Mithiing Los Bañense

Ulat ni Rainielle Kyle Guison

Bawat botante ay may tungkuling kilalanin ang mga kandidatong tumatakbo sa kani-kanilang mga lugar–mapa-pagdalo sa kampanya, sariling pananaliksik, o pakikipagkwentuhan sa ibang botante. Ngunit kasama nito, importante rin na kilala ng residente ang bayang tinitirhan nila.

Sa darating na eleksyon sa Mayo 9, pipili na naman ang taumbayan ng mga lider na nais nilang iluklok sa pwesto upang pagsilbihan ang kanilang bayan. Kalakip nito ay ang mga pagbabago na dala ng mananalong kandidato at mga mithiing nais matupad ng mga mamamayan.

Ang Iba’t Ibang Mukha ng Los Baños

Hindi na bagong marinig na ang hiling ng mamamayan ay kaunlaran, ngunit bawat sektor ay may sari-sariling hangarin na nais nilang matupad sa mga darating na linggo, buwan, at taon.

Mga Tricycle Driver

Isa na rito si Raymond Antonio, 38, isang tricycle driver ng MBMSBTODA. Ayon kay Antonio, may magagandang bagay naman na naihatid ang munisipalidad ng Los Baños (LB) sa kanilang mga tricycle driver lalo na noong nagkaroon ng pandemya.

ABANG-ABANG MUNA. Naghihintay ang mga tricycle driver ng MBMSBTODA ng mga pasahero sa sakayan ng Brgy. Mayondon. Kuha ni Rainielle Kyle Guison.

“Siguro yung pagbibigay nila minsan ng tulong, ayuda, ganun. Minsan may mga bigas, pang-ulam, kahit papaano nakakatulong,” pahayag niya. Gayunpaman, hindi naipagkaila ni Antonio na malaki pa rin ang pangangailangan nilang mga tricycle driver lalo na’t mataas pa rin ang presyo ng gasolina kasabay pa ng mahina na pamamasada.

Ganito rin ang mga saloobin ni Roel Amparo, 50, mula sa MBMSBTODA, nang tanungin tungkol sa kanyang karanasan bilang isang tricycle driver.

Sa pagpapalit ng administrasyon ng LB, hangarin nila na masolusyunan na ang traffic sa interseksyon sa may San Antonio. Hiling din nila na bumaba na ang presyo ng gasolina at ng pagrerenew ng prangkisa.

Mga Mangingisda

Sa kabilang banda, nariyan din ang mga mamamayan na pangingisda ang pangunahing pinagkakakitaan. Dahil sa epekto ng amihan, kasalukuyang mahina ang huli ng mga mangingisda, ngunit hindi lang ito ang problemang dinaranas ng Samahan ng mga Mangingisda ng Los Baños, Inc.

“Natutulungan naman kami ng PESO (Public Employment Service Office) sa pamamagitan ng pagkuha ng pondo sa DOLE… Pero hindi kami nirerecognize ng MAO (Municipal Agriculture Office).”

Ayon sa secretary ng samahan na si Arsenio Mesa, 76, nababaan na sila ng PESO ng humigit-kumulang 4.5 milyong piso bilang puhunan sa mga proyekto nila kagaya ng tilapia hatchery, fiber glass boat for tourism, at fish processing facilities.

Gayunpaman, minimithi ng samahan na opisyal na rin silang kilalanin at suportahan ng munisipyo para mas mapagbuti pa ang kalagayan ng mga mangingisda sa bayan.

Mga Senior Citizen

Sa sektor naman ng mga senior citizen, magaganda ang mga karanasan ni Merlita Felismino, 67, mula sa Brgy. Batong Malake. Isa na rito ay ang ayuda na natanggap niya dahil sa pandemya at nang pumanaw ang asawa nya.

Nang tanungin siya kung ano ang pangarap niya para sa mga senior citizens ng bayan, inihayag niya na sana ay mabigyan din ng ayuda ang ibang senior citizens. “Sana rin, ang magandang mangyari para sa mga senior, hindi na nila [LB] hintayin yung umaabot ng 100 years old para bigyan ng ano [incentive] dahil hindi naman karamihan ay umaabot sa ganung edad. Dahil yung time na yun, mga 75 ganun, yun ang kailangan ng mga senior, pambili ng gamot, ng maintenance.”

Mga Kababaihan

Para sa mga kababaihan, inihayag ni Danica Salcedo, 21 at naninirahan sa Brgy. Tuntungin-Putho, na wala siyang masyadong gender inequalities na nakikita sa LB. 

“Mayroong mga programa and projects ang mga LGUs ng Los Baños para sa mga kababaihan at makikita naman na mayroong inclusivity dahil may mga programs para sa mga babaeng may kapansanan. Mayroon ding mga pagraraise ng awareness hinggil sa violence against women,” ani nya.

Ganito man ang sitwasyon ngayon, may mga hindi magandang karanasan pa rin si Salcedo noong siya ay nasa high school kagaya ng verbal sexual harassment. Kaya naman ang mithiin niya para sa mga kababaihan ng LB, magkaroon ng “genuine platforms kung saan mapakikinggan at makapagbabahagi ang mga kababaihan tungkol sa mga isyu na kinakaharap nila.”

Pangarap din niyang magkaroon ng malawakang educational campaigns tungkol sa mga isyu ng kababaihan para sa lahat ng sektor ng lipunan.

Mga Mag-aaral

Kasama rin sa mga mamamayan ng LB ang mga mag-aaral na kolehiyo, lalo na’t itinuturing din ang bayan na isang university town. Nang lumipat sa remote learning ang mga paaralan, naging mas mahirap ang pag-aaral para sa mga estudyante. Kasama sa mga naapektuhan ay si Aisaac Sarmiento, 21, isang mag-aaral sa University of the Philippines – LB na taga-Brgy. Timugan.

Una, of course, events are limited. Secondly, yung issue ng internet since Los Baños is not immune naman from laggy internet connection ganon. Even if the campus provides free internet, at the peak of the virus, students are not allowed to enter the premises naman,” ani Sarmiento ukol sa epekto ng pandemya sa pag-aaral niya.

(“Una, syempre, limitado yung mga kaganapan. Pangalawa, yung isyu ng internet dahil hindi naman maiiwasan ang mabagal na koneksyon. Kahit pa may libreng wifi connection sila sa campus, hindi naman pwedeng pumasok ang mge estudyante noon.”)

Pahayag naman ni Aaron Paul Landicho, 23, isang mag-aaral din ng UPLB at Batangueño na kasalukuyang naninirahan sa LB, “nalimitahan na rin ang mga espasyo at oras kung saan maaaring mahasa ng bawat mag-aaral ang kanilang mga kakayahan dulot ng mga restriction na kasama ng pandemya.”

KAILAN MAGBABALIK-ESKWELA? Kasalukuyang naninirahan si Aaron Paul Landicho sa isang apartment malapit sa UPLB para tapusin ang kanyang thesis. Kuha ni Rainielle Kyle Guison.

Minimithi nina Sarmiento at Landicho na sa pagkakaroon ng mga bagong lider ng LB ay may pagpapalit din ng sistema kung saan may libre, accessible, at inklusibong edukasyon para sa masa. Dagdag pa rito ay ang madaling proseso para sa mga mag-aaral na nagnanais na makabilang sa limited f2f setup.

Pangarap para sa Hinaharap

Sa mga mithiing inilahad ng ilang Los Bañense, maaaring magkaroon ng ideya ang mga kandidato kung ano ang dapat nilang pagtuunan ng pansin kung sila man ay manalo. Importante ang pagkakaroon ng konsultasyon sa taumbayan lalo’t higit sila ang pangunahing maaapektuhan sa mga pagbabagong darating sa kanilang sektor.

Bukod pa rito, ang mga pangarap ng bawat indibidwal ay hindi lamang para sa kanilang sarili bagkus ay para rin sa mga mahal nila sa buhay at sa sambayanang Pilipino. 

“Para sa mga kabataan [ang boto ko]. Ang isip nating matatanda ay iba na rin. Mas maganda yung inaadhika ng mga kabataan ngayon. Mas alam ng mga kabataan kung ano ang dapat [na suportahan],” ani Felismino nang tanungin siya kung para kanino ang boto nya.

Sa darating na eleksyon, boboto sina Antonio, Amparo, Mesa, Felismino, Salcedo, Sarmiento, at Landicho na may pag-asang matutupad ang mga mithiin nila. Ang mga hiling ng mga Los Bañense ay hindi naman magbabago sinumang manalo kung kaya’t ang pinaka-importanteng tandaan ng bawat isa ay ang bumoto para sa bayan, hindi lamang para sa kandidato.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.