Ulat ni: Rainielle Kyle Guison
Maraming botante ang nakapila sa Brgy. Mayondon, Los Baños Laguna mga bandang alas-onse ng umaga. Hindi maayos ang pila kaya hindi na rin nasusunod ang social distancing. Gayunpaman, mukhang nagkakaintindihan pa rin ang mga botante kung saan pipila dahil sa pagtatanungan kung anong cluster ang kanilang sinusundan.
Ayon kay Paul Villegas, isa sa mga nagsisilbing officer-in-charge o OIC ng Brgy. Mayondon ngayong eleksyon, alas-siete pa siya dumating ngunit sa haba ng pila ay napagdesisyunan niyang mamayang hapon na lang bumoto. Aniya ay tinatayang mahigit tatlong libo ang botante sa Mayondon Elementary School pero mas marami pa raw ang bilang kaninang umaga. Dagdag dito, ang ibang botante ay nainip na rin at napagdesisyunang umuwi muna.
Samantala, walang aberyang pangyayari patungkol sa mga vote counting machine (VCM). Subalit kanina ay isang PWD ang nakitang may kaunting dugo sa mukha dahil sa pagkahulog sa kanyang wheelchair. Agad naman ito naagapan ng mga nakaantabay na medical practitioners at Bureau of Fire Protection (BFP) na nakatalaga sa Mayondon Elementary School.