Juana Got Talent: PWD Edition, isinagawa sa pagdiriwang ng Women with Disabilities Day

Ulat ni Angeli Marcon

Sa pagdaraos ng Women with Disabilities Day, ibinahagi ng mga kababaihang PWD sa Los Baños ang kanilang natatanging talento sa pagkanta. Ang nasabing pagdiriwang ay alinsunod sa Proclamation No. 744 s. 2004 (Litrato mula sa Facebook ng Gender and Development Office- Los Baños).

Iaanunsyo sa ika-29 ng Marso ang mga nanalo sa “Juana Got Talent: Persons with Disabilities (PWD) Edition” kasabay ng pagdiriwang ng Women with Disabilities Day sa huling Lunes ng Marso. Ito ay pinangunahan ng Municipal Gender and Development (GAD) Focal Point System katuwang ang Los Baños Federation of Person with Disabilities (LBFPWD).

Sinimulan ng mga kababaihang parte ng PWD community sa Los Baños ang pag-upload ng kanilang mga talent videos noong unang linggo ng Marso. Ang pagpili sa mananalo ay idadaan sa pamamagitan ng pagboto gamit ang like at heart reacts.

Hanggang sa Marso 25 lamang bibilangin ang mga reacts sa mga nasabing entry.

Ang kalahok na makakakuha ng pinakamaraming like at heart reacts ang siyang magwawagi ng Php 2500. Habang ang pangalawa naman ay Php 1500 at ang pangatlo ay Php 500.

Ayon kay Leonie Gopela-Macaldo, isa sa mga kalahok at ang presidente ng Anos Association of PWDs (AAPWD), hindi naging hadlang ang kaniyang hearing disability para kumanta dahil virtual naman ang kompetisyon. Mas nanaig din ang kanyang kagustuhan na makatulong sa pinaplanong proyekto ng AAPWD na makatutulong makapagbigay ng medical assistance sa mga miyembro ng kanilang samahan.

Sa kasalukuyan, nasa 11 ang mga lumahok sa nasabing kompetisyon. Makikita ang kanilang mga singing videos sa Facebook group ng Los Baños Federation of Person with Disabilities Official Page.

Para sa karagdagang impormasyon, bumisita sa Gender and Development Office-Los Baños o sa Persons with Disabilities Affairs Office – PDAO Los Baños.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.