Ni: Camille Villanueva
“To protect our family, whatever available vaccine there is, we’re going to take it. Kasi the most effective vaccine is the available vaccine.”
Ani ni Michael Mendoza, apatnapu’t isang taong-gulang na residente ng Los Baños. Kabilang siya sa priority group A3 na kauna-unahang nakapagpabakuna laban sa COVID-19 nitong ika-8 ng Abril.
Si Michael ay may asawa at apat na anak. Noong taong 2014 ay na-diagnose siya ng hypertension stage 1 kaya’t doble na lamang ang kanyang pag-aalala sa bagong bakuna.
Nang dumating ang bakuna sa Los Baños, nabalot ng kaba at pangamba si Michael at ang kanyang asawa. Mula nang una nilang makita sa Facebook ang tungkol sa pre-registration form para sa COVID-19 vaccination, pinag-usapan agad nilang mabuti ito sa paghahangad na mas maging ligtas ang kanilang pamilya laban sa pandemya.
Malaking impluwensya sa pagpapabakuna ni Michael ang kanyang mga anak na mayroong mga allergies na sobra nilang ikinababahala. Ngunit naging malaking tulong sa kanila ang dasal at pagkakaroon ng sapat na kaalaman tungkol sa bakuna.
Ayon kay Michael, maswerte sila na mayroon silang kakilalang microbiologist na nagpaunawa sa kanila kung paano gumagana ang bakuna. Marami mang teknikalidad na maaaring hindi maintindihan ng marami, tumatak sa kanya na sa lahat ng pagpapaliwanag na iyon ng eksperto ay sinasabi nitong makabubuti ang bakuna kahit ano pang brand nito.
Sa araw ng pagpapabakuna niya, nagkaroon ng paunang pagpaparehistro para i-check ang identification ng mga magpapabakuna. May maayos ding social distancing na ipinatupad sa lugar ng paturukan.
Napanatag naman ang kanyang loob dahil sa mahusay na pagtanggap at akomodasyon ng mga healthcare staff doon. Bago ang mismong pagpapabakuna, mayroong counseling station kung saan ipinaliwanag sa kanila kung ano ang posible nilang maramdaman pagkatapos magpabakuna at kung ano ang maaari nilang gawin. Pagkatapos ng pagpapabakuna ay mayroong post-observation na nagtagal sa loob ng 30 hanggang 40 minuto.
Ilang oras matapos niyon, nakaramdam siya ng sobrang pananakit ng ulo at matinding pakiramdam ng pananamlay at pagkapagod. Kasabay nito, nakaramdam din siya ng pananakit sa brasong tinurukan sa kanya. Kaya naman sinubukan niyang maglagay ng cold compress at uminom ng paracetamol. Pagkatapos nito, nakaramdam din siya ng diarrhea na tumagal ng isang buong gabi matapos niya magpabakuna. Pagdating ng ikatlong araw mula nang pagpapaturok niya ay agad na nawala ang mga sintomas at maayos na ang kanyang pakiramdam.
“Yung arm kung saan yung injection, mabigat siya and very painful, so I had to put cold compress. I started drinking paracetamol for headache. Nung gabi, I started to have diarrhea, overnight yun. Tapos bigla lang, all of a sudden, wala na and everything was okay nung pagdating ng third day.” ani niya.
Mensahe sa mga magpapabakuna at hiling para sa mas maayos na serbisyo
Naniniwala si Michael na ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman tungkol sa bakuna ang isa sa nagpatibay ng kanilang loob. “What worked for us was having the right information, like I said we had a microbiologist explain to us how the vaccine works.” ani niya.
Inirerekomenda rin niya para sa iba ang pagbabakuna. Sabi niya, “Kung makakakuha ka, my stand is get vaccinated…For me, lalo na sa akin na may comorbidity, I would rather have mild symptoms. I would rather not have the virus but if it does happen, I would rather have the mild symptoms kaysa doon sa ma-ICU ka kasi hindi ka na makahinga and everything.” Lumamang man ang takot sa kanya bago magpabakuna, mas naging panatag naman ang kanyang loob matapos ang buong proseso nito.
Ang tanging hinahangad lamang ni Michael ay ang mas maigting na information campaign tungkol sa bakuna para maibsan ang takot ng ibang tao.
“Nakakalungkot lang na may mga taong scared. The fear is not because they don’t want the vaccine, but because there’s lack of information. Katulad noon, yung fact na hindi nila alam na merong municipal form na lumabas to register for the vaccine. Yung form [ay] lumabas sa FB, so kung wala silang Facebook, di nila malalaman yung form na lumabas. They won’t get the information that they need. Ayun ang saddening part.” aniya.
Para sa iba pang detalye na gusto ninyong malaman tungkol sa COVID-19 vaccination sa LB, maaari ninyong bisitahin ang official Facebook page ng Municipal Government of Los Baños.