Isang taon matapos kilalanin bilang “Garden Capital of Bay, Laguna”, ipagdiriwang ng Barangay Dila ang kanilang pangalawang Garden Festival ngayong Pebrero 19 hanggang 22 sa Farmlae Plaza. Ito ay may temang: Lokal na Kabuhayan ay Paunlarin, Turismo ay Palaganapin.
Ang pagdiriwang ng Garden Festival ay bilang paggunita sa humble beginnings ng mga taga Barangay Dila, na karamihan ngayon ay nagnenegosyo ng paghahalaman. Ang kwento ng kanilang buhay, ayon kay Barangay Secretary Roxanne Joyce Javier, ay maituturing na from rags to riches–nagsimula sa pagiging mahirap hanggang sa umunlad.
“May mga apat na anak, pitong anak (yung mga) gardener, tapos lahat (ng anak) ay nakagraduate,” ani Javier.
Bukod pa rito, nais rin nilang opisyal na maisulong ang Barangay Dila bilang Garden Capital upang lalong lumago ang mga negosyo ng paghahalaman dito. Higit sa lahat, gusto nilang maipakilala ang kanilang mga gardeners.
Maraming aktibidad ang dapat abangan sa darating na Garden Festival. Ito ay ang mga sumusunod:
- Float Parade
- Garden Bazaar
- “Ating Alamin sa Brgy. Dila” An Agricultural Discussion
- Ms. Q and A Dila
- Kwentong Dila
- Inauguration of Rizal Shrine
- Bb. Dila
- Palakasan sa Garden Capital (Amazing Race)
- Zumba for a Cause
- Sayaw Kabataan
- Singing Contest
- Gamutan sa Barangay (Medical Mission) at
- Raffle draw
Sa mga nais pumunta sa Garden Festival, ito ang mensahe ni Barangay Secretary Javier: “Very welcome (kayo), mas masaya at mas makulay ngayon. Pwedeng pwede (niyong) abangan yung lahat ng pwedeng mangyari kaya anytime, bukas ang Barangay Dila para sa inyo.”
Bilang “Garden Capital of Bay, Laguna”, nais ng Barangay Dila na mapalaganap ang garden agritourism sa buong Bay dahil kapag ang ganitong negosyo ay nakilala sa munisipalidad, maaaring itanghal ang buong Bay bilang “Garden Capital of Laguna”.