Ulat ni: Gelai Chozas
Pinangunahan ng mga kabataan ang Voters’ Assistance Desk (VAD) at Poll Watching sa San Pablo City upang maisakatuparan ang maayos at malinis na halalan.
Maagang nagtungo sa San Cristobal Elementary School ang Sangguniang Kabataan (SK) upang agad na mai-assist ang mga botante. Gamit ang kanilang mga laptop at cellphones, tinutulungan ng mga kabataan ang mga botante na hindi alam ang kanilang precinct number. Nakapwesto naman ang VAD sa gilid ng pathway ng paaralan kung saan nakapila ang mga botante.
Bukod sa SK ay nanguna rin sa pagvovolunteer ang mga kabataan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV). Tungkulin ng PPCRV youth na maging bahagi sa VAD pati na rin sa poll-watching. PPCRV youth din ang mga nakatao sa voters’ assistance desk sa Laguna State Polytechnic University (LSPU).
Samantala, ayon kay Annaliza De roma, head ng DESO, umaga pa lamang ay dagsa na ang mga tao sa paaralan. Aniya, nasa tatlong libong botante ang nakarating simula kaninang alas sais hanggang alas onse ng umaga. Dahil dito, hindi na halos nasunod ang safety protocols sa pagnanais ng mga botante na makapasok sa loob ng kani-kanilang clustered precincts.
Kasabay nito ay maaga ring tumungo sa LSPU upang bumoto si Karen Agapay, Vice Governor re-electionist ng Laguna, na tumatakbo para sa ikatlong termino.
Tinatayang nasa apat na libong botante ang inaasahang boboto sa naturang pamantasan. Dagdag pa ng head ng DESO, pagdagsa lamang ng tao ang nagiging problema pero wala namang aberyang nagaganap ukol sa mga Vote Counting Machine (VCM).