Isinulat nina: Hanna Grace Acoyong at Maria Beatrice Cantero
Sa huling datos na ipinakita ng World Health Economic Forum (WEF) sa kanilang Global Gender Gap Report 2021, lumalabas na nasa ika-17 na puwesto ang Pilipinas sa halos 156 na bansa sa buong mundo pagdating sa kapasidad na paliitin ang puwang sa pagitan ng mga kasarian sa usapin ng edukasyon, kalusugan, at kaligtasan.
Bagama’t bumaba mula sa ika-18 puwesto kumpara noong nakaraang taon, isa pa rin ang Pilipinas sa mga nangungunang bansa sa Asya at pumapangalawa naman sa rehiyon ng Silangang Asya at Pasipiko, kasunod ng New Zealand na nakuha ang ika-7 puwesto.
Ayon sa nasabing ulat, ang resultang ito ay dahil isa ang Pilipinas sa iilang mga bansa na patuloy na nagpapaliit ng puwang sa gampanin ng kasarian sa aspeto ng posisyon sa organisasyon, at sa propesyunal at teknikal na tungkulin.
Gayunman, sa kabila ng mataas na marka na nakukuha ng bansa sa pagpapanukala ng pantay-pantay na karapatan batay sa mga internasyonal na hakbang at talatuntunan, higit pa rin ang kinakailangan upang mapanatili at mapagtagumpayan ang mga natitirang hamon ukol dito. Sa kasalukuyan, nakikita na nakasalalay sa mga kababaihang lider na yakapin ang katayuan upang maging huwarang modelo at harapin ang mga hamon upang maiangat ang mga kababaihan sa iba’t ibang larangan.
Dahil dito, patuloy na dumarami ang bilang ng mga kababaihan na nagpapatunay na ang kasarian ay hindi sapat na basehan upang maging isang lider. Kabilang dito ang dalawang lider-kababaihan mula sa Laguna na si Fatima “Pinky” Villaseñor at Janine Maica Sampal ng Youth Development Affairs (YDA) na ginagamit ang kanilang mga karanasan, kaalaman, at puso pagdating sa pamumuno sa kanilang organisasyon.
Kwento ng simula
WOMEN FOR THE YOUTH. Nagbabahagi ng karanasan sa harap ng mga grupo ng kabataan si Pinky Villaseñor, kasalukuyang head officer ng Youth Development Affairs Office ng Laguna, sa ginanap na Synchronized Evaluation and 1st Quarterly meeting ng Association of Local Youth Development Officers sa Calamba City, Laguna. (Larawan mula sa Laguna Youth Development Affairs Facebook Page)
Bilang kasalukuyang namumuno sa YDA ng Laguna, ibinahagi ni Pinky Villaseñor na hindi na bago sa kanya ang konsepto ng leadership. Sa kanyang pagbabalik-tanaw, isinalaysay niya na noong siya ay nasa kolehiyo pa lamang, aktibo na siya sa pakikilahok sa ilang mga organisasyon sa unibersidad at sa kaniyang komunidad.
Bilang noo’y estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB), ikinuwento ni Pinky na siya ay naging college representative ng Kolehiyo ng Arte at Agham at naging isang lider din noon ng grupo ng kabataan sa kanilang lugar.
Ayon sa kanya, ang kanyang karanasan mula noong kanyang kabataan ang humubog sa kanyang katangian bilang lider ng YDA sa kasalukuyan. “Studying at UPLB built my leadership qualities as well as my self confidence to lead and harness my abilities para mag-head ng mga different sectors or offices [Ang pag-aaral ko sa UPLB ang humubog sa aking kakayahan bilang isang lider pati na rin ang kumpiyansa sa aking sarili na mamuno sa iba’t ibang mga sektor at opisina],” ani Pinky.
ON THE JOB. Ipinakikilala ni Janine Sampal, kasalukuyang Assistant Unit Head ng Project Implementations Unit ng Youth Development Affairs Office ng Laguna, ang mga bagong halal na Provincial Junior Officers sa pagdiriwang ng Youth Week. (Larawan mula kay Janine Sampal)
Iba naman ang naging kuwento ni Janine Maica Sampal, kasalukuyang Assistant Unit Head ng Program Implementations Unit ng YDA. Sa kanyang pagbabahagi, nabanggit niya na ang pagiging lider sa nasabing organisasyon ay hindi agad pumasok sa kanyang isip.
Matapos makumpleto ang kanyang degree sa Bachelor of Science in Cruise Line Operations in Culinary Arts, inakala ni Janine na iikot na sa pagluluto ang kanyang magiging propesyon. Ngunit matapos ang ilang taon sa pagtatrabaho, nakita niya na malaki ang hindi pagkakapantay-pantay ng kalalakihan at kababaihan sa larangan na kanyang pinasukan.
“There was this one time na inutusan ako na kumuha ng mga ingredients and equipment. Tapos siyempre natagalan ako kasi ang bigat at mahirap talaga. Tapos sabi sakin, ang bagal-bagal mo kumilos, ganyan talaga yung mga babae. So doon ko narealize na baka hindi talaga para sa akin ang work na to,” ani Janine.
Sa panahong iyon niya napagdesisyunan na tumigil sa trabaho at subukan ang public service. Ayon pa sa kanya, pumasok siya sa gobyerno na hindi iniisip na magiging para sa kanya ang nasabing larangan. “Not until na-experience ko na mag-reach out sa community and makatulong sa ibang tao. Doon ko nasabi na parang ito ang passion ko at ito ang gusto ko para sa sarili ko,” banggit ni Janine.
Pagkakaiba sa istilo ng pamumuno
Ayon sa Philippine Commission on Women (PCW), binubuo ng mga kababaihan ang halos kalahati ng populasyon ng bansa, ngunit sa kabila nito, 2 sa 10 lamang ang mga kababaihan na nakaupo sa mga posisyon sa larangan ng serbisyo publiko.
Bagama’t hindi maikakaila na mahalaga pa rin ang pakikilahok ng mga kalalakihan sa paggawa ng mga batas at programa na tumutugon sa kasarian, hindi nito palaging ganap na napangangatawanan ang interes ng mga kababaihan lalo na kung isasaalang-alang ang kanilang pangangailangan, mga isyu, pakikisalamuha, at karanasan. Kaya naman sa ganitong aspeto, mahalagang bigyang-pansin ang pagkakaroon ng mga kababaihang lider sa mga organisasyon.
Ayon kina Pinky at Janine, may mga natatanging katangian ang mga kababaihan na makabuluhan pagdating sa usapin ng leadership. Sa tanong na kung anu-ano ang mga katangiang ito, parehong sinabi ng dalawa na ang pagkakaroon ng puso at emosyon ang dahilan kung bakit epektibong mga lider ang mga kababaihan.
“Hindi ko sinasabi na hindi naiintindihan ng mga kalalakihan, pero to me we have this ‘may puso’ pagdating sa programa. I believe kasi na malaking bagay para sa akin ‘yung developmental approach. Hindi siya one shot deal. Gusto ko na nakikita ko na nag-grow ang mga beneficiaries ng mga programa,” ani Pinky.
Ibinahagi ni Pinky na kasabay ng pagkakaroon ng puso ay ang pagtiyak na sustainable ang mga programang hatid ng YDA. Ayon sa kanya, ang ibig sabihin ng puso para sa mga kabataan ay ang paninigurado na ang bawat gawain ng kanilang organisasyon ay hindi lamang basta para may maisulat sa mga accomplishment report, sinisigurado nila na ang bawat programa ay magdudulot ng makabuluhang epekto sa buhay ng bawat kabataang kanilang naaabot.
Ayon naman kay Janine, ang pagpapakita ng emosyon ng mga kababaihan ay hindi dapat makita bilang isang kahinaan. Aniya, mahalaga na naipapahayag ng isang lider ang kanyang nararamdaman sa proseso ng decision making dahil bahagi ito ng effective communication na kinakailangan sa bawat organisasyon.
“Sa tingin ko kasi, tayong mga kababaihan, we are a transformational kind of leader. Hindi lang tayo naka pokus sa goal or objective pero we also focus sa personal development natin…Importante siya kasi masasabi ko na pag may ganitong klaseng connection sa tao, mas madali mo silang makuha yung loob nila,” dagdag ni Janine.
Pagpapanatili ng gender equality
Masayang ibinahagi ng dalawa na sa kanilang organisasyon ay pantay ang pagtingin sa mga kalalakihan at kababaihan. Inamin nila na talagang mas marami ang mga lalaki kumpara sa mga babae sa kanilang organisasyon ngunit kanila ding iginiit na hindi ito ang kanilang tinitingnan pagdating sa trabaho.
Ayon kay Pinky, kapasidad at kasanayan dapat ang unang tinitingnan sa tuwing mag-aatas ng trabaho, hindi ang kasarian ng tao. “Hindi ko sila tinitingnan as babae at lalaki, but as mga staff na capable na magtrabaho at gawin yung mga trabaho na ibinibigay sa kanila. Ang ginagawa ko kasi, it’s their own choice. Sila mismo yung pumipili at nagsi-step up when it comes to handling programs,” aniya.
Para naman kay Janine, nakikita niya na ang kakulangan ng isa ay pagkakataon upang makita ang pagtutulungan sa kanilang organisasyon. Aniya, “Sa organisasyon kasi namin, kung ano iyong pagkukulang ng isa, tulong-tulong kami na punan kung ano iyong mga kakulangan namin. Kasi kahit silang mga kalalakihan, instead of focusing on the gap dahil lalaki siya o babae ako ganyan, we focus on how we uplift each other up.”
Paghubog ng mga susunod na kababaihang lider
Sa kasalukyan, may mga programa ang YDA na nakasentro sa pangangalaga ng mga karapatan ng kababaihan. Isa na rito ang paghasa ng kamalayan sa epekto ng maagang pagbubuntis at sekswal na pang-aabuso sa mga kabataang babae.
Dagdag dito, mas hinihikayat din ng organisasyon na sumali ang mga kababaihan sa mga youth groups sa kanilang mga komunidad. Ipinagmamalaki nila na dumarami ang mga kabataang babae na pinipiling maglingkod para sa iba. Ayon sa kanila, karamihan sa mga lider-kabataan na ito ay nasa iba’t ibang larangan na at patuloy pa ring isinasabuhay ang mga aral na natutunan nila sa YDA.
Sa tanong na paano maiaangat ang mga kabataang babae na gusto maging isang lider balang araw, sagot ni Janine, “Everytime din na nagto-talk ako, lagi ko silang ini-insipire na laging maniwala sa sarili nila. Always remember that leadership is not gender specific. Don’t see it as a hurdle but instead as a motivation. Since male dominated talaga tayo dahil sa male leaders, see it as an opportunity to stand out. It’s time to really prove ourselves na marami din tayong kayang gawin at kaya din natin maging lider mismo.”
KABATAAN ANG KINABUKASAN. Isa sa mga programa ng Youth Development Affairs ang pagsasagawa ng ilang mga leadership- at team-building seminar kasama ang mga kabataan sa iba’t ibang paaralan sa probinsya ng Laguna.
Dagdag pa rito, sinabi rin ni Janine na mahalaga ang pagmulat sa sarili sa pamamagitan ng karanasan. Ayon sa kanya, hindi natatapos sa apat na sulok ng paaralan ang pagkatuto, mahalaga na lumabas din dahil doon tunay na natututo ang tao.
Pangalawa, be yourself. Mahalaga na ipakita ng isang lider kung sino at ano ka dahil dito, ayon sa kanya, ka tunay na nararamdaman ng mga tao. Para sa kaniya, hindi madaling lokohin ang mga tao at alam nila kung ano ang peke sa totoo.
Ikatlo, nag-iwan siya ng paalala na leadership has no gender.
Ikaapat, iginiit niya na pinakamahalagang katangian ang pagkakaroon ng integridad. Paalala ni Janine na hindi dahil nakikita na ginagawa ng iba ay dapat na rin gawin ng isa, lalo na kung ito ay hindi nakabubuti.
Ayon naman kay Pinky, nakatulong sa kanya ang pagdarasal. Inamin niya na sa larangan na kanilang ginagalawan, talagang mahirap makamit ang posisyon ng pagiging isang lider. Aniya, kailangang patunayan sa iba ang kakayahan mo bilang isang babae at naging mahalaga ang pagdarasal sa kaniya upang magkaroon siya ng lakas, kaalaman, at karunungan na magawa ang mga bagay bilang isang lider.
Kinabukasan para sa mga susunod na lider-kababaihan
Ayon sa United Nations Women, ang pagkakaroon ng pantay na pakikilahok at pamumuno ng mga kababaihan sa aspeto ng pulitikal at pampublikong usapin ay mahalaga upang makamit ang Sustainable Development Goals na una nang pinagkasunduan ng mga lider sa buong mundo.
Kung susuriin, kritikal ang papel ng mga kababaihan upang mapaunlad ang bawat bansa sa mundo. Ayon sa PCW, dapat ay mayroong espasyo ang boses ng mga kababaihan pagdating sa pagdedesisyon ng mga polisiya hinggil sa kanilang mga kapakanan.
Para sa mga batang babae na nagnanais maging isang lider balang araw, si Janine ay nag-iwan ng isang payo, “We really have to break that traditional glass ceiling na lalaki lang talaga yung may kakayahan o ang lalaki lang ang pwedeng mamuno sa atin. Kung ii-inspire talaga natin sila [kabataan] na we can also do these things, women can lead an organization too.”
Sa panahon kung saan patuloy na ginagawang batayan ang pagiging isang babae sa iba’t ibang isyu ng lipunan, ang mga kababaihang lider tulad nina Pinky at Janine ang palatandaan na maraming maihahatid na ideya at solusyon ang mga kababaihan. Bilang mga pinuno na nagsisilbi sa mga kabataan, patuloy silang humihikayat ng iba pa na iparinig ang kanilang tinig at ipagmalaki ang kanilang kasarian dahil kailangan sila para makamit ang kaunlaran.
Ang kwento nina Janine at Pinky ay isang paalala na hindi lamang sa bahay ang lugar ng mga kababaihan dahil kaya din nilang punan ang matataas na posisyon sa gobyerno, negosyo, at lalong higit sa serbisyo publiko.