Isinulat ni Amiel Earl E. Malabanan
Ayon sa datos ng DOH, pangatlo ang Laguna sa may pinakamaraming kaso ng COVID-19 na naitala sa buong bansa simula noong Enero 2020. Tumaas ang bilang ng mga kaso noong Pebrero 2022 at humupa ito noong Mayo sa parehong taon. Ngayong Hulyo 2022, mayroon na namang nakikitang pagtaas ng mga naitatalang kaso. Sa halos tatlong taong paglaban ng bansa sa COVID-19, makikitang malaki ang naging epekto nito sa buhay ng bawat isa. Ngunit ngayong mayroon nang bakuna laban sa virus, mayroon nang pansangga ang mga mamamayan upang maibsan ang dating nakapanlulumong simula ng istorya ng pandemya.
Pagbaba ng nagpapabakuna, pagtaas ng mga kaso
Ayon kay Dr. Maria Carlin Fabian, Medical Officer IV ng LBMHO, mayroong napansing pagbaba ng bilang ng mga nagpapabakuna para sa COVID-19, lalong-lalo na ang mga nagpapa-booster.
“Yung ibang may kasamang adults, tinatanong na namin kung may booster, kalimitan ayaw [magpa-booster], may sakit daw,” ani Dr. Fabian.
Sa kabila ng pag-aalangan ng ilang mamamayan tungkol sa pagpapaturok, patuloy pa rin ang panghihikayat nila.

COVID-19 VACCINATION MOBILE. Nagpahayag so Dr. Fabian, Medical Officer IV, ukol sa isinasagawang COVID-19 VACCINATION MOBILE ng LBMHO–Hulyo 2022.
Ayon kay Nars Jonas Madrigal, Nurse II ng LBMHO, nagsimulang gawin ang pagpunta sa bawat barangay ng LBMHO noong Hunyo kung saan nila unang napansin ang pagbaba ng bilang ng mga nagpapaturok.
Dagdag ni Nars Jonas, ang datos na ito ay nagmula sa IT Department ng munisipyo ng Los Baños kung saan nakalista ang mga datos ng mga nababakunahan kada barangay simula ng unang pagbabakuna ng mga mamamayan. Sa listahang ito nila binabase ang pupuntahang barangay. Ayon sa kanya, pangwalo ang Baranggay Mayondon sa kanilang napuntahan mula buwan ng Hunyo.
Isang hakbang na Isinagawa ng Los Baños Municipal Health Office (LBMHO) ang RESBAKUNA Sa Baranggay o COVID-19 Vaccination Mobile bilang karagdagang panukala sa pagbabakuna. Nagpupunta ang mga kawani ng LBMHO sa mga vaccination hub sa bawat barangay ng Los Baños kada Biyernes upang mas malapit ang bakunahan sa mga mamamayan ng mga barangay.

MONITORING. Nag-hihintay ang ilang mamamayan ng Brgy. Mayondon sa Monitoring Station pagkatapos mabakunahan sa Mayondon Elementary School–Hulyo 2022.
Bagaman maaari pa ring magpabakuna ng Lunes hanggang Huwebes ang mga mamamayan sa Los Baños Evacuation Site na nagsisilbing vaccination hub ng munisipalidad, isinasagawa ng LBMHO ang COVID-19 Vaccination Mobile bilang isang strategy ng LBMHO upang pataasin ang mga bilang ng mga nagpapaturok na mamamayan.

OXYGEN-LEVEL. Tinitignan ng isang nars ng LBMHO ang oxygen level ni Joshua, 8, pagkatapos ang labinlimang minutong pagmonitor pagkatapos bakunahan sa Mayondon Elementary School–Hulyo 2022.
Masasabing epektibo ang COVID-19 Vaccination Mobile sa paghikayat sa mga mamamayang magpaturok laban sa virus sapagkat ayon kay Dr. Fabian, marami ang pumupuntang mamamayan na wala pang first-dose at marami din ang nagpapa-booster lalo na ang mga nakaligtaan ang kanilang iskedyul.
Kapansin-pansin rin ang pagtaas ng mga on-going cases ng COVID-19 sa Los Baños pagdating ng buwan ng Hulyo. Noong linggo ng Hulyo 18 hanggang Hulyo 22, mayroong kabuuang naitalang 56 na kaso ang Los Baños. At sa mga nakaraang linggo ng Hulyo, makikitang patuloy na mayroong hindi bababang 9 ang mga bagong kaso kada araw na naitatala ayon sa datos ng Los Baños Municipal Government, kumapara sa 5 na pinakamataas na naitalang bagong kaso sa isang araw sa buwan ng Hunyo.
Ayon naman kay Wilma Estacio, 50, na isang nars at nagpa-second booster, mas mahalaga ngayon ang pagbabakuna sapagkat tumataas ang mga kaso ng COVID-19 sa Los Baños.
“Ayun[surge] yung fear natin. At least [kahit] paano may proteksyon,” aniya.
Sa karanasan ng mga mamamayan
Sa panayam ni Nestly Joy Lapie, 28 years old na mamamayan ng Brgy. Mayondon kasama ang anak niyang si Nathan Lapie, 5 years old, ipinahayag niya na ngayon lang pinaturukan ang anak sapagkat kinailangan niyang pilitin ito.
“Ayaw niyang mauto kasi ayaw niyang maturukan [dahil sa takot sa karayom],” aniya.
Nang tanungin kung alam ng anak ang rason ng pagbabakuna, binanggit niyang alam ng anak na para ito sa kanyang proteksyon sa sakit.
Sinabi ni Nestly na sa Facebook Page ng Barangay Mayondon niya nalaman ang pagpunta ng LBMHO sa barangay upang magkaroon ng vaccination hub.
“Buti nga nagkaganito [COVID-19 VACCINATION MOBILE]. Nag-direkta na ako [pumunta],” ani niya.
Nabanggit ni Nestly na mayroong G6PD deficiency ang kanyang anak na naging sanhi rin ng kanyang pagpapaliban sa pagbabakuna nito,
“Ayun din yung iniisip ko nung una…pero pwede naman daw [turukan] nung pumunta ako,” ani nya.
Dagdag pa niya, mas mabilis ang proseso ng vaccination hub kumpara noong nagpabakuna siya. Sinabi niyang malaking rason nito ay ang kaunting taong kasabay nila sa pagbabakuna.

PAGBABAKUNA. Pagbakuna kay Jyra, 10, ng isang nars ng DOH sa Mayondon Elementary School na nagsilbing vaccination hub para sa COVID-19 VACCINATION MOBILE–Hulyo 2022.
Sa panayam ni Shiela Gacer, 43, kasalukuyang midwifery student na kasama ang dalawang pamangkin na sila Joshua Abeleda, 8, at Jyra Abeleda, 10, nabanggit niyang sa labing-tatlong magpipinsan, ang dalawa na lang ang hindi pa nababakunahan.
“First-time [nila mabakunahan]…kasi ayaw ng tatay nila. Sa health ako nagtatrabaho, ako yung nag-encourage [magpabakuna],” aniya.
Nabanggit din ni Shiela na may pagdududa ang tatay ng mga pamangkin ukol sa pagbabakuna dahil sa mga sabi-sabing nakakamatay ito. Kaya naman ipaliwanag niyang mabuti sa tatay ng mga bata na ang pagbabakuna ay layuning makaligtas ng tao imbis na makapinsala.
Ipinahiwatig din niya na mayroong pagdududa sa bakuna ang mga nakakasalamuha niya dahil sa mabilisan nitong paggawa.

PAGBABAKUNA. Sila Shiela Gacer, 43, kasama ang pamangkin niyang sila Joshua Abeleda, 8 at Jyra Abeleda, 10, na nagpa-first dose sa Mayondon Elementary School–Hulyo 22.
Paalala ukol sa bakuna
Sa kabila ng mabilis na naging proseso ng vaccine development para sa COVID-19, hindi ibig sabihin nito ay nakompromiso ang mga clinical trials nila. Ang mabilis na paggawa nito ay dala ng mga pagsulong sa siyensya at teknolohiya lalong lalo na sa genomic sequencing kung saan naging mas matagumpay ang pagbunyag ng viral sequence ng nasabing virus sampung araw lamang pagkatapos mai-ulat ang unang kaso ng pneumonia sa Wuhan, China (Solis & Guildford, 2021).
Sa pagdevelop ng Pfizer vaccine, kumuha ang mga siyentipiko ng mga genotype ng pathogens ng mga nagpostive na tao sa COVID-19 gamit ang whole-genome sequencing kung saan mabilisang nakikita ang mga nucleotide ng kumpletong DNA sequence ng isang indibidwal (National Cancer Institute, n.d.) upang matiyak na up-to-date ang kanilang vaccine (Breakthroughs Staff, 2022).
Binanggit ni Nars Jonas ang kahalagahang malaman na halos lahat ng bakuna ay may side effects dahil ito ay epekto ng reaksyon ng katawan natin.
“Pero hindi naman tayo ipapa-harm ng DOH kung masama ito sa atin…,” ani nya.
Ang side effects ng mga bakuna ay nagmumula sa pag-udyok nito ng mga antibodies ng katawan natin upang mas maging malakas ang resistensya ng katawan kung madapuan ng virus. Datapwat, maaaring hindi magkaroon ng side effects ang nabakunahan sapagkat ito ay nakadepende pa rin sa immune system ng katawan.
Ayon sa DOH, wala pang gamot ang inirerekomenda para sa COVID-19. Ang bakuna lamang ang tiyak na maaaring pangsangga sa virus ng mga mamamayan.
Bukod dito, ang mga nagpositibo sa nasabing virus ay maaaring magpatingin sa doktor o mag-isolate sa bahay ng labing-apat na araw. Ang mga may malalang karamdaman naman ay kailangan ng supportive care sa mga ospital.
Kalimitan, mas madaling dapuan ng virus at mas nagkakaroon ng malalang sintomas ang mga nakatatanda (senior citizens) at mga taong mahina ang resistensya (mga immunocompromised) o may sakit na gaya ng asthma, diabetes, at sakit sa puso. Ito ang dahilan kaya binigyang prayoridad sila sa pagbabakuna.
Mainam ding alalahanin na mabilis kumalat ang COVID-19 dahil maaari itong maipasa sa pakikipagsalamuha sa kapwa na mayroong virus, may sintomas man o wala (human-to-human transmission). At kahit na may bakuna na, maaari pa rin silang madapuan ng virus. Ngunit ang mga taong nabakunahan na ay kalimitang mas banayad ang sintomas kung sakaling madapuan man sila ng COVID-19.
Ipinahayag ni Nars Jonas ang kahalagahan ng bakuna sa pag-agap sa maaaring surge o biglaang pagtaas ng mga on-going cases.
“The more na marami tayong mabakunahan, if ever [magkaroon ng] surge yung virus, at least protected yung iikutan ng virus.” Ani nya.
Panawagan
“Kailangan talaga [magpabakuna]., ang dami nang nagpa-vaccine hindi naman namatay.”
Ito ang sinabi ni Sheila, nang tanungin ukol sa kahalagahan ng pagbabakuna.
Dagdag pa nito, mayroong statistical report para makumpirma ang kaligtasan ng mga bakuna at kung malaman na sanhi ito ng pagkamatay ay matitigil ang paggamit nito.
“Hindi ka naman siguro para pabayaan ng mga nasa medical field na lumala yung kaso na dumami yung mga namamatay sa vaccine. Magru-rule out yun eh. Ibig sabihin hindi sya ganun nakaka[pinsala] kaya dire-diretso [ang pagpapabakuna],” aniya.
Ayon kay Wilma mahalaga ang magpabakuna. “Magpaturok na kayo kasi ayun lang naman yung panlaban natin sa COVID!” aniya.
Naniniwala din si Nestly na mahalaga ang pagbabakuna, “Oo naman, dahil may ilang percent na pwedeng madapuan ng virus at may panlaban siya[ang anak ko] sa katawan,” aniya.

COVID-19 VACCINATION MOBILE. Si Nars Jonas Madrigal, kasama ang ilan pang mga nars ng LBMHO na nagbabakuna sa Mayondon Elementary School–Hulyo 2022.
Ayon kay Nars Jonas, pinaka-importante na makumpleto ng mga mamamayan ang mga bakuna.
Dagdag pa niya, “‘Wag tayong maniwala sa mga hearsay-hearsay na masama [ang bakuna]…so hinihikayat ko na magpabakuna lahat lalong-lalo na ngayong may booster na.”
Dagdag pa ni Nars Jonas na mahalagang maipahayag sa mga mamamayan ang kahalagahan ng pagbabakuna upang makatulong sa pagpuksa sa pandemya.
Naniniwala din si Shiela na ang pagbabakuna ay hindi lamang proteksyon kung ‘di paraan din ito upang labanan ang pandemya. Sa kanyang salita, tinawag niya itong “Proteksyong Pagpuksa sa Pandemya.”
Ang panawagang ito ang nagpapa-alala na ang pandemya ay maaari lamang mapuksa kung ang bawat isa ay magsasama-sama. Ang sama-samang pagsisikap ng bawat mamamayang sumunod sa mga alituntunin at kumalap ng tamang impormasyon ang magiging sandata upang tuluyang mapuksa ang pandemya.
Mga Sanggunian
Breakthroughs Staff. (2022). How Next-Generation Sequencing Is Helping to Build Better Vaccines. Pfizer. Retrieved August, 2022, from https://www.pfizer.com/news/articles/how-next-generation-sequencing-helping-build-better-vaccines
DOH. (2019). COVID-19 Mythbuster. Department of Health. Retrieved July 2022, from https://doh.gov.ph/covid-19/infographics/Mythbuster
DOH. (2019). Mga katanungan tungkol sa Novel Coronavirus Disease (COVID-19) | Department of Health website. DOH. Retrieved July 2022, from https://doh.gov.ph/covid-19/infographics/mga-katanungan-tungkol-sa-covid-19
DOH. (n.d.). Safety of COVID-19 Vaccines. Department of Health website. Retrieved July, 2022, from https://doh.gov.ph/Vaccines/Safety-of-COVID-19-Vaccines
WHO. (n.d.). Coronavirus disease (COVID-19): Vaccines. World Health Organization. Retrieved July, 2022, from https://www.who.int/emergencies/diseases/novel-coronavirus-2019/question-and-answers-hub/q-a-detail/coronavirus-disease-(covid-19)-vaccines?adgroupsurvey=%7Badgroupsurvey%7D&gclid=Cj0KCQjw54iXBhCXARIsADWpsG9IupJN-HbYqRUwlJe4j975uU4nwyLjLpRqUdXnBIkQvkxinWG6
National Cancer Institute. (n.d.). Definition of whole genome sequencing – NCI Dictionary of Genetics Terms – NCI. National Cancer Institute. Retrieved August, 2022, from https://www.cancer.gov/publications/dictionaries/genetics-dictionary/def/whole-genome-sequencing
Solis, J., & Guildford, A. (2021, November). COVID-19 vaccine: How was it developed so fast? Medical News Today. Retrieved July, 2022, from https://www.medicalnewstoday.com/articles/how-did-we-develop-a-covid-19-vaccine-so-quickly
World Health Organization. (2020). Episode #14 – COVID-19 – Tests. World Health Organization International. Retrieved August, 2022, from https://www.who.int/emergencies/diseases/novel-coronavirus-2019/media-resources/science-in-5/episode-14—covid-19—tests?gclid=Cj0KCQjwuaiXBhCCARIsAKZLt3mHpAqSMLNT3AOYKHCKFpZ6LfvPsxZC2hwhOj-OFbTI8HN-BuP7gTkaAu2NEALw_wcB