Ni: Aaron James L. Villapando
Sa tulong ng isang Facebook post, nakauwi na sa Brgy. Mayondon, Los Baños nitong Abril 4 ang isang matandang lalaki na natigil sa San Pablo City.
Halos anim na araw nang naglalakad si Tatay Juan, hindi niya tunay na pangalan, mula Brgy. Mayondon hangga’t makarating siya sa San Pablo City pakay ang isang kaibigan na dating katrabaho.
Ayon kay Camille na siyang nag-post sa Facebook tungkol kay Tatay Juan, nakita niyang naglalakad sa Rizal Avenue ang matandang lalaki habang hila nito ang isang sako. Sa pagaakalang mangangalakal ito at pauwi na sa bahay, tumigil siya sa tapat ng matandang lalaki at sinabihan itong maghintay at babalikan niya para dalhan ng pagkain bilang tulong. Sa kanyang pagbalik, naka-usap niya si Tatay at nalamang taga-Mayondon ito at naglakad lamang papuntang San Pablo City upang hanapin ang dating ka-trabaho.
Dahil sa umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Laguna, halos walang bumabyaheng pampasaherong jeep. Naisipan ni Camille na kuhaan ng litrato at video si Tatay at i-post ito sa Facebook noong araw ding iyon ng Abril 3, upang makahingi ng tulong sa iba pang tao at makarating ang balita sa mga kamag-anak ni Tatay Juan.
Nang gabing iyon, nakita ni Mark Lester Lapitan ng Dila, Bae ang Facebook post ni Camille. Nais niya sanang tumulong ngunit limitado rin ang kanyang mga kilos dahil sa umiiral na ECQ. Kinabukasan, Abril 4, may nakitang matandang lalaki ang asawa ni Mark na si Jelyn sa tapat ng kanilang bahay. Binigyan nila ito ng face mask, pagkain at iba pang tulong. Bilang pamilyar si Tatay Juan kay Mark, binalikan niya ang Facebook post ni Camille at nakumpirmang ito nga ang nasa post.
Dahil dito, hindi nakuntento si Mark sa tulong na naibigay na nila kay Tatay. Sinubukan niyang kontakin ang lokal na pamahalaan ng Brgy. Mayondon ngunit hindi siya nakakuha ng sagot. Nang gabi ring iyon, napagdesisyunan ni Mark na ihatid na si Tatay Juan sa Brgy. Mayondon. Umarkila siya ng tricycle at bumyahe na patungong Los Baños.
Sa isang checkpoint sa Mayondon, tumigil sila at naka-usap ang isang barangay tanod. Ayon dito, taga-Mayondon nga raw si Tatay Juan at maayos naman ang pamumuhay. Hindi lang daw nila alam kung paano itong nakarating sa San Pablo City. Ngayong naihatid na ni Mark si Tatay Juan, balak niya itong balikan at kamustahin ulit kapag lumuwag na ang quarantine.
Sa pakikipag-usap ni Camille at ni Mark kay Tatay Juan maging sa paghahatid dito gamit ang tricycle, siniguro raw nilang nasunod ang minimum health protocols.
Sinusubukan pang kapanayamin ng LB Times ang lokal na pamahalaan ng Brgy. Mayondon, sa pag-asang maaabot rin natin ang pamilya ni Tatay Juan. Wala pang pagtugon ang Brgy. Mayondon sa ngayon. -AJLV