Tinalakay kung papaano gagawing ligtas na espasyo — o safe space — ang komunidad ngayong pandemya sa Safe Spaces in the New Normal: Fostering VAW-Free Virtual Learning and Working Environments, isang webinar na pinangunahan ng UPLB Men Opposed to Violence Against Women Everywhere (MOVE) ng UPLB Gender Center noong 29 November 2021 na ginanap sa Zoom. Katuwang dito ng UPLB MOVE ang Gender and Development Office ng Municipal Government of Los Baños.
Ang aktibidad na ito ay naka-angkla sa 18-Day Campaign to End Violence Against Women (VAW) na may temang Filipino Marespeto, Safe Spaces Kasama Tayo na pinangungunahan sa buong bansa ng Philippine Commission on Women (PCW). Layunin nitong suportahan ang mga polisiya ng gobyerno hinggil sa pagprotekta sa karapatang pantao ng mga kababaihan. Ito ay ginaganap taon-taon tuwing ika-25 ng Nobyembre hanggang ika-12 ng Disyembre.
Mula sa Municipal Government of Los Baños
Ibinahagi ni Bb. Karen Lagat-Mercado, ang gender and development officer ng munisipyo, ang kanilang mga programa upang engganyohing makilahok sa kampanya kontra karahasan sa kababaihan ang mga kalalakihan ng Los Baños. Ilan sa mga ito ang ay ang pagtatag nila ng sarili nilang MOVE chapter na kinabibilangan ng mga sektor na maraming kalalakihan, katulad ng sektor ng transportasyon. Nagsasagawa rin sila ng education campaign, katulad ng seminars at pamimigay ng leaflets, na naglalayong mapataas ang kamalayan ng miyembro ng MOVE ukol sa Safe Spaces Act.
Binahagi niya rin ang pakikipag-ugnayan ng munisipyo sa sektor ng LGBTQI+ upang isulong ang paglaban sa karahasan, hindi lamang sa mga kababaihan, kundi sa iba pang mga kasarian upang maging ligtas na espasyo ang bayan ng Los Baños para sa lahat.
Samantala, tinalakay naman ni G. Miguel Victor Durian, ang vice president ng UPLB MOVE, ang gampanin ng mga kalalakihan sa pagsugpo sa karahasan sa kababaihan. Ibinahagi niya ang aktibong pakikilahok ng mga kalalakihang kawani ng UPLB na sila mismong nangunguna sa paglulunsad ng mga programa kontra karahasan sa kababaihan, katulad ng mga pagkilos sa kampus at mga training para sa mga kapwa nilang lalaking kawani.
Isa pa sa mga panauhin sa webinar ay si Bb. Ann Angala, ang tagapagtatag ng InThePink, isang pagkilos na naglalayong protektahan ang mga karapatan ng kababaihan. Tinalakay naman niya ang mga konsiderasyon kinakailangan upang maituring na ligtas ang cyberspace, pati na rin ang pisikal na mga espasyo.
Nagbigay rin ng manayam si Bb. Sairah Mae Saipudin mula sa UPLB-GC tungkol sa Safe Spaces Act at si G. Renato Dumagco Jr. mula sa UPLB Office of Anti-Sexual Harassment tungkol naman sa UP Anti-Sexual Harassment (ASH) Code.
Mula sa UPLB Gender Center
Maliban sa mga webinar na ito ay naglunsad rin ang UPLB-GC ng isang serye ng mga webinar para sa komunidad ukol sa mga batas ukol sa gender-based sexual harassment noong Nobyembre 29 at Disyembre 6.
Tinalakay ni Dr. Emilia A. Lastica-Ternura, ang OASH coordinator, ang UP ASH code, RA 9710 (Magna Carta of Women), at RA 7877 (Anti-Sexual Harassment Act). Samantala, tinalakay naman ni Atty. Jorge S. Davide, Jr., ang tagapangulo ng UPLB Student Disciplinary Tribunal, ang RA 8353 (Anti-Rape Law), RA 9262 (Anti-Violence Against Women and their Children Act), at RA 11313.