Alab FC, sumabak sa sa int’l football cup

(Ulat nina Dean Carlo Valmeo at Jill Esther Parreño)

Jersey Rancat ng Alab FC

Si Jersey Rancap, isa sa mga manlalaro ng Alab Footbal Club na makakasama sa kampeonato sa Indonesia, ay nagsasanay sa pagsipa bago ang kanilang training session noong ika-17 ng Nobyembre. Bilang isa sa mga iskolar ng Alab FC, ang membership at training fees, equipment, at pamasahe ni Rancap sa mga tournament ay libre ng football club. (Larawang kuha ni Jill Esther Parreño)

Nagtungo na kahapon ang Alab Football Club (Alab FC) sa Bali, Indonesia para sa Badung International Football Championship, bilang bahagi ng  Apuesto Bueno United Football Club — isang football club na nakabase naman sa Pagsanjan, Laguna. Sila ang koponan ng Pilipinas sa nasabing kampeonato na idaraos mula ika-26 ng Nobyembre hanggang ika-1 ng Disyembre.

Ang Alab FC ay binubuo ng mga manlalarong kabataan na karamihan ay mula Los Baños, Laguna. Siyam sa kanilang mga miyembro ang sasabak sa mga kategoryang Under 10 (U10 o para sa mga edad 10 pababa) at Under 12 na lalahukan din ng mga atleta mula sa Indonesia, China, Taipei, Hong Kong, Australia, Japan, South Korea, Thailand, Singapore at iba pang mga bansa.

Para sa mga kabataan

Sa kanilang ensayo noong ika-17 ng Nobyembre sa University of the Philippines Los Baños Freedom Park, ibinahagi ng Alab FC coach na si Zeus Fabroada ang kanyang galak sa pagkakaroon ng koponan ng exposure sa isang international football tournament.

I’m so excited [para] doon sa mga bata kasi makakalabas ng bansa at siyempre, this is the first time of my team […] majority of players na pupunta ng Indonesia ay from here. (Excited ako para sa mga bata kasi makakalabas sila ng bansa. Unang beses rin ito para sa aming koponan at karamihan sa kanilang makakasama ay mula dito sa Los Baños.),” pahayag ni Coach Fabroada. Tiwala din siya na handang-handang na ang Alab para sumabak laban sa koponan ng mga ibang bansa.

Gayunpaman, makapag-uwi man ng medalya o hindi, hangad lamang ni Coach Fabroada na lalong mahasa ang potensyal ng mga batang atleta. “Naniniwala kasi ako na the best teacher is the game: kung ano yung nakikita nila doon sa game, you teach them how to analyze. No matter what happens — winning or losing — ang importante kasi [ay] mayroong na-achieve ang mga bata, (“Naniniwala kasi ako na ang paglalaro ang pinakamabisang tagapagturo. Kung anong nakikita nila sa laro, tuturuan mo sila kung paanong mag-analisa. Kahit anong mangyar –manalo o matalo – ang importante ay may makamit ang mga bata, ” aniya.

Para naman kay Paul Lustria, isa sa mga magulang ng miyembro ng koponan, nagagalak siya na makakalaban sa ibang bansa ang kaniyang anak. Malaki rin daw ang naitulong ng Alab sa pag-unlad ng kanyang anak, hindi lamang bilang isang atleta kundi bilang isang indibidwal na rin.

“Masaya ako na napasama siya. Sa panahon namin ‘di kami pinalad; hanggang dito lang kami sa Pilipinas. At least s’ya, makakalabas na ng bansa para makapaglaro,” ani Lustria. Dagdag pa niya, mas naging “open” ang personalidad ng kanyang anak mula nang makasali sa Alab FC at masasabing mas nag-mature na ang bata sapagkat natuto nang makapagdesisyon para sa sarili.

Ang Alab FC

Nabuo ang Alab Football Club sa Los Baños noong 2015, matapos magkaisa ng isang grupo ng mga magulang sa isang layunin: na humasa ng magagaling na mga football players at coaches upang makapag-ambag sa komunidad ng Philippine football. Ito rin ang nagsilbing inspirasyon kung bakit tinawag na ‘Alab’ ang club — dahil sinasagisag ng salitang ito ang pagpupursigi at pagmamahal ng mga coach, magulang at miyembro nito para sa football.

Nagsimula ang Alab na may lima hanggang pitong miyembro lamang. Sa kasalukuyan, nasa 60 hanggang 70 football players na ang bumubuo sa club.

Bukas ang Alab FC sa mga batang nasa edad 4 hanggang 18 at gustong matuto o hasain ang talento sa football. Maaring makipag-ugnayan sa kanilang Facebook page (Alab Football Club) para sa iba pang mga detalye kung paano makasali.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.