LB hog industry, ligtas sa ASF

Matapos makumpirama ang pagkamatay ng 1,000 baboy mula sa African Swine Fever o ASF dito sa bansa noong ika-2 ng Enero, nanatiling alerto ang munisipalidad ng Los Baños mula sa banta nito sa suplay ng karne sa merkado.

Ayon kay Municipal Agricultural Technologist and Livestock Inspector Enjela Flor Oliva, wala pa muling naitatalang kaso ng ASF sa buong lalawigan ng Laguna matapos ang pagkalat nito sa Luzon noong nakaraang taon.

Bagaman ligtas ang mga babuyan sa distrito ng Los Baños mula sa banta ng ASF, patuloy pa ring pinangangasiwaan ng task force na pinamumunuan ni Mayor Caesar Perez ang kalakaran sa paglabas at pagpasok ng mga baboy mula sa ibang probinsya. Ang naturang task force ay dati nang nabuo noong 2019 nang lumaganap ang ASF sa mga karatig-bayan ng Laguna.

Bukod kay Mayor Perez, kabilang din sa task force na ito si Municipal Administrator Robert Laviña, Chairman Committee Administrator Cris Dayril Bagnes, Chief Municipal Agriculturist Cheryll Laviña-Gonzales, Market Supervisor Marilyn Manzano, Slaughter House Master Ricky Flores, LBPig President Crisologo Angeles, at ang Office of the Provincial Veterinarian Representative.

Tungkulin ng grupong ito na maisagawa sa Los Baños ang mga aksyon kontra ASF na nakapaloob sa Resolution No. 459 S. 2019 ng Opisina ng Sangguniang Panlalawigan ng Laguna.

Ang Municipal ASF task force ng Los Baños ay binubuo ng mga taong namumuno mula sa pagpapalaki ng mga baboy hanggang sa paghahatid ng karne nito sa mga palengke. Ito ay para mas masiguro ng lokal na pamahalaan na ligtas ang mga baboy sa buong munisipalidad at hindi maapektuhan ang supply nito sa mga palengke.

Kabilang sa ordinansang inilabas ng munisipyo ang pagsusuri sa bawat isang babuyan sa loob ng munisipalidad, pagbabawal ng pag-aangkat ng mga baboy mula sa mga apektadong lugar, pagbabawal sa mga hog raisers mula sa paggamit ng kaning-baboy bilang pakain, paglilista ng lahat ng babuyan at bilang ng mga baboy na inaalagaan dito, mabusising pagsuri ng lahat ng uri ng karne ng baboy na ibinibenta sa mga palengke, at ang pagbibigay kaalaman sa mga residente ng Los Baños ukol sa ASF at ang epekto nito sa kalusugan.

Nilinaw ni Municipal Agricultural Technologist Oliva na ang ASF ay isang viral disease at hindi ito naipapasa sa tao. Ayon pa sa kaniya, halos hindi naiiba ang mga sintomas ng ASF mula sa hog cholera. Ang kaibahan lamang ay wala pang bakunang maaaring magamit kontra ASF.

Base sa impormasyong inilathala ng Philippine Information Agency sa kanilang website, ilan sa mga kabilang na sintomas ng African Swine Fever ay “ang pagkawala ng gana sa pagkain, pamumula ng balat, pagsusuka at pagtatae.”

LIGTAS IKONSUMO. Tiniyak ng Department of Health at iba pang ahensyang patungkol sa kalusugan na ang African Swine Fever ay hindi nakapamiminsala ng kalusugan ng tao.

Kaugnay nito, nakasaad din sa 2019 African Swine Fever Contingency Plan na inilabas ng Bureau of Animal Industry o BAI ang “BABES” na isang hakbang na maaaring sundin upang mapanatiling maganda ang kalagayan ng mga baboy. Ito ay ang mga sumusunod:

  1. Banning of pork imports (Pagbabawal ng pag-aangkat ng baboy)
  2. Avoid swill feeding (Iwasan ang pagpapakain ng kaning baboy)
  3. Block entry at international ports (Pigilan ang pagpasok mula sa mga pantalang pandaigdig)
  4. Educate our people (Turuan ang ating mamamayan)
  5. Submit samples (Magsumite ng mga samples ng karne)

PAG-AANGKAT

Alinsunod sa kautusan mula sa Sangguniang Panlalawigan ng Laguna ukol sa pagpigil sa paglaganap ng ASF, mahigpit pa rin ang seguridad sa distrito ng Los Baños upang mapanatiling ASF free ang mga babuyan sa loob ng Los Baños. Ayon kay Los Baños Natural Pig Raisers Association President Crisologo “Bong” Angeles, “Simula nang magkaroon sa Rizal atsaka sa Quezon city, nag-total ban na tayo noon. May mga checkpoints pa rin na tumitingin sa papeles para malaman kung saan galing.

Responsibilidad ng mga task force na inatasan ng munisipalidad ang kumpirmahin sa mga livestock quarantine checkpoints ang animal health certificate mula sa isang lisensyadong veterinarian, shipping permit, lisensya ng mga handler ng karne, at ang transport carrier accreditation certificate ng mga dumadaan o nag-aangkat ng karne sa Los Baños mula sa mga karatig-bayan. Sa ganitong paraan, nasisigurong walang makapapasok na mga baboy na may sakit o mga kontaminadong karne mula sa mga apektadong bayan.

DEMAND NG KARNE

Ayon kay Angeles, “Tumumal ang (pagbebenta ng) baboy ng iba. Parang hindi kumain nung una (ang mga tao). Pero ngayon, okay naman ang price. Dito sa Los Baños, hindi ibinagsak ang presyo. Same pa rin ang price namin kasi nga wala naman tayo sa Los Baños nung ASF.

Dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga namamatay na baboy at dahil na rin sa maaaring pagkatakot ng ibang mga tao patungkol sa ASF, lubos na pinangangambahan ng ilang retailers sa Los Baños na muli silang malugi. “Sa ngayon, hindi pa naaapektuhan (ang aming kita). Pero darating yung araw na ganon kapag tuluy-tuloy yung media (coverage), magiging affected yun… Noong nakaraang ASF, 60% talaga ang nawala sa amin non,” ani ng isang retailer na si Fely Ang.

UPDATE SA PRESYO. Ayon kay Ate Fely, bagaman may takot pa rin ang ilang residente ng Los Baños, hindi na masyadong naapektuhan ang presyo ng kanilang mga paninda.

Sa palagay nina Angeles at Ang, tiyak na maaapektuhan ang mga kompanya na nagbebenta ng mga processed food sapagkat takot pa rin ang mga tao mula sa pagbabalik ng ASF sa Pilipinas. Kaya naman patuloy na sinisiguro ng lokal na pamahalaan na may sapat na kaalaman ang mga tao ukol sa ASF sa pamamagitan ng paglalagay ng mga materyal sa mga palengke na naglalaman ng mga mahahalagang impormasyon ukol sa ASF. Ito ay para na rin hindi masyadong bumagsak ang bentahan ng karne ng baboy sa Los Baños sa kabila ng posibleng pangamba ng mga konsumer sa ganitong mga produkto.

PREVENTIVE MEASURES

Kaugnay nito, ibinahagi rin ni Angeles ang kanilang isinasagawang mga hakbang upang matiyak na ligtas ang kanilang mga baboy kontra ASF. “Nung nakaraan, ang aming mga guest ay UP students din. [Gumawa] sila ng project, binigyan nila kami ng mga seminar dun sa (Tiaong) Quezon tungkol sa AI o Artificial Insemination. Tsaka yung lecture sa ASF.

Ang artificial insemination ay isang proseso kung saan manu-manong naglalagay ng semilya sa isang inahing baboy. Ito ay makatutulong sa pagkontrol ng pagpasok ng ASF sa mga babuyan sapagkat nasusuri munang mabuti ang mga semilyang gagamitin sa naturang proseso.

“ZUMBA.” Isa si Zumba sa mga baboy na inaalagaan ni Sir Bong sa Brgy. Timugan at patuloy na nagbibigay ng mga biik para sa ikabubuhay ng mga magbababoy.

Bukod pa rito, nag-aangkat pa sila ng pakain sa kanilang mga baboy mula sa Tiaong, Quezon. Bultuhan kung bumili sina Angeles at kanyang mga kasama upang maipamahagi rin sa kanilang mga members. Kasama sa pakain na kanilang inihahalo ay darak, mais, palyat, fermented plant at fruit juice, at fish amino acids. Sa pamamagitan nito, nasisiguro nilang ligtas ang pagkain na pumapasok sa sistema ng kanilang mga baboy.

Binigyang diin ni Angeles na ang pinakamahalagang ginagawa nila ay ang paggamit ng Lactic Acid Bacteria Serum. Ayon sa kanya, ito raw ay pinapainom at ipinanliligo nila sa kanilang mga baboy, ipinambobomba sa mga ipa na kanilang ginagamit, at inilalagay na apakan sa bawat pasukan ng kanilang mga pig farms upang masiguro na ligtas ang kanilang mga baboy mula sa ASF virus.

DOBLE INGAT. Patuloy pa ring isinasagawa ni G. Bong Angelesang mga hakbang na kanyang nalaman mula sa mga libreng seminar, trainings, at iba pang programa kontra ASF.

Laking pasasalamat ni Angeles dahil libre at talagang napakikinabangan nila ang mga handog na seminars ng Munisipyo ng Los Baños, Provincial Veterinary Office, maging ng University of the Philippines – Los Baños tungo sa kanilang sustainable natural pig farming.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.