nina Charm Artiola at Pamela Hornilla
Sa papalapit na halalan ngayong Lunes, Mayo 9, malaki ang papel at responsibilidad na kailangang gampanan ng bawat isa upang matiyak ang isang payapa at maayos na eleksyon. Isa na rito ang mga mamamahayag na gumagamit ng mobile journalism upang mag-ulat at maghatid ng balita sa masang Pilipino.
Mobile Journalism at ang Eleksyon 2022
Kaakibat ng kabi-kabilang adbokasiya para sa pagpapahayag ng wastong impormasyon sa masa ngayong Halalan 2022 ay ang pag-usbong ng mobile journalism. Ito ay isang mas malayang pamamaraan ng pamamahayag sa social media kung saan bahagi ang mga mamamayan sa paghahatid ng balita.
Ilan lamang sina John Gherald Navera, Mary Angela Chozas, at Kyryll Navarro sa mga estudyanteng mobile journalists mula sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños na sumagot sa tawag ng bolunterismo bilang mga mamamahayag para sa Bantay Halalan 2022. Layon ng mga volunteers na maiulat ang kaganapan sa darating na Lunes gamit lamang ang kanilang mga personal na gadget tulad ng cellphone.
Maliban dito, ang kahalagahan ng mobile journalism ay hindi lamang umiikot sa pagpapahayag ng tamang mga balita mula sa iba’t ibang lugar upang maipaabot sa publiko. Napalalawig din nito ang konsepto ng bolunterismo at pakikialam ng lahat sa eleksyon.
Pamamahayag ngayong eleksyon at pandemya
Bilang nasa gitna pa rin ng isang krisis pangkalusugan ang bansa, batid nina Chozas, Navarro, at Navera ang hamon at bigat ng kasalukuyan nating sitwasyon. Ani nila, isa sa mga pinakamalaking pagsubok ay ang pagkalap ng impormasyon, partikular na ang pakikipagpanayam. Bukod sa nangangailangan ng mga sulat at iba pang dokumento, may mga pagkakataon ding tinatanggihan sila ng mga nais nilang makapanayam. Dagdag pa ni Chozas, labis niyang ikinababahala ang kawalan ng signal sa ibang mga lugar na maaaring maging hadlang sa kanilang pagbabalita.
Sa kabila nito, positibo pa rin ang mga naging karanasan nila nitong pandemya.
“Ang karanasan ko sa pagcover ng mga event ay satisfying at challenging din. Masayang makipaghalubilo sa kanila [mga nakapanayam] at sobrang nakaka-inspire magsulat lalo pa’t pinaghirapan mo ang pagkuha ng mga impormasyong kailangan. Dagdag pa, nakakabuo ka rin ng koneksyon sa kanila,” wika ni Naverra.
Bitbit ang mga karanasan, pagsasanay, at ang positibong pananaw bilang mga boluntaryong student mobile journalists, may kumpiyansa sila na magiging maayos ang election coverage ngayong Lunes. Tiwala sila na maipapaabot nila nang maayos sa publiko ang mga balita at kaganapan ngayong eleksyon.
Tungo sa maayos na pamamahayag ngayong halalan
“Makalidad,” ganito kung ilarawan ni Jacque Manabat, isang mobile journalism advocate at Senior Multiplatform Journalist sa ABS-CBN News and Current Affairs, ang isang balita noong siya ay nagsilbing tagapagsalita sa Department of Development Journalism (DDJ) Seminar Series: Mobile Journalism Series. Bagama’t ang pamamahayag umano sa panahon ng eleksyon ay hindi madali dahil sa banta ng COVID-19, nabanggit niya na misyon pa rin ng mga mobile journalists na makagawa ng iba’t-ibang istorya na panig sa katotohanan.
“Ang pinapaboran ng balita ay ang katotohanan. May paninindigan dapat sa katotohanan para sa boses ng publiko,” pahayag niya.
Ibinahagi rin niya ang kahalagahan ng mobile journalism kit sa pamamahayag ngayong darating na Halalan 2022. Ang nasabing kit na binubuo ng cellphone, earphones, powerbank, at tripod ang magsisilbing armas at kasangga ng mga mobile journalists. Binigyang diin din niya na mahalagang malaman ang detalye ng gagamiting cellphone upang maiwasan ang anumang aberya sa oras ng pag-uulat.
Nagbigay rin sya ng ilang tips at paalala tungo sa maayos na pamamahayag ngayong halalan. Ilan sa mga nabanggit niya ay ang pagbukas ng airplane at do not disturb modes bago kumuha at habang kumukuha ng live video. Dagdag pa niya, mainam na magbawas ng files sa gagamiting cellphone para sa mas malawak na memory storage, at gumamit ng earphones/headphones at external microphone. Nabanggit din niya na linisin ang lente ng camera ng cellphone, at i-charge ito bago sumabak sa interbyu o hindi kaya ay magdala ng powerbank.
Bukod dito, nagpahayag si Manabat na mas mainam na i-base ang oryentasyon ng kukuhaning video sa kung saang social media platform ito gagamitin. “Kapag on the go, mas okay kung horizontal ang orientation sa phone,” dagdag pa niya.
Para sa mga mobile journalist ngayong halalan
Malaki ang responsibilidad ng mga mamamahayag, propesyunal man o boluntaryong mamamayan, sa ating lipunan. Sa darating na eleksyon, inaasahan ng taumbayan na kasangga sila sa pagpapaabot ng katotohanan.
Wika nga ni Manabat, “Ang pagde-debunk ng misinformation ay hindi lang responsibility ng mga journalists kundi responsibilidad ng lahat lalo na ang mga kabataan. Labanan ang misinformation, disinformation, at lahat ng propaganda online.”