Ulat nina Andrea Jo Coladilla at John Warren Tamor
Kapag kapos na kapos na ang ating mga budget at tila nalalapit na ulit ang petsa de peligro, madalas tayong tumatakbo sa ating mga lokal at abot-kayang tindahan upang makatawid sa ating pang araw-araw. Pero sino kaya ang inaasahan ng ating mga local businesses ngayong sila naman ang nasa petsa de peligro dahil sa kawalan ng kita ngayong pandemya?
Isa sa mga na lubos na naapektuhan ay si Miladie Peñaruba, isang local entrepreneur mula sa Barangay San Antonio na dati nang nagbebenta nga mga produktong Elbi upang iluwas sa Maynila at iba pang lugar.
Dahil sa kanyang munting negosyo, nakakapagbenta siya sa kanyang mga kustomer sa Quezon City at naipapakilala ang lokal na mga pasalubong mula sa Los Baños. Ngunit nang magsimula ang pandemya, tumigil ang kita na bumubuhay sa kanyang pamilya.
Isa lamang ang kanyang negosyo sa mga naapektuhan noong nagkaroon ng malawakang lockdown sa Pilipinas. Kabilang rito ang maliliit na negosyo na kumikita lamang ng sapat para sa pang-araw araw o lingguhan nilang gastusin. Hiindi nakaligtas sa pinsalang ito ang mga lokal na businesses dito sa Los Baños kung saan umabot sa humigit 500 na kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang naitala noong Disyembre 2020.
Dahil sa pag-unti ng mamimili, maraming maliliit na negosyo ang napilitang magsara ngunit hindi rito nagtatapos ang pakikipagsapalaran ng ating mga local businesses.
Ngayong hindi na niya maigagaod ang kanyang pisikal na tindahan, naisip ni Miladie na gamitin ang kanyang natutunan sa pagnenegosyo online upang, kahit papaano, ay magkakaroon pa rin sila nang pinagkakakitaan ngayong panahon ng COVID-19.
Paglipat sa digital entrepreneurship
Nagsimulang magtayo ng online shop sa Instagram si Miladie na pinangalanan niyang TresMarias17 Food Products Trading noong Agosto. Bago pa ang pandemya, nakapagbenta na ng puto at lumpiang shanghai si Miladie sa kanilang komunidad kaya naisipan niyang magbenta muli. Ginagawa niya ito sa paraang pre-order upang walang masayang na pagkain.
Nadagdagan na rin ang kanyang mga binebenta tulad ng puto cheese, puto with salted egg toppings, dynamite, palitaw, cheese sticks, lumpiang toge, at pati na rin mga halaman. Gumawa na rin siya ng facebook page para mas makilala ang kanyang mga produkto dahil kadalasan ay mas maraming nakukuhang customer gamit ito.
Maliban kay Miladie, isang estudyante rin ng UPLB ang nakakita ng oportunidad noong kasagsagan ng lockdown sa Pilipinas. Siya si Dominique Lantican, isang Agricultural and Applied Economics student sa UPLB.
Kung makikita sa kanyang Buy Co To online shop sa Facebook, gadgets partikular na rito ang mga laptop at cellphones ang mga binebenta niya sa kasalukuyan dahil ito ang patok ngayon sa mga kustomer. Marahil na rin ito sa pangangailan ng mga estudyante o mga employees para sa kanilang online classes o work.
Bukod dito, lumobo rin ang dami ng online buy and sell groups sa Facebook. Nariyan ang Elbids, isang bidding at online selling stop; Batong Malake Online Market, at Putho Online Market na ang mga mamimili at nagbebenta ay galing din sa kani-kanilang barangay. Anya Miladie, labis na nakakatulong ang mga online groups na ganito upang madali siyang makapaghanap ng market para sa kanyang mga produkto.
Kung bibisitahin ang Elbids sa facebook, makikitang madalas na ibinebenta ay mga pre-loved na mga gamit. Mayroon ding bentahan sa pamamagitan ng pag pre-order lalo na sa mga produktong gagawin pa lamang o kaya’y manggagaling pa sa ibang bansa. Makikita rin dito ang ilang bentahan ng mga pagkain na maaaring mabili o makuha sa pamamagitan ng delivery o pick-up sa kahit saang lugar sa Los Banos.
Gayun din sa Batong Malake Online Market at Putho Online Market kung saan may mga bentahan ng karne, prutas, itlog, at marami pang iba na tila ba parang pangkaraniwang pamamalengke. Mayroon lamang silang mga alituntunin na kailangan sundin tulad ng pagbibigay agad ng buong detalye ng ibinebenta para mas maging maayos ang bentahan dito.
Kinakaharap ng mga online sellers
Bagama’t nakaisip ng paraan ang mga negosyante na lumipat mula physical store patungong online selling, hindi pa rin maiiwasan ang ilang problemang kanilang kinakaharap. Nariyan ang kompetisyon sa iba’t ibang online sellers o di kaya’y paninibago sa sistema ng online world.
Minsan na ring nagtrabaho si Miladie sa Negosyo Center ng Los Baños kung kaya’t may kaalaman na rin siya ukol sa pagnenegosyo. Ngunit ayon sakanya, iba pa rin nang tahakin niya ang online world.
“Dito kasi [online business], ikaw lahat. Ikaw mag-iisip kung ano yung best way kung paano mo ipepresent [ang product]. Kailan ka magpopost kasi may specific time of the day ‘yan kung kailan peak ang tao [online].” ani Miladie ukol sa ilang mga problemang kinaharap niya sa online selling.
Dagdag pa rito, kinailangan niyang mag-hire ng mga rider para sa pag-deliver ng kanyang mga produkto. Nakasasama raw ng loob na mayroon pa ring nananamantala ng sitwasyon ngayon, matapos siyang takbuhan ng isa sa mga riders niya at tangayin ang kanyang kita. Isa lamang ito sa mga karaniwang problema na kinakaharap ng mga nagbebenta online.
Tulong mula sa Lokal na Pamahalaan
Samantala, ang lokal na pamahalaan ay patuloy pa rin namang kumikilos para magbigay tulong sa ating mga kababayan. Isa na rito ang Department of Trade and Industry (DTI) Negosyo Center sa Los Baños na may layunin na magbigay progreso para sa mga entrepreneurs lalo na sa mga MSMEs.
Nagsagawa sila noong Oktubre ng isang Webinar Series na naglalayong magturo ng iba’t ibang kasanayan sa digital business. Dagdag pa rito ay ang Negosyo Serbisyo sa Barangay (NSB) ng DTI kung saan nilalapit nila ang kanilang mga serbisyo sa mga malalayong barangay.
Bukod pa rito ay ang programang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa (PBG) kung saan isa si Miladie sa mga online seller na nainterbyu para mabigyan ng tulong.
Ayon kay Lovely Alcantara, isang DTI representative, ang programang ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng pamimigay ng DTI ng livelihood kits depende sa negosyo na mayroon ang isang negosyante. Nakadepende rin ang halaga nang ipamimigay sa budget na nakalaan para rito.
Maaaring i-contact ang DTI Laguna at DTI Negosyo Center Los Baños sa kanilang mga Facebook page o di kaya’y bisitahin ang DTI website para sa karagdagang detalye.
Maliban sa ginawang hakbang ng DTI Laguna at Negosyo Center Los Baños, may sari-sarili ring mga proyekto na idinaraos upang tuluyan pang pasiglahin ang microeconomy ng bayan ng Los Baños. Isa ang Batong Malake Sunday Market na inorganisa ng grupong Entrepreneurs and Artisans of Los Baños sa mga ganitong inisyatibo kung saan nagkaroon muli ng pagkakataon ang iba’t ibang mga homegrown businesses na pisikal na makapagbenta muli.
Para sa mga negosyo na nais makilahok sa pagbebenta sa Batong Malake Sunday Market, maaaring bisitahin ang kanilang facebook page upang magpasa ng aplikasyon para sa mga interesadong merchants.
Pagbangon at hiling ng sektor
“Ang hiling ko lang, sana may mga government agencies na magbigay ng free services for entrepreneurs na gaya namin… Sana kahit man lang yung pang-umpisa. Kagaya ng pagpapakabit ng internet, tapos ikaw [kami] na yung pang-monthly [expenses].” ani Miladie.
Hindi man kabuuang negosyo ang maihahandog ng pamahalaan, para sa kanila na sinusubukang lumago at makipagsapalaran sa panibagong panahon, malaking tulong na ang ganitong klaseng pag-agapay.
Hindi maitatanggi na marami pa rin sa ating mga maliliit na negosyo dito sa Los Baños ang patuloy na kinakaharap ang suliranin na dulot ng pandemya. Dahil rito, iba’t ibang madiskarteng paraan ang lumitaw at naipamalas para lamang maipagpatuloy ang kanilang mga negosyo.
Nariyan ang pagbubukas ng online shops, pagkakaroon ng deliveries, o di kaya’y pagpapalit ng menu o stock para lamang umangkop sa napapanahong pangangailangan ng mga kustomer.
Ngunit, hindi ito rito nagtatapos. Maliit man o malaki, online man o hindi, part-time man o full-time selling, mariin pa ring hinihiling ng sektor na ito ang suporta at pag-agapay mula sa ating pamahalaan upang tuluyan na silang makabangon ngayong New Normal, sunod sa tunay na diwa ng ‘kapit-buhayan’ at sama-samang pagbangon.