Ulat ni Aaron James L. Villapando
Bilang tugon sa hamon ng Covid-19, planong ilunsad ng Office of the Municipal Agriculturist (OMA) ng Los Baños ang isang mobile application para sa online na pagbebenta at pagbili ng gulay. Planong ganapin ang test run nito sa Mayo, ayon kay Ms. Cheryll T. Laviña-Gonzales, ang Municipal Agriculturist ng bayan.
Naglalayon ang mobile application na tugunan ang pangangailangan sa ligtas at masustansyang gulay ng mga taga-Los Baños at mga karatig na bayan nito sa gitna ng pandemya. “Veggies LB” at “GuLife LB” ang ilan sa mga pinagpipiliang ipangalan sa mobile application. Kapag nailabas na sa publiko, ang mobile app ay maida-download sa smartphones at magagamit upang bumili ng gulay habang ligtas na naghihintay sa tahanan.
Makikita sa mobile app ang presyo ng gulay at magkakaroon rin ng hiwalay na schedule ang pagbili ng organic vegetables at conventionally-grown vegetables. Para sa ilan na hindi ganoong pamilyar sa paggamit ng mga application o walang access sa internet, maaaring mag-text o tumawag sa numerong ibibigay para magamit pa rin ang serbisyo. Maaari namang online o cash-on-delivery ang paraan ng pagbabayad.
“Ligtas ka na sa Covid-19, ligtas pa ‘yung gulay na mabibili mo. Sa presyo naman ay pareho lang sa market pero may additional na delivery charge,” ayon kay Ms. Laviña-Gonzales sa panayam sa kanya ng LB Times.
Ang proyektong ito ay galing sa programang Development of Inclusive and Resilient SNT-based Vegetable Supply Chain for the New Normal ng OMA at ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD), sa pakikipagtulungan ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) at National Crop Protection Center (NCPC).
Isa din sa layunin ng programang ito ay maging ligtas ang mga magsasaka sa gitna ng pandemya at makarating nang ligtas ang kanilang ani sa mga mamimili.
Bumuo ang proyekto ng grupo ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang bahagi ng Los Baño na silang pagkukunan ng mga gulay na ibebenta sa mobile app. Ang mga magsasakang ito na ay dumaan at dadaan sa mga training para sa safe production, packaging, branding at marketing, pest control, at tamang paggamit ng synthetic chemical fertilizers at pesticides para sa conventional farming.
Upang ihanda ang mga kabilang na magsasaka sa pamamahala ng proyekto, isinama sila sa buong proseso ng proyekto. Sumailalim rin sila sa values formation at leadership training. Lahat nito ay kasama sa paghahanda sa turn-over ng proyekto sa kanila sa Oktubre, kung matapos ang gampanin sa proyekto ng mga ahensyang nagsimula nito. Maging ang mga delivery riders ay manggagaling rin sa mga magsasaka o sa kanilang mga pamilya.
Dahil sa mahigpit na quarantine, hindi maituloy ng OMA ang mga training na kanilang isinasagawa para sa implementasyon ng proyekto. Ngunit, kung luluwag na ang quarantine, sila ay magpapatuloy at ilulunsad sa publiko ang mobile app sa darating na Mayo para sa test-run.
Para maging updated tungkol sa mobile app at iba pang proyekto ng OMA, maaaring i-like ang kanilang Facebook page sa OMA Los Baños, at mag-subscribe sa kanilang Youtube channel sa MAO_Los Baños. -AJLV