ulat nina Ma. Rose Fritchelle Custodia, Aubrey Rose Semaning, at Reinier Gaspar
Tinanghal ang Maria Band bilang kampeon sa HimigSikan: Battle of the Bands 2019 na ginanap sa General Paciano Rizal Park noong ika-20 ng Setyembre.
Nagpakitang gilas ang nasabing banda gamit ang mga kantang Probinsyana ni Bamboo para sa kategoryang Pop; The Way You Make Me Feel ni Michael Jackson para sa kategoryang Rhythm and Blues (RnB); at Byahe, isang orihinal na komposisyon, para sa kategoryang Reggae.
Binubuo ng anim na miyembro ang Maria Band na nagmula sa bayan ng San Pablo. Sila ay nag-uwi ng PhP 25,000 at tropeyo bilang gantimpala. Inuwi rin ng nasabing grupo ang Best in Original Composition.
Sinundan ito ng Musika Rizal sa ikalawang pwesto; FTMT Band sa ikatlong pwesto na kapwa nag-uwi ng salapi at tropeyo.
Ayon kay Cheryll T. Laviña-Gonzales, punong-abala sa HimigSikan 2019, layunin ng nasabing patimpalak na maipakita ang kakayahan ng mga mamayan, lalo’t higit ng mga kabataan sa larangan ng musika.
Ani Gonzales na isa rin sa mga pioneer ng nasabing patimpalak, isa sa mga layon nila ay gawing instrumento ang HimigSikan upang himukin hindi lamang ang mga manlalahok mula sa rehiyon kundi pati na rin sa buong bansa.
Nagsimula ang programa sa ganap na ika-pito ng gabi at tumagal hanggang ika-labindalawa ng hatinggabi. Binigyan ng 20 minuto upang tumugtog ng tig-iisang piyesa ng RnB, Pop at Reggae ang mga kalahok. Limang porsyento ng kabuuang puntos ang maaaring mabawas kung hindi makasunod ang mga ito sa mga nasabing palatuntunin.
Nagsilibing hurado sina Andrei Panalgan, Rene Boncocan at Marlon Nabia na mga kapwa kompositor at eksperto sa musika.
Inilunsad ang HimigSikan kasabay ng unang pagdiriwang ng Bañamos Festival taong 2001, na bukas sa mga banda na may mga miyembrong edad 16 pataas mula sa iba’t-ibang lalawigan ng Rehiyon IV-A CALABARZON.