Ulat ni Ellanie Marie Mallen
Marami ang nanibago sa pagpataw ng iba’t ibang proseso na kinakailangan sa maraming aspeto ng ating pang-araw-araw na buhay dulot ng pandemya. Isa na rito ang mga pagsasaayos ng mga prosesong pang-eleksyon upang makasabay sa “new normal”.
Ngunit, anu-ano nga ba ang mga prosesong nagbago sa pagsasagawa ng pambansa at lokal na halalan ngayong 2022?
Mga Prosesong Digital sa Halalan Bago ang Pandemya
Simula noong 2003, unti-unting sumailalim sa transisyon ang mga prosesong pang-eleksyon mula manual papuntang digital. Nagsimula ang Nationwide Automated National and Local Elections noong 2010 at patuloy pa rin ang implementasyon nito.
Iilan lamang sa mga prosesong digital bago magpandemya ay ang pagkuha ng biometrics o larawan ng botante at thumbprints upang masiguro ang pagkakakilanlan ng botante at direktang ma-encode ang impormasyong demograpiko nila sa computer.
Malaki ang benepisyo ng mga ito sa pagpapadali ng eleksyon kagaya na lamang ng dagdag seguridad sa impormasyong ipinapasa ng mga botante. Dahil dito, naiiwasan din ang mga flying voters o mga taong nagpaparehistro sa ibang munisipalidad o lungsod kahit na sila ay may kinatatalaan nang lugar.
“This gives us more security, in so far as the identity of the voters are concerned. Ito talaga ‘yung primary benefit nya,” ayon kay Atty. Percival Mendoza, isang Provincial Election Supervisor ng Commission on Elections (COMELEC).
(“Mas nakakapagbigay ito ng siguridad kung ang pagkakakilanlan ng botante ang pag-uusapan. Ito talaga ‘yung pangunahing benepisyo nya,”)
“Ang dami nating time na na-save. Dati, noong manual pa ang eleksyon, it takes about a month bago ma-proclaim ang mga nanalo. Ngayon, sobrang dali na lang.” dagdag ni Atty. Mendoza patungkol sa mga benepisyong hatid ng mga digitized na prosesong pang-eleksyon.
“Information is almost incorruptible. ‘Yun yung pinakamalaking benefit.” Nabawasan din umano ang human intervention o pagdaan ng mga importanteng papeles sa iba’t-ibang mga kamay sapagkat machine to machine na ang pagproseso ng mga ito.
Ngunit, sa kabila ng mga benepisyong ito, hindi rin umano naiwasan ang mga hamon na dala ng transisyong ito. Nasa 10% – 15% ng mga electorate o mga taong maaaring bumoto sa bansa ang hindi pa rin nakakapagpasa ng kanilang biometrics sa COMELEC — dahilan upang hindi sila posibleng payagang bumoto. Alinsunod sa polisiyang “No Bio, No Boto” ng COMELEC.
Ayon kay Atty. Mendoza, naging susceptible sa hacking ang naging sistema noong 2016 National Elections kung saan may lumabag sa Data Privacy Act at na-hack ang ilan sa mga impormasyong nakasaad sa kanilang database. Inaksyunan naman ito ng COMELEC sa pamamagitan ng pagpapalakas sa kanilang data security system upang maiwasan ang mga kaparehang insidente sa hinaharap.
Isa rin daw sa mga naging hamon nila ay ang adjustment period na nangyari simula sa unang pambansang implementasyon ng mga prosesong ito. Ayon kay Atty. Mendoza, nagkaroon ang COMELEC ng information campaign upang maipahatid sa mga tao ang mga pagbabagong ito.
Mga Digitized na Proseso sa Unang Halalan sa Pandemya
Sa pagsasagawa ng eleksyon ngayong pandemya, nagkaroon muli ng pagsasaayos ng mga prosesong pang-eleksyon upang masiguro ang kaligtasan ng mga botante pati na rin ang mga empleyadong kalahok sa pagpapatupad ng mga ito.
Isa sa mga ito ay ang pagkakaroon nila ng iRehistro o pre-registration na matatagpuan sa kanilang website, kung saan maaaring maglagay ang botante ng kanyang impormasyong demograpiko upang makakuha ng QR code na mas magpapadali ng proseso ng pagrehistro. Hindi na kakailanganing dumaan sa proseso ng pag-encode pagdating sa opisina ng COMELEC; sa halip ay maaaring i-scan na lamang ang QR code na nakuha mula sa iRehistro at diretso na sa pagkuha ng biometrics.
Online na rin ang pagproseso ng reactivation ng mga botante na mayroon nang record ng biometrics. Hindi na kinakailangang pumunta pa sa opisina ng COMELEC upang maproseso ito.
Isa pa sa mga serbisyong ginawang online ay ang Precinct Finder na makikita sa website ng COMELEC. Dito maaaring makita ng botante ang precinct number at lugar na kanyang pagbobotohan sa araw ng halalan.
Ang pinakabagong karagdagan sa mga prosesong ito ay ang digitized na lagda ng Board of Canvassers, na may kaakibat na signature authenticator na magsasabi kung opisyal na galing sa COMELEC ang isang digital file gaya ng tally at pahayag na nagsasaad ng resulta ng eleksyon.
Ayon kay Atty. Medonza, ito ay dagdag seguridad laban sa impormasyong maaaring mapeke sa panahong online na ang karamihan sa mga proseso sa ating pang-araw-araw na buhay.
Mga Benepisyo at Hamon ng mga Prosesong Digitized
“Contactless. Less chances of catching the disease or the virus.”
(“Walang contact. Mas kakaunti ang tsansa na magkasakit o makuha ang virus.”)
Ito ang pahayag ni Atty. Mendoza patungkol sa benepisyo ng pag-digitize ng mga nabanggit na proseso. Isa rin umano itong pagkakataon upang magkaroon ng panibagong learning avenue sa sistemang ipinapatupad sa halalan.
Gayunpaman, hindi pa rin maiiwasan na magkaroon ng hamon dulot ng pag-digitize ng mga prosesong ito. Isa na rito ay ang hamon ng adaptation o pag-aadjust muli ng mga botante at mga empleyado sa mga panibagong proseso.
“It’s a matter of informing and educating people of the new avenue to get things done. Not only for the people we are serving, but also for the people who are working on this,”
Ayon kay Atty. Mendoza nang tanungin kung paano malalampasan ang hamon na ito.
(“Ito ay tungkol sa pagpapaalam at pagtuturo ng panibagong abenida kung paano isinasaayos ang mga bagay-bagay. Hindi lamang para sa mga tao na aming sineserbisyuhan, kung hindi para rin sa mga empleyado na nagsasagawa ng mga prosesong ito.”)
Sa Usaping Siguridad ng Impormasyon
“The manpower from the Commission on Elections, we make sure that we are equipped with the provisions of the Data Privacy Act.”
(“Ang manpower ng Commission on Elections ay sinisiguradong kaakibat ang probisyon ng Data Privacy Act.”)
Ayon kay Atty. Mendoza, kasama sa kampanyang pang-impormasyon nila ang pagpapaliwanag sa probisyon ng nabanggit na batas upang maiwasan ang mga insidenteng maaaring mangyari patungkol dito.
Nabanggit din ni Atty. Mendoza ang pag-iingat nila sa maseselang impormasyon. “If you want information of your loved ones, family, or even ikaw mismo, hihingan ka ng ID at talagang vine-verify namin sa database kung talagang ikaw ‘yun. Ito yung malaking tulong rin ng pagkakaroon ng biometrics,” ayon kay Atty. Mendoza.
Mahigpit rin umano ang pag-iingat nila sa pagbibigay ng digital na impormasyon gaya ng digital fingerprint at digital signature na maaaring magamit sa pag-verify ng pagkakakilanlan ng isang tao sa kanilang database.
Isa pa sa mga hakbang na ipinatupad ay ang pagbawas sa mga impormasyong makikita sa Computerized Voters List alinsunod sa Data Privacy Act. Nakasaad dito noon ang pangalan, voter’s identification number, tirahan, araw ng kapanganakan, kasarian, at iba pang personal na impormasyon ng isang botante. Ngayon, tanging pangalan at barangay na lamang ang nakasaad dito.
Ang paghihigpit nila sa impormasyon ay isang leksyon umano mula sa naganap na data breach noong 2016 elections. Ipinatupad ang mga protocol na ito upang maiwasan ang mga katulad na insidente.
Mga Plano sa Hinaharap
Noong 2019, nagkaroon din umano ng isang pilot project ang COMELEC patungkol sa pagpapatupad ng isang digital thumbprint taker kung saan bawat precinct ay may tablet na magsasabi kung ang isang botante ay nakarehistro sa precinct na iyon sa pamamagitan ng pag-scan ng thumbprint ng isang botante, subalit ito ay naipapatupad pa lamang sa iilang polling precinctssa NCR, Davao, at Cebu dahil sa kakulangan sa budget ayon kay Atty. Mendoza.
Inaasahang maipapatupad ang sistemang ito sa mga susunod na eleksyon kapag nabigyan na ang proyekto ng sapat na pondo.
“We have to improve ‘yung communication facilities natin and infrastructure. In spite of how good our system will be, we are still very much dependent on our third-party provider,”
(“Kailangan nating mapabuti ang ating kagamitan at imprastrakturang pangkomunikasyon. Kahit gaano kaayos ang ating sistema, nakadepende pa rin tayo sa ating third-party provider.”)
Pahayag ni Atty. Mendoza patungkol sa mga maaari pang mapabuti sa mga prosesong pang-halalan. Nabanggit din ni Atty. Mendoza na importante ang pagpapabuti ng ating internet connection nang sa gayon ay mas mapabilis pa ang proseso ng eleksyon sa bansa.
Dahil din sa pagpapabilis ng prosesong pang-eleksyon dala ng pagiging digitized ng mga ito, maaaring ipagpatuloy pa rin ang pagpapatupad sa mga prosesong ito sa mga darating pang eleksyon.
Bagamat nagkaroon ng iilang hamon sa pagsasagawa ng eleksyon ngayong taon buhat ng transisyon papunta sa new normal, sa tulong ng teknolohiya at inobasyon, naging posible pa rin ang pagdaos ng halalan sa gitna ng pandemya.