Ulat nina Karen Amarilla at Kate Abulad
(Ang lathalang ito ay pangalawa sa limang parteng serye ng Kwentong F2F na nagbibigay-konteksto sa kalagayan ng mga estudyante, guro, mga magulang, at paaralan ngayong pagbabalik-eskwela)
Isang buwan matapos buksang muli ang mga paaralan para sa limitadong face-to-face classes, ikinuwento ng ilang mga estudyante mula elementarya, hayskul, at kolehiyo, ang kanilang mga naging karanasan sa pagbabalik eskwela.
Ibinahagi nina Ivan Aaron Marasigan, isang grade 10 student mula Los Baños Integrated High School at ni Jian Kathlyn Padrid, isang second year B.S. International Culinary Management student mula sa Lyceum of the Philippines, Laguna, at Phillix Lavigne Amante, grade 4 student mula sa Morning Star Montessori School Inc, ang kanilang mga naging karanasan at mga hamong kinaharap sa muling pagbubukas ng paaralan.
Dahilan kung bakit sumailalim sa face-to-face classes
“Nakita ko yung struggle ng isang culinary student. Kasi kahit magbigay sila ng standard recipe, sometimes iba pa rin talaga yung lasa. So natututunan mo nga yung skill pero hindi mo naman namamaximize yung effort ng nagtuturo sa iyo,” ito ang naging pahayag ni Jian Padrid, isang B.S. International Culinary Management student mula Lyceum of the Philippines, Laguna, sa kanyang naging rason kung bakit pinili niyang maging parte sa pagbabalik-eskwela.
Ang kursong culinary ay isang skill-based na kurso kung saan kinakailangang may pisikal at praktikal na pagsasanay ang mga estudyante upang mahasa ang kanilang kakayahan sa pagluluto at paggamit ng iba’t-ibang kagamitan sa loob ng kusina. Kung kaya’t kahit na may mga online demonstration lectures na ibinibigay at ipinapaliwanag ito nang mabuti ng kanilang mga guro, mas mainam pa rin para kay Jian ang makatungtong sa kusina at personal na maranasan ang pagluluto, at magamit nito ang pasilidad ng kanilang paaralan.
Samantala, para kay Ivan, isang grade 10 high school student mula sa Los Baños Integrated High School, nag desisyon syang mag face-to-face classes dahil nahihirapan na siyang mag modular classes sa kanilang tahanan. Mas pinili nya ito dahil ayon sa kanya ay may mga tanong sa kanilang module na kinakailangang bigyan pansin ng kanilang mga guro. Dagdag pa nya na mas nakakapag-concentrate sya sa kanyang pag-aaral kapag may nagtuturo sa kanya. “Kaya nag decide po akong mag face-to-face, kasi mas natutunan at naibabalik ko po yung mga sagot ko sa modular,” dagdag pa nya.
Para naman kay Phillix na isang estudyanteng elementarya sa Morning Star Montessori School Inc., minabuti niyang sumabak muli sa limitadong pisikal na klase dahil sa interaksyong nakukuha niya sa kanyang mga guro at mga kaklase. Dagdag pa niya, “ the face to face classes were more fun because we had hands-on experience”.
Mga requirements na kailangan para makapag face-to-face classes
Sa kabilang banda, naibahagi ni Jian na bago sumailalim ang estudyante sa face-to-face classes, kinakailangang fully vaccinated at may Philhealth o kahit anong health insurance sila na covered ang Covid-19. “Hindi katulad noong dati na kapag lunch time ay pwede kaming kumain sa labas,” aniya, sapagkat kapag nakapasok ka na sa unibersidad ay hindi na maaaring lumabas hanggat hindi pa tapos ang klase.
Samantala, sila rin ay kinakailangang nakasuot ng gloves at magdala ng sariling kagamitan sa tuwing papasok sila sa loob ng kusina upang maiwasan ang transmission. Ayon din kay Jian, may mga basic health kit katulad ng alcohol at disinfectant na ibinibigay sa kanila ang unibersidad.
Pagdating naman sa binibigyang prayoridad ng unibersidad upang makapag face-to-face classes, mga third year student at mga estudyanteng magsisipag-internship palang ang mga pinapayagang makibahagi dito. Ngunit, “dahil yung program namin ay parang special program sya ng culinary institute, so kahit second year palang kami ay nag face-to-face na kami.” saad ni Jian.
Para naman kay Ivan, tanging vaccination card at permiso ng magulang lamang ang hiningi sa kanila ng eskwelahan, kung saan nakasaad sa parental consent na pinahihintulutan si Ivan na lumahok sa face-to-face classes. Bukod pa rito, nakalagay din sa consent kung sino-sino ang mga estudyanteng magpapatuloy sa modular o sasailalim na sa face-to-face classes.
“Nagtanong kasi yung teacher po namin kung sino daw po yung gustong sumali sa face-to-face. Tapos tinanong ko po kung ano yung mga gagawin. At kung merong dadalhin na gamit o may mga school supply ba na kailangan,” pahayag pa nya.
Sa kabilang banda, wala namang gaanong nai-kwento si Phillix patungkol sa requirements nila sa paaralan bukod sa pagsusuot nila ng face masks sa loob ng silid-aralan.
Karanasan matapos ang isang semestre ng face-to-face classes
“Masaya naman sya, kasi syempre pag culinary student ka aabangan mo yung kitchen experience talaga. Tapos isang sem lang kaming nag face-to-face. Kumbaga kung ano lang yung kailangan naming i-practical, yun lang yung nag face-to-face kami,” ganito inilarawan ni Jian ang kanyang naging karanasan matapos ang isang semestreng pagbabalik eskwela.
Ayon pa sa kanya, nahirapan siyang mag-adjust sa kanyang routine dahil kung dati ay 7:30 am ang kanyang online classes at gumigising siya nang 6:40 am at tapos na nyang ayusin ang sarili, ngayon ay kinakailangan na niyang baguhin iyon upang hindi siya maabutan ng traffic sa biyahe papasok sa eskwelahan nya.
“Pero overall, masaya sya lalo na yung experience na nasa loob ka na ng kitchen kasi di mo yun makukuha sa online eh. Iba talaga yung difference, ewan ko kung paano ko ieexplain, pero yung difference kasi ng mag-isa ka lang sa bahay na nagluluto compared sa team kayo sa loob ng kitchen.” giit pa nya.
Pagdating naman sa naging interaksyon nya sa kanyang mga kaklase, iginiit ni Jian na wala nang masyadong awkwardness na naganap sa pagitan nila dahil isang taon na silang magkakasama sa online classes at aniya’y parang nagkaroon na sila ng close relationship sa isa’t-isa. “Pero syempre every time na nagka-class kami, parang masusurprise ka kasi parang may something new dun sa person na yun, kasi iba parin yung interaction na nagkikita kayo compared dun sa online lang,” dagdag pa nya.
Samantala nagpahayag si Jian ng kanyang saloobin tungkol sa positibo at negatibong karanasan niya sa face-to-face classes. Ayon sa kanya, nakaramdam sya ng pangambang baka may Covid o sintomas ng Covid-19 ang kanyang mga kaklaseng nakakasalamuha. Dagdag pa nya na kahit nasa 50% capacity lang ang pinayagang mag face-to-face, hindi pa rin sya nakakasigurado dahil marami sa kanyang mga kaklase ang nagmula sa iba’t-ibang lugar.
“So feeling ko yun yung negative factor nya, kasi para sa peace of mind mo na… kung safe ka ba or hindi. Pero yung positive, feeling ko nakuha ko talaga yung tamang skills na kailangan kong matutunan dun sa practical side na inaaral ko.” pahayag pa nya.
Sa kabilang banda, nang tanungin sya kung angkop o hindi angkop ang pagkatuto sa face-to-face classes kumpara sa online, giit nya na hati ang kanyang opinyon ukol dito. Sa kadahilanang may mga classes naman na maaaring kunin sa online, at naka depende daw ito sa disiplina ng taong gustong matuto, at sa age group ng isang indibidwal.
Halimbawa, para sa kanya, mas mainam na mag face-to-face ang mga bata dahil mahina ang kanilang attention span at mas mabibigyang atensyon ito kapag nasa face-to-face classes na sila. “Pero for me, gusto ko parin yung f2f, kasi doon ka nakaka-interact ng mga tao, especially dun sa courses ko na sobrang kaunti lang ng mga subjects, so parang okay lang na online.
Basically parang mga general subject ko lang yung ok lang na online. So for me, mas gusto kong mag f2f, kasi skill-based yung tinatake ko. Parang yun talaga yung target nya na matutunan mo siya na may nagtuturo sayo,” kuwento pa nya.
“Dahil nga po nasa pandemic tayo, hindi po sya katulad nung dati na nasa 60 plus po kami per room, ngayon po is nasa 20 per room po. Then, nasusunod parin po dito yung social distancing,” ito ang naging tugon ni Ivan patungkol sa karanasan niya sa face-to-face classes. Dagdag pa nya, kung ano ang binigay na module sa kanila iyon din ang itinuturo sa kanila. “Pero may dinadagdag din po sila para kahit papaano daw po ay madagdagan daw po yung kaalaman namin,” saad pa nya dito.
Sa kabilang banda, naibahagi rin ni Ivan na kung dati ay sa blackboard isinusulat ang mga lectures nila, ngayon ay gumagamit na sila ng laptop at monitor upang doon na lamang basahin ang mga lectures nila. Idinagdag rin nya na nakaramdam sya ng hirap dahil malaki ang naging adjustment na ginawa nya mula modular learning papunta sa face-to-face classes. “Like diba po pag sa modular, anytime pwede po natin siyang sagutan. Pero hindi po tulad ngayon sa face-to-face ay maaga ka na pong gigising at mag susubmit ng paper. Na-adjust din po yung oras ko sa pagsamba,” saad nya.
Bukod pa rito, naging hamon din para kay Ivan na masagutan at maibalik agad ang kanilang mga gawain sa eskwelahan. Kung sa modular classes ay mas mahaba ang naibibigay na oras sa kanila, ngayong nag face-to-face classes na ay umikli ang palugit na binigay para sa pagkumpleto ng kanilang mga requirements sa eskwelahan. Naging hamon din ang limitadong interaksyon nya sa kanyang mga kaklase. “Di po kasi kami pwedeng maglapit kasi may naikot pong teacher na chinecheck kami after 30 mins kung nasusunod pa rin po yung health protocols po,” dagdag pa nya.
Para naman sa isang batang sabik sa pisikal na interaksyon mula sa kaklase at mga guro matapos ang dalawang taong lockdown sa bansa, ito ang pahayag ni Phillix:
“I had a great time in my f2f classes! I learned so much and I really had a fun time. I had a great time. The class was well organized and they were very encouraging. The teachers were super helpful and the class environment, and they were really friendly!”
Bagamat may interaksyong nangyayari sa loob ng klasrum, isinaad ni Phillix ang kanyang saloobin na nahihirapan pa rin siyang mag-adjust dahil limitado lamang ang kanilang pag-uusap.
Mga pagbabagong nakita sa loob ng paaralan ngayong balik-eskwela
“Siguro yung general na nakita ko ay parang medyo malungkot kasi syempre dahil kaunti lang kayo sa school, kumbaga culinary students lang yung nagka-class during that day. So parang kami lang yung nasa school kaya wala kaming msyadong kasama. Kasi pag f2f, may (mga) activities, competition na nangyayari, and wala kami nun ngayon. So more on physical change talaga yung napansin ko kasi nga nagtransition ako from different school,” pahayag ni Jian nang tanungin sya sa mga pagbabagong kanyang nakita sa loob ng kanilang unibersidad.
Samantala, bago pumasok sa loob ng silid-aralan sila Ivan, ang isang pagbabagong kanilang ginagawa ay ang paghuhugas muna ng kanilang mga kamay sa washing area. “Tapos nag-checheck po kami ng temperature, at dun narin po kami kinukuhaan ng attendance. Tapos dun narin po kami nag a-alcohol. Then pagpasok sa loob ng room, may nakalagay na po per upuan na mga pangalan po namin, at may social distancing na one meter na po,” pahayag pa nya. Bukod dito, lagi silang pinapayuhan na sumunod sa health protocol na ipinapatupad ng pamunuan ng kanilang eskwelahan.
Concern sa paaralan para ma-improve ang face-to-face implementation
Sa kabilang banda, ayon kay Jian ay wala naman syang nakikitang malaking isyu o concern patungkol sa pagsasaayos ng pamunuan ng school para sa face-to-face classes. Dahil nakikita at nararamdaman naman daw nito ang effort o inisyatibo ng eskwelahan na tugunan ang pangangailangan ng mga estudyanteng magbabalik eskwela.
Dagdag pa nya, mas maganda daw siguro kung first year palang ay pwede nang sumailalim sa face-to-face classes. Lalo na sa mga kursong skill based ang sentro ng programa. “Kasi meron kaming mga sensory analysis, na ang hirap mong aralin sa bahay. Kasi syempre the point of the subject ay aaralin mo yung smell ng ganitong product. Siguro yun lang, pero so far naman nafefeel ko naman na tinatry nila yung best nilang mapagbigyan nga yung lahat na makapag f2f. So I think ok naman sya, and more on suggestion lang yun on my part. Pero naappreciate ko naman yung ginagawa ng school para makapag face-to-face na,” pahayag pa nya.
Alin ang mas epektibo: Face to face o online classes?
Bukod dito, nagpahayag si Jian na mas epektibo at mairerekomenda nya ang face-to-face classes kumpara sa online classes. “Especially yung sa amin skill based kami, doon ka lang kasi talagang matututo. I mean, dun mo lang mamamaximize yung learning mo pag itinuturo yun sayo.” saad niya.
Dagdag pa nya na hindi na mawawala ang Covid-19 sa buhay ng tao dahil parte na ito ng tinatawag na new normal ngayon. Kaya naman giit nya na “Kesa hindi tayo lumabas, (mas) proteksyunan natin yung sarili natin pag lumalabas tayo kasi hindi naman pwedeng habambuhay tayong naka online.” “Kasi nga hindi lang naman kami yung course na skill-based, maraming courses na skill-based din,” dagdag pa nya.
Kaya naman nagpaalala sya na kahit maluwag na ang restriction, ay huwag kalimutang may pandemic pa rin tayong nararanasan. “So laging sumunod parin sa health protocols tapos sana fully vaccinated na talaga. Proteksyunan mo lang sarili mo kasi di mo naman pwedeng pigilan yung sarili mong huwag mag face-to-face especially kung yun yung kailangan mo,” pahayag nya.
Sa kabilang banda, napaka epektibo naman ang face-to-face classes para kay Ivan dahil mas nakakapag-isip at nadadagdagan ang kanyang kaalaman sa eskwelahan. Aniya mas mabilis syang matuto kapag personal nyang nakikita ang mga leksyon nila. At mabilis siyang nakakapag-tanong sa kanyang mga guro kapag mayroon siyang hindi maunawaan sa paksang pinag-aaralan nila. “Maganda din pong mag face-to-face kasi syempre po magkikita-kita na kayong magkakaklase at yung dating teacher nyo po. Bukod dito, magkakasama na ulit kayong magkakaibigan at tsaka mas matututunan po ninyo yung pinag aralan nyo po sa bahay ngayong face-to-face na,” dagdag pa nya.
Sa panayam naman kay Phillix, bagamat noong una ay may pag-aalinlangan siyang sumailalim sa limitadong pisikal na klase sapagkat nakasanayan na niya ang modular set-up, mas inirerekomenda pa rin niya ang face-to-face classes sa mga mag-aaral lalo na sa mga estudyanteng nahihirapan sa ilang mga aralin ng kanilang paaralan.
Ang panawagan niya sa kapwa niya mag-aaral, “Take full advantage of their time here at school and make the most of their years in school”.
Sa kabuuan, makikita natin na iba’t-iba ang mga naging karanasan at hamon ng mga estudyanteng nagsipag balik eskwela. May mga nalungkot, nanibago, at nasiyahan sa muling pagkikita-kita nila ng kanilang mga kaklase at guro. Maraming pagbabago rin ang kanilang nasaksihan sa loob ng eskwelahan. Kung dati ay lagpas kuwarenta (40) pataas ang kapasidad ng isang silid-aralan, ngayon ay nalimitahan ito sa dalawampu (20) o mababa pa upang masiguradong hindi puno at siksikan ang bawat estudyante. Bukod dito, nananatiling mahigpit at ipinapatupad pa rin sa iba’t-ibang eskwelahan ang mga health protocol na isinaad ng Department of Health (DOH), gaya ng pagsusuot ng face masks, paggamit ng alcohol, at maging paghuhugas ng kamay.
Tunay ngang sa pagbabalik ng mga estudyante sa kanilang paaralan, marami na ang naging pagbabago. Ngunit ang hinding-hindi magbabago para sa kanila ay ang kasabikan nilang makita at makasama ang kanilang mga kaklase at guro. At maging kasabikan nilang muling matuto nang personal at harapan kumpara sa likod lamang ng papel o screen sa kanilang tahanan.