Ulat ni Alyanna Marie B. Lozada
Muling ipinagpatuloy ng Philippine Rice Research Institute o PhilRice ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF)-Seed Program ngayong taon. Layunin nitong programa na maghatid ng suporta sa mga magsasaka upang makamit ang 10% na pagtaas ng ani at mabawasan ang gastos sa produksyon. Ito ay kanilang ginagawa sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga libreng de-kalidad na binhi.
Ang RCEF ay binuo alinsunod sa Republic Act No. 11203 o Rice Tariffication Law na nilagdaan at ipinatupad noong ika-14 ng Pebrero 2019. Ang batas na ito ay kaugnay sa mandato ukol sa kahalagahan ng food security maging sa pagpapatibay at pagpapalakas ng sektor ng agrikultura sa bansa. Ang RCEF ay binubuo ng apat na seksyon: Mechanization Program, Seed Program, Credit Program, at Extension Services Program.
Sa programang ito, ang mga magsasaka ay maaaring makatanggap ng mga libreng binhi sa kani-kanilang municipal/city agriculture offices basta ang mga ito ay nakalista sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA). Dagdag pa nito na maaari rin silang makiisa sa mga technology demonstration activities na pinamagatang “Palay Sikatan Lakbay Palay”.
Ayon sa pahayag mula kay Director Rhemilyn Relado-Sevilla, Branch Director I ng PhilRice Los Baños, kasalukuyang nakapagpadala na ang PhilRice Los Baños Station ng 148,718 bags ng mga sertipikadong inbred seeds sa 50,112 magsasaka sa mga rehiyon ng CALABARZON at MIMAROPA noong taniman nitong tag-araw ng 2021. Dagdag pa nito, ang PhilRice LB Station ay nakapagsagawa na ng 12 technology demonstration sites sa mga rehiyong nabanggit na nagpapakita ng mga demonstrasyon gamit ang iba’t ibang uri ng bigas tulad ng NSIC Rc 160, NSIC Rc 216, NSIC Rc 218, PSB Rc 18, NSIC Rc 402, at NSIC Rc 480.
Para sa mga interesado sa programang ito, marapat na makipag-ugnayan sa Municipal Agriculture Office-Los Baños o sa Department of Agriculture Field Office. Maaari ring bisitahin ang official FB page ng DA-PhilRice Los Baños at Department of Agriculture-Philippines.
At para naman sa mga nais mag-rehistro, i-download lamang ang link sa baba para sa manual na naglalaman ng detalyadong proseso sa pagpaparehistro sa RSBSA. Bukod dito, nakasaad rin sa manual ang mga dapat asikasuhing papeles at form.
RSBSA Enrollment Form Instructional Manual