Ang balitang ito ay pangatlo sa tatlong ulat na nagbibigay konteksto para sa #Halalan2022 sa Los Baños, Laguna.
Ulat ni Marjorie Delos Reyes
Noong Marso 30, itinala ng Commission on Elections (COMELEC) ang pinakamataas na bilang ng mga rehistradong botante sa kasaysayan ng Los Baños.
Kumpara sa 58,360 rehistradong botante noong 2016 National and Local Elections, ang bilang ng mga rehistradong botante sa bayan ngayong taon ay umabot sa 71,941. Sa madaling salita, mayroong 13,581 botante ang nadagdag ngayong 2022.
Ang registration period para sa Halalan 2022 ay nagsimula noong ika-20 ng Enero 2020 at nakatakdang magtapos noong ika-30 Setyembre 2021. Gayunpaman, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Republic Act 11591 upang dagdagan pa ng 30 araw ang pagpaparehistro ng mga botante. Ito ay matapos ipahayag ng mga mambabatas ang naging epekto ng COVID-19 at pagbaba ng quarantine measures sa nagdaang anim na buwan ng voter’s registration. Nagtapos ang registration period noong ika-30 ng Oktubre 2021.
Ibinahagi naman ni Gng. Katherine Anne Ermita, Acting Election Officer, ang ilang pagbabago sa voting process dulot ng pandemya. “Nadagdag ang social distancing kaya nami-minimize ang dami ng tao na maaaring magparehistro. Ang mga reactivation [pagpaparehistro muli ng mga dating botante] na proseso ay maaari na ring online na lamang ipasa,” aniya.
Upang matiyak ang pagtaas ng bilang ng mga rehistradong botante, iginiit ni Ermita ang kahalagahan ng pagpapakalat ng balita ngayong pandemya. pahayag nito.
Bilang ng mga Rehistradong Botante sa bawat Barangay ng Los Baños
Itinalaga ang Brgy. Mayondon bilang may pinakamaraming botante ngayong taon, kung saan 11,084 ang kabuuang bilang ng mga rehistradong botante. Sa kabilang banda, ang Brgy. Baybayin ang may pinakamababang bilang ng mga botante kung saan 1,222 lamang ang naitalang nagparehistro sa nagdaang registration period. Ayon kay Ermita, malaking salik ang paglobo ng populasyon sa Brgy. Mayondon upang tumaas ang bilang ng mga rehistradong botante mula sa lugar na ito.
Narito naman ang datos ng bilang ng mga rehistradong botante sa bawat barangay sa Los Baños:
BARANGAY |
BILANG NG MGA REHISTRADONG BOTANTE |
Baybayin |
1,222 |
Anos |
5,153 |
Mayondon |
11,084 |
Bayog |
6,780 |
Malinta |
4,372 |
San Antonio |
7,367 |
Maahas |
5,006 |
Putho-Tuntungin |
5,991 |
Bagong Silang |
542 |
Batong Malake |
8,770 |
Timugan |
3,913 |
Lalakay |
3,328 |
Tadlak |
2,468 |
Bambang |
4,812 |
Ang datos na ito ay ibinigay ng Commission on Elections (COMELEC) ng Region IV-A Los Baños, Laguna noong ika-30 ng Mayo, 2022.
Para sa karagdagang impormasyon at mga updates ukol sa #BantayHalalanLaguna2022, maaaring bumisita sa Official Facebook Page ng munisipyo ng Los Baños (https://www.facebook.com/elbilagunaph) at ang Official Facebook Page ng LBTimes (https://www.facebook.com/lbtimesph).
Related Articles
Alamin Ngayong LB Halalan: New normal ng Halalan 2022, pinaghahandaan na ng San Antonio ES