Mga usaping pandemya at bakuna, tinalakay sa webinar ng LBSCFI

Ulat ni Alyanna Marie Lozada

Hon. Mark Lester Dizon bilang guest speaker sa Infodemic webinar. Screenshot mula sa official page ng LBSCFI.

Kasabay sa paggunita ng anibersaryo ng Los Baños Science Community Foundation, Inc. (LBSCFI), nagsagawa ang organisasyon ng webinar noong ika-30 ng Marso 2021 na pinamagatang “Addressing the COVID 19 Infodemic: Straight from the Experts”. Kasama sa mga tinalakay ng mga eksperto ang mga isyu tungkol sa mga bakuna, pati na rin ang kasalukuyang estado ng munisipalidad ng Los Baños, Laguna sa patuloy at mas lumalakas na banta ng pandemya. 

Ang webinar ay pinangunahan nina Ms. Re-anne Santos-Remo at Ms. Marla Cambay. Para sa pambungad na pahayag, ipinaliwanag ni Dr. Melinda dP. Bandalaria, LBSCFI President at Chancellor ng University of the Philippines – Open University (UPOU) ang kahulugan ng “infodemic” at ang epekto nito sa mga tao. 

Isyu ng infodemic

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang infodemic ay matinding kalabisan ng mga impormasyon na makikita o mababasa sa parehong online at offline platforms. Kabilang na rito ang sadyang pagtatangka na magpakalat ng mga maling impormasyon, balita, litrato, at bidyo upang pahinain ang responde ng mga ahensya ng pampublikong kalusugan at maisulong ang mga alternatibong agenda ng mga grupo o indibidwal. 

“Infodemic creates confusion,” diin ni Dr. Bandalaria sa kanyang pahayag. “Since the COVID-19 has hit the country, there has been this proliferation of information from many sources,” dagdag pa nito.

Tinapos naman niya ang kanyang pahayag sa pamamagitan ng pagpapaliwanag na hindi lamang ang pandemya ang kailangang labanan ng mga tao ngunit pati na rin ang infodemic lalo na ang fake news, misinformation, at disinformation.

Kasalukuyang estado at mga plano ng munisipalidad ng Los Baños

Ang mga detalye na tumatalakay kasalukuyang estado at mga plano ng Los Baños ay pinangunahan ni Hon. Mark Lester Dizon, Municipal Councilor at chairperson ng Committee on Health. 

Ayon sa datos bilang ng ika-31 ng Marso 2021, ang munisipalidad ng Los Baños ay mayroon ng naitalang 903 confirmed cases, 143 ongoing cases, at 37 deaths. Kasunod nito, ipinaliwanag ni Hon. Dizon ang mga kasalukuyang ginagawa ng lokal na pamahalaan sa iba’t ibang aspeto para mapangalagaan ang kapakanan ng mga taga-Los Baños. Narito ang maikling rundown:

Para sa pagpigil sa pagkalat ng virus:

  1. Pagpapatupad ng pansariling standard health protocol (pagsusuot ng face masks at face shields, pagsasanay ng physical at social distancing, etc.)
  2. Pagpapatupad ng standard health protocols sa mga business establishments
  3. Pagpapatupad ng odd-even scheme
  4. Paglalagay ng plastic barriers sa lokal na pamilihan
  5. Paglalagay ng mga hand disinfectants sa mga pampublikong lugar sa munisipalidad

Para sa maagang pag-dedetect ng kaso:

  1. Regular na RT-PCR test ng MHO 
  2. Pagsasagawa ng isolation o quarantine ng mga indibidwal sa mga isolation facilities ng LGU at DOH

Para sa contact tracing:

  1. Pinangungunahan ng LGU at DILG-hired contact tracers
  2. Paggamit ng LB LAB ID QR code para sa contact tracing
  3. Paggamit ng LB LAB ID sa screening ng mga indibidwal na naka-quarantine

Para sa monitoring:

  1. Ang mga establisyemento ay binabantayan ng contact tracing team.
  2. Ang mga abiso ng paglabag/citation tickets ay ibibigay sa mga mahuhuling lumalabag sa mga protocol.

Para sa suporta at referral:

  1. Serbisyo sa transportasyon para sa mga pasyente
  2. Referral ng mga pasyente sa mga ospital

Para sa pag-iwas sa virus at pagbabakuna:

  1. Pagtatatag ng subcommittee na mangunguna sa mga isyung pagbabakuna
  2. Pagtatatag ng mga vaccines operation center
  3. Pagsasagawa ng pre-registration sa mga bakunang naaprubahan
  4. Pagbibigay ng mga bakuna sa mga priority groups (frontliners, senior citizens, etc.)

Para sa social support:

  1. Pamimigay ng mga esensyal at pangunahing kagamitan at medisina sa mga indibidwal o pamilyang naka-quarantine

Para sa paggawa ng mga patakaran:

  1. Pagsasagawa ng regular na pagpupulong tuwing Lunes
  2. Regular na pagpupulong kasama ang mga opisyal ng mga barangay
  3. Pag-konsulta sa National IATF regulations

Para sa mga impormasyon, edukasyon, at komunikasyon:

  1. Regular na pagpopost ng mga IEC materials sa social media

Para sa disposal ng mga bangkay: 

  1. Disposal sa loob ng 12 oras kung kumpirmadong may COVID-19 (marapat na sa pamamagitan ng cremation)
  2. Disposal sa loob ng 72 oras para sa mga kaso na hindi COVID-19
  3. Limitadong mga bisita sa paglalamay

Para sa infectious waste disposal:

  1. Pamamahagi ng dilaw na bag sa mga sambahayang nasa ilalim ng quarantine

Bukod sa mga regulasyon at planong nabanggit, sinigurado rin ni Hon. Dizon na ang Los Baños ay mayroong full operational na mga pasilidad pang-medikal, pang-agrikultura, at delivery services, samantalang 50% operational naman ang iba pang mga establisyemento. 

Isyu ng bakuna

Hindi man personal na nakadalo sa webinar si Dr. Maria Rosario Vergeire, kasalukuyang OIC-Undersecretary for the Public Health Services Team at official DOH spokesperson, nagparating naman siya ng presentasyon at mensahe kung saan tinalakay niya ang iba’t ibang isyu at usapin tungkol sa mga bakuna laban sa COVID-19. 

Ayon kay Dr. Vergeire, ang bansa ay nakapagsagawa na ng 9,771,641 tests. Ipinaliwanag rin niya na para sa pambansang kawan ng kaligtasan sa sakit o herd immunity, marapat na mabigyan ng bakuna ang hindi bababa sa 75% ng kabuuang populasyon. 

Sa kasalukuyan, ang Philippine Food and Drug Administration (FDA) ay nag-isyu na ng emergency use authorization sa mga sumusunod na bakuna: Pfizer, Biontech, AstraZeneca, Sinovac, at Gamaleya Sputnik V. Kaugnay nito, inaprubahan na rin ng FDA ang pagsasagawa ng clinical trials sa mga bakunang Janssen, Johnson & Johnson, Clover Biopharmaceuticals, at Sinovac. 

Para naman sa pamantayan sa pagbibigay ng bakuna, makikita sa larawan sa ibaba na ang mga indibidwal ay nahahati sa tatlong grupo. Ang unang grupo o Group A ay kinabibilangan ng mga frontliners, senior citizens, mga indibidwal na may comorbidities, frontline personnel sa mga mahahalagang establisyemento, at populasyon ng indigent. Ang Group B naman ay kinabibilangan ng iba pang frontliners at mga espesyal na populasyon, samantalang ang mga hindi nabanggit ay mapupunta sa Group C. 

Prioritization in the context of scarcity. Screenshot mula sa presentation ni Dr. Maria Rosario Vergeire.

Idiniin rin ni Dr. Vergeire na walang masasabing pinaka-mainam na bakuna para sa mga interesadong malaman kung ano nga ba ang mairerekomenda ng DOH. “The DOH does not recommend any vaccines over another. We encourage everyone to get vaccines when available. The best vaccine for you is the one in your arms,” paliwanag nito.

“Let’s be the solution to combat COVID-19,” pagtatapos ni Dr. Vergeire.

Bilang tugon naman sa tanong ng mga taga-Los Baños tungkol sa badyet ng lokal na pamahalaan, sinabi ni Hon. Dizon na nagkaroon ng allotment na Php 20 M para sa mga bakuna. 

LBSCFI bilang organisasyon

Isa lamang ang webinar na ito sa mga isinagawa ng Los Baños Science Community Foundation, Inc. (LBSCFI) kaugnay sa pagdiriwang ng kanilang anibersaryo. Ang LBSCFI ay isa sa apat na pang-syensyang komunidad na itinatag ng Philippines Department of Science and Technology batay sa Presidential Executive Order No. 784 in 1984. Ang konsepto ng pang-syensyang komunidad ay naglalayong mapagyaman ang diwa ng pamamahagi ng mga resources at expertise na umiikot sa mga ahensya ng pananaliksik sa Los Baños, Laguna. 

Ang organisasyong ito ay ganap na nabigyan ng rehistro noong ika-23 ng Marso 2011 ng Securities and Exchange Commission (SEC). Sa kasalukuyan, ang LBSCFI ay nakapag-sagawa ng mga libreng serbisyong dental at medikal sa mga residente ng San Antonio noong 2017, Mayondon noong 2018, at BJMP sa Timugan noong 2019. 

Para sa mga updates at karagdagang impormasyon tungkol sa organisasyon, bisitahin lamang ang kanilang official webpage at FB page. Maaari ring makipag-ugnayan sa kanila gamit ang mga sumusunod na contact details: +63523-8440 ([email protected]).

Leave a Reply

Your email address will not be published.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.