Ulat ni: Annielyn Eugenio
Ipinakita ng initial report ng mga opisyales mula sa Mababang Paaralan ng San Ramon sa Sitio Manfil, Brgy. Canlubang sa Calamba Laguna ang positibong partisipasyon ng mga rehistradong botante na maagang nagtungo sa voting center para bumoto.
Dahil dito, naging napakalaking alalahanin at prayoridad ng paaralan ang pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan para sa mga botante. Kaisa ang mga barangay officials, at mga boluntaryong kabataan sa pag-assist ng mga senior citizens at mga persons with disabilities (PWDs).
Bilang pagtugon din sa mga protokol kaugnay ng eleksiyon at upang mapanatili ang maayos na daloy ng botohan, ang bawat precint rooms ay may sampung kapasidad lamang ng taong pwedeng hayaang pumasok at hindi na pwedeng sumobra pa sa bilang na ito.
Patuloy ang naging pagpapatupad ng three steps process sa paaralan, kung saan ang unang proseso ay ang pagdaan sa health declaration check, ikalawa ang pagdaan sa mga Vote Assistance Desk (VAD) at ikatlo ay ang pagpila sa kani-kanilang mga precint rooms.
Dahil sa laki ng lupang sakop ng paaralan, maraming mga opisyales mula sa iba’t-ibang organisasyon ang nagbigay ng kanilang oras at serbisyo para magboluntaryo at gumabay sa mga botanteng hindi pamilyar sa nasabing voting center.