(Ulat nina Justine Ann Alcantara at Gabriel Sarangaya)
“The clamor and the expression of the need for it [ Human Immunodeficiency Virus o HIV screening] ay dumarami. (Dumarami na ang nagpapahayag ng pangangailangan ng HIV screening),” ani Raymond Martin Manahan, HIV Counselor ng Loveyourself, Inc. na katuwang ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) Gender Center sa pagsasagawa ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) 101 and Screening nitong Setyembre at Oktubre.
(BREAK THE STIGMA. Nagsasagawa ng screening process ang isa sa mga miyembro ng Loveyourself, Inc. para sa Community-based HIV 101 and Screening na idinaos sa UPLB International House noong ika-16 ng Oktubre, 2019.)
Humigit-kumulang 160 ang nakilahok sa nasabing aktibidad. Ang unang bahagi nito ay idinaos noong ika-10 ng Setyembre at ang ikalawang bahagi naman ay nitong ika-15 hanggang 16 ng Oktubre sa DL Umali Auditorium at UPLB International House Complex. Ayon kay Manahan, ang ikalawang bahagi ng kanilang aktibidad ay pagpapatuloy ng screening noong nakaraang buwan, kung saan maraming nakilahok ngunit kinulang sila sa medical kit at sa oras.
Ang HIV screening ay karaniwang tumatagal ng 15 minuto sa bawat indibidwal kung saan kailangan nilang sumailalim sa mga sumusunod na proseso:
1. Pretest/ Motivational Dialogue
Sa bahaging ito ay kinukuha ang impormasyon ng indibidwal subalit hindi ang buong pangalan bilang pagpapahalaga sa kanilang privacy. May mga katanunga ring dapat sagutin ang indibidwal na mananatili namang kumpidensyal.
2. Client consent/form
Sa bahaging ito ay hinihingi ang pahintulot ng indibidwal na magpapatuloy sila sa proseso ng screening.
3. Screening (administering)
Sa bahaging ito ay kinukuhanan ang nagpapa-HIV screening ng sample na dugo.
4. Waiting time
Maghihintay nang 15 minuto ang indibidwal habang isinasagawa ang screening sa sample ng kanyang dugo.
5. Result of interpretation
Sa bahaging ito, pinapaliwanag sa indibidwal ang maaring maging resulta ng kanyang HIV screening.
6. Post-test Motivational Dialogue
Sa bahaging ito ay binibigay ang mga kailangang impormasyon at proseso kung sakaling naging “reactive” ang resulta sa screening. Hinihimok silang sumailalim sa confirmatory testing sa San Lazaro Hospital. Kung “non-reactive” naman ay pinapaliwanag pa rin sa indibidwal kung paano dapat alagaan ang sarili upang maiwasang ang pagkakaroon ng HIV.
Ayon kay Genesis Giselle Baselenes, university research associate ng UPLB Gender Center, layunin nilang makapagbigay ng libreng HIV screening lalong-lalo na sa mga estudyante. Dagdag pa niya, paraan rin ito upang mawala ang stigma (o negatibong paniniwala na kapag nagpa-HIV screening ay positibo na sa sakit) at upang paigtingin ang kamalayan patungkol sa reproductive health ng isang indibidwal.
Ang HIV ay isang uri ng virus na nagiging sanhi ng Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS) at pinahihina nito ang natural na depensa ng katawan. Ayon sa ulat ng United Nations Programme on HIV and AIDS (UNAIDS), nadoble na ang bilang ng kaso ng HIV sa Pilipinas sa nakalipas na anim na taon mula 4,300 noong 2010 na naging 10,500 na noong 2016.
Ang Pilipinas din ang may pinakamabilis na pagtaas ng kaso ng HIV kung saan tinatayang may 38 na kaso araw-araw ngayong taon. Samantala, pangalawa din ang CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) sa may pinakamataas na kaso ng HIV sa bansa na umabot na sa 1,406 ang bilang noong nakaraang taon.
Ayon kay Rich Miranda, MBD Nurse Coordinator ng Department of Health–National Children’s Hospital, mataas na ang kaso ng AIDS sa edad 16-21 kung kaya’t mahalaga na bigyan ito ng atensyon.
Matagal nang naisabatas ang Republic Act No. 8504 o ang AIDS Prevention and Control Act of 1998 kung saan nakapaloob ang malawakang pagpapalaganap ng tamang impormasyon patungkol sa HIV at AIDS, pagkalinga at suporta sa mga taong mayroon nito, at pagtanggal ng diskriminasyon patungkol dito. Sa kabila ng nasabing batas, \ laganap pa rin ang stigma o kasiraang puri sa mga may HIV at AIDS, na pangunahing hadlang sa pagpapa-screen ng mga taong maaaring mayroon din nito.
“HIV as a whole is not about the virus. It’s not about the biology of it. There are stigma and social issues attached to it. (Ang HIV ay hindi lamang tungkol sa virus o sa biyolohikal na katangian nito. Mayroon ding stigma at mga isyung panlipunang nakaugnay dito,)” pagbabahagi ni Manahan. Dagdag pa niya, mahalaga na isulong ang “self-care” dahil kapag alam ng tao kung paano aalagaan ang sarili ay alam din nila kung paano po-protektahan ang sarili nila sa HIV.
Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa HIV/AIDS at HIV screening, bumisita sa http://www.loveyourself.ph.