Puspusan ang paghahanda ng Los Baños municipal government para sa indoor hockey competition ng Southeast Asian Games (SEA Games) na gaganapin ngayong Disyembre 4 to 10 sa Centtro Mall, Los Baños, Laguna.
Simula Nobyembre 30, inaasahan ang pagdating ng mga atleta at iba pang bisita mula sa pitong bansa na makikilahok sa indoor hockey.
Ito ang ikalawang pagkakataon ng Los Baños na mag-host ng international sports event, matapos idaos dito ang swimming competitions noong 2005 SEA Games.
“Seryoso tayo na i-handle (ang event) as host municipality. Kasi at stake here is not Los Baños, but the Philippines. (Seryoso tayo sa paghawak ng aktibidad bilang punong-abala,)“ sabi ni Los Baños Municipal Mayor Caesar Perez, na siya ring pinuno ng Incident Management Team ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Perez, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensyang kabilang sa pagpapadaloy ng palaro, tulad ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC), Office of the Civil Defense, Philippine National Police- Region IV-A, Bureau of Fire Protection, at Department of Health.
Isang serye ng simulation exercises ang sinimulan na ng lokal na pamahalaan ngayong Nobyembre upang mapaghandaan ang anumang insidente, sakuna, o kalamidad na maaaring maganap habang nandito ang mga kalahok sa SEA Games at kanilang mga bisita.
Ayon kay Cynthia Quintans ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, kabilang sa kanilang paghahanda nila ay ang pagtantya ng mga dadaanan at travel time ng mga kalahok mula sa kanilang tinutuluyan patungo sa venue ng kompetisyon, pati na ang pagtukoy sa emergency response teams, emergency routes, at evacuation centers o assembly points.
“I think prepared na prepared na kami, with regards to the preparation of security, (at) cleanliness ng area. (Sa palagay ko ay handa kami lalo at may kinalaman sa preparasyon sa seguridad at kalinisan ng lugar)” sabi ni Perez.
Inaasahan ang pagbigat ng daloy ng trapiko sa National Highway mula sa Brgy. Lalakay, Junction o Crossing, at Lopez Ave., Batong Malake, lalo na simula sa Disyembre 4 hanggang 10. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa lagay ng trapiko at iba pang aktibidad ng munisipyo kaugnay sa SEA Games, makipag-ugnayan sa Municipal Action Center sa (049) 530 2818.
Para naman sa mga gustong manood ng sporting events ng SEA Games na idaraos sa Los Baños, makabibili ng ticket sa https://smtickets.com/ o SM Ticket booths sa halagang 50 pesos.