbahagi ni Guzman ukol sa kanyang karanasan bilang economics researcher.
Ayon sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS), 23% ang mga babae na bumubuo sa larangan ng pananaliksik. Ngunit ayon kay Guzman, hindi raw nakakataba ng puso ang isatistiks na ito. Mas matindi ang represyon sa Pilipinas hindi lamang ng kababaihan kung hindi ang researchers in general. Idiniin niya rin na delikado ang mga mananaliksik sa panahon ngayon.